Chapter 08: A Heartthrob's Life

28 3 1
                                    

Pagbalik ko sa aming bahay ay sinalubong ako ni Tito. May ngiti sa kaniyang labi at ang kaniyang mata'y puno ng galak.

"Nandito na pala ang napakaguwapo kong anak," wika niya. Pagbukas niya ng pinto ay nakita kong dala-dala ng isa sa mga utusan niya ang uniform na susuutin ko para sa pagbabalik-eskuwela bukas.

"Good evening po, Sir," bati sa akin ni Kristel, ang utusan niyang iyon na halos kasing edad niya.

"Good evening," malamig na sagot ko sa kanila.

"Anak, handa na ang bagong uniform na pinatahi ko para sa bagong taon sa eskuwelahan mo bukas," wika ni Tito.

"Hindi po ba't sinabi ko na sa inyo na nagsasayang lang kayo ng pera? Dapat ay binigay niyo na lamang po ang perang ipinagawa niyo niyan sa mga mas nangangailangan," sagot ko sabay lipat ng titig sa hagdang papunta sa aking kuwarto.

Hindi na siya umimik. Dumiretso na rin ako nang hindi lumilingon. Kahit na ganoon ay ramdam ko pa rin na nakatingin pa rin sila sa akin.

Agad akong pumasok sa loob ng kuwarto. Isasara ko na sana ang pinto nang narinig kong nagsalita si Tito.

"Kristel, sa tingin mo ba ay hindi niya pa rin nararamdaman kung gaano ko gustong ipakita sa kaniya na gusto kong maramdaman niyang parang tunay na ama na niya ako?" tanong nito. "Hindi ba sapat ang mga ibinibigay ko sa kaniya?"

"Sir," sagot ni Kristel, "sa tingin ko po ay halos sobra-sobra na po ang lahat. Siguro ang problema na lang po talaga ay si Vian."

"I understand that it must be because of his past life. I think he still needs to heal," dagdag pa ni Tito. "And I will help him no matter how hard it is."

Kasabay ng pagtatapos ng mga salitang iyon ang pagtulo ng mga luhang matagal nang hindi nagpaparamdam sa akin. Hindi ko kayang pati siya ay mawala sa akin. Ayokong mangyari iyon. Hindi ako papayag.

Lumipas ang ilang oras ay dumating na rin ang araw kung saan babalik na naman ako sa 'paghihirap.' Balik na naman ako sa eskuwelahang iyon. Gustuhin ko mang umalis ay wala na akong magagawa -- huli na ang lahat.

Maaga akong hinahatid ni Tito papunta sa eskuwelahan upang agad kong maayos ang mga gamit sa dormitoryo namin. Isa lamang siya sa napakaraming magulang na walang kaalam-alam sa mga pinaggagagawa sa aming paaralan.

"Goodbye, anak. Susunduin ulit kita sa pasko, ha?" sambit sa akin ni Tito. "Dito ulit kita hihintayin."

"Bye, Tito," sagot ko naman sabay pasok na sa loob ng eskuwelahan.

Ibinigay ko sa guwardiya ang School Pass ko at saka ako pinapasok sa gate.

Sa kada-isang kuwarto sa dormitoryo naming mga nasa-senior high school ay may tatlong tao na magkaka-roommates. Ang mga kasamahan ko ay dalawang sikat na mga lalaki sa eskuwelahan -- sina Jeron Rodriguez at ang mortal kong kaaway na si Miko Baltazar.

Pagkarating ko roon ay tanging si Jeron lang ang namataan ko. Ngayon lamang hindi maagang pumasok sa eskuwelahan ang lalaking iyon. Baka gusto niyang makatikim ng parusang ninanais-nais niya.

"Hi, bro! Nice to see you again!" bati niya sa akin.

Binigyan ko siya ng ngiti at isang high five. "Kumusta ka na?"

"Ito, ayos lang naman," sagot naman niya.

Sa lahat ng taong nakilala ko, siya lamang ang nakakaalam ng sitwasyon ko. Siya rin lang ang nakakaintindi sa akin. Sa una ay hindi kami nagpapansinan subalit habang tumatagal ay hindi ko na namamalayang naging matalik na kaming magkaibigan. Ilang taon na kaming magkalapit sa isa't isa at sa mga taong iyon ay pansin kong hindi na niya ako iiwan.

Siguro ay hindi naman gumagana sa kaniya ang sumpa ng buhay ko. Pero kay Tito, takot pa akong subukan kung hindi rin siya maapektuhan.

"Tara na sa eskuwelahan. Baka dagsain ka na mamaya ng mas marami pang kababaihan sa hallway," biro ni Jeron.

Binalikan ko siya ng ngiti at saka na kami dumiretso sa classroom.

Pagdating namin sa hallway ay napansin agad ako ng mga kababaihan sa tabi-tabi.

"Si V ba iyon?"

"Si Crushiecakes nga iyon! Nagbalik na siya!"

"Ahh! Ang guwapo niya talaga!"

Napunong muli ng pagtitilian ng mga kababaihan ang paligid. Agad din nila akong napalibutan na naging dahilan ng pagkaantala ng aming paglalakad.

"Puwede bang padaanin niyo na muna kami, girls?" mahinahong tanong ni Jeron sa mga nagkumpulang kababaihan.

Panay ang pagpapakiusap niya sa kanila subalit walang isa mang gustong makinig.

"Vian, my love, alam mo bang ikaw lang ulit ang nagpatibok ng puso ko?" Narinig kong sabi ng isang babae na nasa aking harapan.

"Vian, ako na lang ang piliin mo," sabi naman ng isa pa, "Single ako at ikaw lang ang gusto ko!"

Malapit nang tumunog ang bell para sa ikaunang asignatura. Nang dahil doon ay biglang may pumasok na ideya sa aking isipan.

"Gustuhin ko mang manatili sa puwesto kong ito ay hindi iyon maaari," wika ko sa kanila. "Mayroon na lamang tayong ilang minuto kaya kung ako sa inyo ay aayos na ako ng pinaggagagawa ko o kaya naman ay papasok na ako sa silid-aralan."

Nabaling ang atensiyon nila sa napakalaking orasan na makikita sa pinakasentrong gusali ng main hall kung saan naroroon ang opisina ng principal. Oyon ang isa mga gusaling hindi dapat namin lapitan.

"Oo nga pala!" bulalas ng karamihan sabay takbo palayo.

"Ang galing mo talaga," papuri sa akin ni Jeron habang nagpapatuloy ang paglalakad namin.

"Totoo naman talaga ang sinabi ko, hindi ba?"

"Oo naman," sagot niya. "Kaya kailangan na nating magmadali bago pa man magsidatingan ang iba bang super fans ng best friend ko."

Kagaya ng karamihan sa mga taong nagdaan, magkaklase na naman kami ni Jeron. Karamihan lang dahil hindi kami naging magkaklase noong Grade 7 at Grade 8 kami.

Para yatang nadestino rito ang karamihan sa mga magugulo. Hindi bale na! Kailangang gawin ko na lamang ang lahat ng aking makakaya para hindi madamay sa kung ano man ang makukuha nila.

Magkatabi kami ni Jeron at sa wakas ay na-assign na rin akong umupo sa hulihan ng klase. Sa oras na uupo na sana ako sa aking upuan ay bigla na lamang pumasok sa isipan ko ang isang kakaibang pakiramdam na ngayon ko pa lamang naramdaman sa buong buhay ko -- mabigat at para bang may nagbabadyang panganib.

The Fury of Alvierra HighTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon