Kabanata 2: Nasaan si Maureen?

43 5 0
                                    

KABANATA 2: NASAAN SI MAUREEN?






NANG HUMINTO ang jeep sa kanto ng subdivision kung saan kami ihahatid ng tsuper, mabilis na bumaba ng sasakyan ang nanginginig sa kaba na si Marga, Jhoanna, at Artemis. Kasunod nila si Tyrese at Renald na inalalayan si Anthony habang ibinababa si Marcus sa sasakyan. Bagamat bahagyang nagising si Marcus sa nangyari kanina, nanatili pa rin siyang lunod sa epekto ng alak kaya hindi pa rin siya makapaglakad nang maayos.

Naiwan kami ni Addy, Isabella, Brian, at Harold sa loob ng jeep. Pinagmasdan at pinakiramdaman namin ang tsuper ng jeep bago bumaba si Brian na tila nahimasmasan na.

Matapos ang ilang segundo, tanging pagbuntong-hininga na lamang ang pinakawalan ng tsuper. Paniguradong kahit siya ay hindi pa rin napo-proseso kung anong nangyari at muntik nang nangyari sa amin. Bakas sa namumutla niyang mukha ang halo-halong emosyon ng takot at kaba. Pinagpapawisan siya sa sintido at batok niya, nanginginig din ang kamay at mga daliri niya na mahigpit na nakahawak sa manibela ng sasakyan.

"Mag-iingat ho kayo pauwi," sabi ni Addy bago siya bumaba ng jeep. Bitbit ang backpack niya, dumiretso siya sa bukana ng sasakyan para alalayan kami ni Isabella na bumaba. "Ayos lang ba kayo? Hindi ba kayo nagalusan o kung ano man?" sinserong tanong nito sa amin bago lumingon sa mga kasamahan namin na mabilis na naglalakad palayo sa jeep.

Tango na lamang ang naging tugon ko. Napansin marahil ni Isabella na nanghihina ang mga tuhod ko kaya kumapit siya sa braso ko at sabay kaming naglakad. Nanatiling nakasunod sa likuran namin si Harold at Addy.

Mula sa harapan namin, huminto si Brian hanggang sa sumabay na siya kay Harold at Addy sa paglalakad. "Naniniwala ba kayo ro'n kay manong?" saad ng lalaki bago mahinang bumungisngis. "Hindi kaya sinadya niya na muntik na tayong mabangga dahil tinatakot niya lang tayo na wala raw tayong mga ulo?" dagdag pa niya bago muling tumawa. Akala ko'y nagising na siya mula sa pagkalulong sa alak pero mukhang hindi pa rin pala.

"Sinadya niya man o hindi, muntik pa rin tayong mamatay kanina," sabi ni Harold. Kalmado ang tinig ng kaniyang boses habang malumanay na naglalakad kasabay ang dalawa pang lalaki sa magkabilang gilid niya. "Totoo man o hindi ang sinabi niya tungkol sa mga ulo natin, dapat pa rin nating magnilay-nilay sa nangyari ngayong gabi."

Bahagyang binilisan ni Harold ang paglalakad niya hanggang sa lagpasan na niya kami ni Isabella. Narinig ko naman ang mahinang pagtawa ni Brian sa likuran namin.

"Kita mo 'yong si Harold. Kalalaking tao naniniwala sa kung anu-anong kwentong tsuper," sabi ni Brian bago siya tumakbo at sumunod sa huli habang humahagikgik. Siguradong wala pa rin sa katinuan ang isip niya dahil nagagawa pa niyang tumawa sa kabila ng mga nangyari sa amin ngayong gabi.

Naramdaman ko ang marahan na paglapit ni Addy sa tabi ko. Sumabay siya sa amin ni Isabella sa paglalakad. Nasa magkabilang bulsa ng pantalon niya ang mga kamay niya.

"Huwag mo na lang pansinin si Brian at Harold. Makaka-move on din tayong lahat sa nangyari ngayong gabi lalo na kapag nakapagpahinga na tayong lahat," pabulong na sambit ni Addy. Saglit akong napatingin sa kaniya, bagay na ginawa niyang oportunidad para bigyan ako ng ngiting tila tinitiyak na magiging maayos din ang lahat para sa amin pagkatapos ng gabing 'to. "Gusto mo bang ihatid kita sa inyo?" tanong niya.

Umiling ako bago sinabing, "hindi na kailangan. Sabay kami ni Isabella na uuwi. Ingat ka."

Tumango lamang siya bilang tugon hanggang sa namalayan ko na lang na gaya ng iba pa naming mga kaibigan, humiwalay na siya sa amin ng daan.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon