Kabanata 8: Ang Estrangherong Tsuper

31 2 0
                                    

KABANATA 8: ANG ESTRANGHERONG TSUPER





HINDI NAMIN alam ni Isabella kung anong una naming gagawin. Tila ang simpleng paghakbang ay naging mahirap para sa nanlalamig naming katawan. Pareho kaming walang masabi sa nakita.

Lalong lumiwanag ang eskenita kung saan nakatayo ang bahay nila Denice dahil sa malakas na apoy. Itim na itim din ang usok na nagmumula rito kaya kahit gabi na, kitang-kita pa rin ang kapal at taas nito.

"S-sila Marga . . . a-ang mga kaibigan natin!" sigaw ni Isabella bago siya mabilis na tumakbo palapit sa malaking bahay na tinutupok na ng naglalagablab na apoy.

Kahit gulat at nanginginig mula sa kintatayuan ko, agad akong tumakbo para pigilan si Isabella. Hinatak ko ang braso niya kaya wala kaming nagawa kundi ang umiyak kasama ang iilan pang mga estudyante na nasa labas ng venue nang magsimula ang apoy.

Wala kaming magawa habang pinapanood at apoy sa harapan namin, hinihintay ang pagdating ng fire truck at ambulansya para maisalba ang mga kaibigan namin mula sa loob.

"Katrina! Isabella!"

Agad akong napalingon sa tumawag sa pangalan namin. Nanatili namang nakatingin si Isabella sa apoy habang tumatangis. Tila ang pagkapit ko na lang sa braso niya ang dahilan kaya nanatili siyang nakatayo.

"Renald . . ." mahina kong sabi nang makita siyang tumatakbo palapit sa gawi namin ni Isabella. Nakita kong hinagis niya sa sahig ang sigarilyong hawak niya—marahil nasa labas siya ng bahay para humithit ng sigarilyo.

"Kayo lang ba ang nasa labas?" nag-aalala nitong tanong bago mabilis na tiningnan ang apoy na lumalamon sa bahay nila Denice.

"H-hindi ko alam." Hindi ako sigurado kung kami lang ba ni Isabella ang lumabas sa aming magkakaibigan. Pero pinapanalangin ko na sana lumabas din silang lahat bago nagkaro'n ng apoy.

"Dito lang kayo," ani Renald.

"Saan ka pupunta? Renald!"

Hindi sinagot ni Renald ang tanong ko at agad siyang tumakbo pasugod sa bahay. Hindi niya alintana ang init na nagmumula sa sunog at ang makapal na usok na nagsisimula nang kumalat sa lugar dahil sa paghangin.

Pero hindi pa man tuluyang nakakalapit si Renald sa bahay, isang pagsabog muli ang naganap dahilan para mapahinto siya sa pagtakbo. Mas mahina 'yon kumpara sa naunang pagsabog na nagpasimula sa sunog, pero pinatindi nito ang kaba na nararamdaman naming lahat na nasa labas.

Dinig ang iyak ng mga kasama naming naghihintay sa tulong. Sa puntong 'to, tuluyan na kaming napaupo ni Isabella sa sahig dahil nanghina na rin ang tuhod ko.

May ilang mga kapitbahay na rin na nagtutulong-tulong para apulahin ang sunog. Kaniya-kaniyang kuha ng hose at balde ang mga tao para mapahupa ang malakas na apoy. Pero hindi pa rin nito nababawasan ang lakas ng apoy. Gayunpaman, patuloy sila sa pagsasaboy ng tubig sa bahay nila Denice, hanggang sa dumating na ang firetruck at ambulansya sa lugar.

Muli na lang lumapit sa amin si Renald. Niyakap niya kami ni Isabella mula sa likuran habang pinapanood namin ang mga bumbero sa pagtatangka nilang patayin ang apoy.





"KATRINA, ANAK, nasaan ka!?" mabilis at naga-alalang tanong ni mama nang sagutin ko ang tawag niya. Hindi ko napansin na ilang beses na pala niya akong tinawagan kaya ilang miss calls ang hindi ko nasagot mula sa kaniya. "Ayos ka lang ba!? Papunta kami diyan ngayon ng papa mo! May sugat ka ba!? Sumagot ka, Katrina, please!"

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon