KABANATA 9: ORAS NA ITINAKDA
ILANG ARAW na ang nakakalipas magmula nang mangyari ang aksidente.
Sa imbestigasyon na ginawa ng mga pulis, ang tinuturong dahilan ng pagsabog at sunog sa bahay nila Denice ay ang naiwang bukas na gasolina sa kusina. Ngayon ko lang tuloy naalala ang pamilyar na amoy ng gas na naamoy ko at ipinagsawalang bahala noong gabing 'yon.
Lagpas sa bente ang namatay mula sa aksidente, kabilang na ang ilan sa mga estudyanteng bisita at kaibigan naming si Artemis. Maging ang mga tagapagluto at mga kasambahay nila Denice ay hindi rin nakaligtas sa malakas na apoy na tumupok sa bahay nila.
Hindi pa rin nagigising si Jhoanna hanggang ngayon. Paminsan-minsan ay dumadalaw kaming magkakaibigan sa kaniya. Pero dahil iba-iba na ang inaasikaso namin, madalang na kaming magkasalubong sa pagpunta sa ospital.
Tila nagsisimula na ang pagharap namin sa reyalidad—sa kolehiyo.
Maaga kaming nagpunta ni Isabella sa PLM ngayong araw para asikasuhin ang pagproseso sa enrolment namin. Nakuha na rin namin ang ID namin, patunay na ganap na kaming iskolar ng Maynila at nursing students ng unibersidad.
Walang paglagyan ang saya namin ni Isabella habang naglalakad pauwi. Kung hindi lang namin nabuksan ang diskusyon tungkol sa mga kaibigan namin na hindi na mararanasan pa ang mga bagay na mararanasan namin sa college at maging sa pagtanda. Naging emosyonal ang pag-uusap namin lalo pa nang sariwain namin ang mga pinagsaluhan namin mga events at bondings.
"Kung p'wede lang ulitin ang oras, babalik at babalik ako sa JS prom natin noong grade 10," sabi pa ni Isabella sa kalagitnaan ng pag-uusap namin habang kumakain sa fast food chain. Doon na kami inabutan ng gutom pagkatapos namin asikasuhin ang mga dapat lakarin sa university.
Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon.
Kung may isa man kaming memorya na paniguradong gustong balikan ng magbabarkada, paniguradong 'yon ay ang taon ng JS prom namin. Kung kailan wala kaming pinoproblemang college admissions at tanging exams lang ang inaalala namin.
Sinong mag-aakala na magsisimula na kami sa kolehiyo sa loob ng ilang buwan?
Habang bumabyahe kami ni Isabella kanina, wala siyang bukambibig kundi ang bucket list niya kung saan nakalista ang mga gusto niyang makuha at magawa habang nasa kolehiyo kami.
Kung alam lang niya na lumilipad ang isip ko habang magkasama kami. Halos wala nga akong naintindihan sa mga sinasabi niya dahil nasa ibang lugar ang utak ko. Tango na lang ako nang tango at puro 'oo' sa bawat sasabihin at itatanong niya.
Alam kong napansin niya na wala ako sa tamang wisyo para makipag-usap, pero nagpatuloy pa rin siya sa pagsasalita. Alam niyang mas magiging awkward ang byahe naming magkasama kung hindi siya magpapatuloy sa pagkukwento ng kahit ano. Kaya nang makauwi kami, tsaka lang siya huminto sa pagsasalita.
"Kung ano man ang nasa isip mo ngayon, p'wede mong sabihin sa akin anytime kapag handa ka nang sabihan 'yan sa akin," aniya bago kami maghiwalay ng daan. "But don't let it bother you, Katrina. We've been through so much these past weeks, we all deserve a rest of mind," dagdag pa niya bago siya pumasok sa loob ng bahay nila.
Tahimik akong pumasok sa bahay namin. Sinagot ko lang ang ilang tanong ng mga magulang ko tungkol sa nangyari sa araw ko bago ako dumiretso sa kwarto.
Rest of mind.
Gustuhin ko mang matahimik na nang tuluyan ang isip ko, hindi ko magawa dahil may bagay pa ako na gustong malaman. May mga tanong pa ako sa isip ko na gusto kong masagot at hindi ko basta-basta makukuha ang mga sagot sa kung saan lang.
BINABASA MO ANG
Hiram na Anino
HorrorUrban Legends Series | Ang kamatayang naiwasan ay utang na dapat pagbayaran. *** A novel. Maaring ang lahat sa atin ay nakasakay na sa pampasaherong jeep kahit man lang isang beses sa buong buhay natin. Pero hindi lahat makakaranas singilin nang mas...