Chapter 04: Welcome to Alvierra High

34 3 7
                                    

ELISE

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

ELISE

Pagpasok ko sa gate ay napansin ko ang mga matang nakatingin sa akin. Ang nais ko lang ngayon ay hindi sana iyon pagtingin ng panghuhusga.

"Nakikita mo yung lalaking naka-formal attire doon sa harapan ng corridor?" tanong ni Kuya habang naglalakad kami sa mahabang pathway papunta sa main campus. "Ibibigay natin doon itong mga dala-dala natin. May ibibigay siya sa iyong maliit na card at huwag mong wawalain iyon. Iyon ang magsisilbing susi para makapasok ka sa kuwarto mo sa dorm."

Pagkarating namin sa lugar kung saan nakatayo ang lalaking sinasabi niya ay ipinagkatiwala ko na rito ang isa sa mga bag na dala ko at ganoon din si Kuya. Ang tanging natira na lamang sa amin ay ang bag na naglalaman ng mga kakailanganin namin sa unang araw ng pasukan.

Inilagay niya ito sa tabi ng mga gamit na marahil ay galing sa iba pang mga estudyante na nag-aaral din doon. Nilagyan niya ito ng palatandaan at saka ibinigay sa amin ang mga card na sinasabi ni Kuya.

"Enjoy your stay," bati niya sabay bigay sa amin ng isang ngiti.

Dumiretso na kami papunta sa corridor na papunta sa isa pang napakalawak na lupain. "Anong numero ang nakasulat sa iyo?" tanong ni Kuya.

"Room No. 117," sagot ko habang binabasa ang ilang detalyeng naka-print sa card.

"Yan ang room mo. Room 110 plus kaya naman ay nasa third floor iyan doon sa may kanang bahagi ng main campus," pagpapaliwanag niya.

"Nasaan ang main campus?"

"Itong corridor na ito hanggang diyan sa malaking assembly area ang main campus. Iyong building sa may kanang bahagi, kung dadaan ka sa corridor na ito papunta sa kanan, susundan ulit ang daanan paliko sa kanan, at konti pang lakad papunta sa kaliwa, mararating mo na ang dormitoryo ninyong mga babae," dagdag pa ni Kuya.

"Ngayon, kung mapapansin mo ay dinaanan lang natin ang dalawang daanang patutunguhan ng corridor na iyon. Bakit? Kasi-" dagdag pa nito.

"-kasi hindi naman tayo pupunta sa mga dormitory areas at ang pupuntahan talaga natin ay ang area kung saan naroon ang General Academic Strand Grade 12 rooms," pagsabat ko sa kaniya.

"Ganun na nga!" bulalas niya. "Siguro makakatagal ka rin sa eskuwelahang ito," wika niya sa akin.

"Aiden!" Nakuha ang atensiyon namin ng isang boses na nanggaling sa may corridor na karugtong ng daanan papunta sa dormitory rooms ng mga lalaki.

Naroon ang dalawa sa mga kaibigang lalaki ni Kuya. Sila na ata sina Sean at Astin. Palagi niya silang ikinukuwento sa akin. Kasing-edad ko si

"Bros! Guess what? I'm back!" Kita ko sa mga mata ni Kuya na masaya siya kapag kasama niya ang mga kaibigan niya. Gustuhin ko mang magkaroon pa ng mahabang pakikipagkuwentuhan sa kaniya ay hindi na iyon maaari nang dahil sa kailangan ko pa ring pumunta sa klase.

"Siya na ba yung kapatid mo kay Tito Francis?" tanong ng isa sa mga ito. "Ang ganda pala niya! Siguro siya yung pinaghalong Tito Francis at Tita Athal-"

"Huwag mong sasabihin sa harapan niya ang pangalan ni Tita, Astin," pabulong na pagsaway rito ni Kuya.

"Sorry."

"Tara, Elise! Sabay ka na sa amin!" wika sa akin ng isa pa sa kanila. Kung ang kinausap ni Kuya Aiden kanina ay si Astin, ang ibig sabihin lang nito ay si Sean ang lalaking nagyaya sa akin.

Sinagot ko siya ng isang tango.

