KABANATA 6: HINDI IMBITADONG PANAUHIN
PUMARA AGAD ng taxi si Addy. Nang huminto ang sasakyan sa harapan namin, mabilis kaming sumakay ni Isabella sa likuran, sa unahan sa tabi naman ng driver umupo si Addy.
"Manong pasundan ho 'yong sasakyan ng ambulansya na 'yon," sabi ni Addy sa driver habang inaayos niya ang seatbelt niya. Madali rin niyang tinuro ang ambulansya na umandar na at nauna nang umalis sa lugar habang maingat na iniiwasan ang mga nagkalat na tao sa kalsada.
Tumango lang ang driver bago nito patakbuhin agad ang sasakyan kasunod ng ambulansya. Agad din naming nasundan ang sasakyan kung nasaan ang katawan ni Marcus at si Renald na nag-insist sumama sa ambulansya para may kasama ang kaibigan namin kung sakali mang magising ito—bagay na ipinapanalangin namin ngayon kahit pa alam naman naming suntok sa buwan ang hiling na 'to.
Walang nagsasalita sa aming tatlo kahit pa maya't maya kaming sinisipat ni Addy sa likod. Lahat kami ay hindi mapalagay habang nakatuon ang mga mata namin sa ambulansyang sinusundan ng taxi na sinasakyan namin.
Habang binabagtas ang daan at sinusundan ang nagmamadaling sasakyan sa harapan namin, nag-ring bigla ang cellphone ni Isabella. Agad niyang kinuha mula sa bulsa ang cellphone at tiningnan sa screen nito kung sino ang tumatawag.
"Si Marga," ani Isabella bago siya tumingin sa amin ni Addy. Ni-loud speaker niya rin ang cellphone para marinig namin ang sasabihin ni Marga sa kabilang linya.
"Wala sa mga bahay nila sila Brian. Pare-pareho silang hindi pa mga umuuwi," saad ni Marga. Maririnig mula sa kabilang linya ang mabigat na paghinga ng babae, parang hinihingal. "Nandiyan pa ba kayo sa bayan? Anong oras na ah—teka lang, bagalan mo naman maglakad!" saad ni Marga, mukhang magkasama pa rin sila ni Felipe hanggang ngayon.
"Wala na kami sa bayan. Papunta kami ngayon sa ospital," sagot ni Isabella.
"Ospital?" takang tanong ni Marga.
"Nakita na namin si Marcus. Pero hindi pa namin maipapaliwanag ang lahat sa ngayon. Keep contacting Brian and Harold, baka isa sa kanila ay sumagot," ani Isabella bago tumingin sa akin. "Kasama ko pa si Addy, Tyrese, at Katrina. Babalitaan agad namin kayo kapag malinaw sa amin ang lagay ni Marcus."
Narinig ko pa ang pagtatanong ni Felipe kay Marga tungkol sa nangyari bago tuluyang maputol ang linya. Kasabay naman nito ang siyang pagbagal at unti-unting paghinto ng sinasakyan namin hanggang sa tuluyan na kaming bumaba sa taxi.
Nasa tapat na kami ng ospital.
Mabilis na ibinaba sa ambulansya ang katawan ni Marcus. Kasunod nito si Renald na agad lumapit sa amin bago kami sabay-sabay na sumunod sa stretcher na itinutulak ng mga nurse papunta sa emegency room hanggang sa pigilan na kami ng mga ito dahil nasa harapan na kami mismo ng ER.
Natahimik kaming apat.
"May balita na ba sila Marga kung nasaan si Brian at Harold?" tanong ni Renald nang lingunin niya kami. Gaya namin, bakas sa mukha niya ang pagkabalisa dahil sa bilis ng mga pangyayari.
"Kakatawag lang ni Marga sa amin kanina habang nasa taxi. Wala raw si Brian at Harold sa mga bahay nila, hindi pa raw umuuwi," tugon ni Isabella habang hinihimas-himas ang magkabila niyang braso gamit ang dalawa niyang kamay. Tila nilalamig sa kaba dahil napansin ko rin ang panginginig ng mga daliri niya sa kamay.
Napakagat ako sa ibabang labi ko habang naglalakad-lakad sa aisle sa tapat ng emergency room. Hindi na ako nakapagpigil at naupo na lamang sa hilera ng mga upuan sa gilid ng daan.
BINABASA MO ANG
Hiram na Anino
TerrorUrban Legends Series | Ang kamatayang naiwasan ay utang na dapat pagbayaran. *** A novel. Maaring ang lahat sa atin ay nakasakay na sa pampasaherong jeep kahit man lang isang beses sa buong buhay natin. Pero hindi lahat makakaranas singilin nang mas...