Sabay kaming naglakad papunta sa kaliwang bahagi ng napakalaking campus. Sumunod lang ako sa kanila at pinakikinggan ang kanilang mga pinag-uusapan tungkol sa bakasyon ng isa't isa.

Makalipas ang ilang lakad ay nakarating na kami sa isang building. May mababang hagdan bago makapunta sa panibagong corridor. Hanggang third floor ang gusali at sa dalawang sulok nito ay mga hagdan na papunta sa panibagong palapag.

"Nasa second floor ka, Elise. Sabi iyon sa akin nung guard kanina doon sa gate noong ipinakita ko ang School Pass natin sa kaniya," wika ni Kuya bago sila umakyat ng hagdan. "Sayang hindi tayo magkaparehas ng section na papasukan."

"Hanapin mo na lang ang pangalan mo sa pintuan ng rooms," sambit sa akin ni Kuya Astin.

"Kung nahanap mo na, nakasulat doon ang seat number mo," sabi naman ni Kuya Sean.

"Pwede ka nang dumiretso sa room mo o kaya naman ay hanapin mo muna ang locker mo," dagdag naman ni Kuya. Habang sinasabi nila iyon ay ramdam kong ang dami na nilang alam sa paaralang ito.

"At siya nga pala, ang tip ko lang sa iyo ay huwag kang agad-agad magtitiwala," bulong niya sa akin.

Dumiretso na sila sa third floor samantalang naiwan ako sa second floor na may misyong hanapin ang pangalan ko sa ilang pintuan. Bukod sa akin ay napakarami ring mga estudyante ang naghahanap ng room nila.

Hahanapin ko muna ang room ko bago ang locker rooms.

Mula sa aking kinatatayuan ay rinig ko ang isang room na puno ng ingay. Tuloy lang ang paghahanap ko subalit hindi pa rin sila tumitigil sa loob ng maraming oras na iyon.

Ngayon ay alam ko na kung bakit gusto ni Tita na maging maaga kami sa eskwela. Kailangan ko pang isa-isahin ang mga room na nasa palapag na ito.

Sa paghahanap ko ay hindi ko namalayang nakarating na pala ako sa puntong ang titingnan ko na ay ang room kung saan naroon ang mga maiingay na estudyante.

Naku! Ang dami nilang magugulo! Mas malala pa siguro sila sa mga dati kong kaklase.

Nakaramdam ako ng pag-aalinlangan na tingnan ang pangalan ko sa papel na nakapaskil sa pinto. Ilang minuto akong nakatayo lang doon at hinihiling na hindi ako mapupunta roon. Magsisimula na sana akong bumalik sa katinuan nang bigla na lamang may dumating sa tabi ko.

"Dito nga talaga ulit ako. Ang galing!" wika ng babae noong tinuro niya ang pangalan niya sa papel sa pinto. Nakatapat ang daliri niyang panturo sa pangalang Del Valle, Athena Vhenice D. Kahit na may ngiti sa kaniyang labi ay ramdam kong nagpapakasarkastiko siya.

Papasok na sana ito nang biglang nalipat sa akin ang kaniyang tingin.

"Ngayon lang kita nakita rito, ah. Ikaw siguro ang isa sa mga bagong estudyante," wika niya sa akin. "Hindi mo ba mahanap ang pangalan mo?"

Medyo matangkad ako sa kaniya ng isa o dalawang sintemetro. Maaaring kasing-edad ko lang siya. Mukha rin siyang mabait.

Subalit kahit na! Hindi ako dapat magtiwala agad. Iyon ang payo sa akin ni Kuya.

"Elise..." Ilang beses niyang inulit ang pangalan ko habang hinahanap niya ito sa papel. Huminto ang paglalakbay ng kamay niya sa mga naka-print dito nang mamasdan namin ang pangalan kong naroroon. "Buenaventura, Elise, S. Dito ka sa room namin."

Teka! Ngayon pa lang kami nagkita! Paano niya nalaman ang full name ko? May alam ba siya tungkol sa akin? Alam niya ba kung ano ang sikreto ko?

The Fury of Alvierra HighTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon