Pinindot ko ang doorbell at iniayos ang sarili ko. Narinig kong lumangitngit ang main door kaya lumabas ang ngiti sa mga labi ko. Si Ate Lydia.
"Sandali lamang..." Sigaw ni Ate Lydia habang tinutungo ang gate. Bumukas ito at binigyan ko siya ng matamis na ngiti. Medyo maputi na ang buhok ni Ate Lydia. Namayat siya.
"Ate Lydia," Kumunot ang noo niya. Tila kinikilala kung sino ang nasa harap niya. "Katherine?" Ngumiti ako matapos niyang banggitin ang pangalan ko.
Niyakap ko siya. Sobrang sarap sa feeling na nagkita na ulit kami paglipas ng ilang taon. "Mabuti't nadalaw ka, halika, pasok." Inihakbang ko ang paa ko papasok sa gate. May halong kaba ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
"Buti't naisipan mong dumalaw, katherine. Matagal ko nang hinintay ang pagbabalik mo." Nginitian ko siya. Matagal ko na ring hinintay ang araw na makabalik ako rito.
"Palagi ko po kasi kayong napapanaginipan nila Lyca... Ah eh, nasaan po siya?"
"Ay eh, wala na sila Lyca d'yan. Mga tatlong buwan na rin siguro. Nandu'n sila sa may kabila." Paliwanag ni Ate Lydia. Nalungkot naman ako. Pero sa kabila lang naman pala sila lumipat. 'Di bali, dadalawin ko siya mamaya.
"Sobrang ganda mo, Katherine. Matagal ko na talagang hinintay na makita ka," Niyakap ako ni Ate Lydia at hindi ko maiwasang mapangiti. Niyakap ko rin siya pabalik.
"Eh nasa'n ba ang mama mo? Hindi mo ba siya kasama?"
Umiling ako, "Nasa Canada po siya pero uuwi rin yata sa March para magbakasyon."
"Halika't maupo ka muna. Kukuha ako ng makakain mo," Dumiretso siya sa kusina. Hinandaan niya ako ng pansit at puto. Ganito kasi dito kapag may handaan, dinadalhan ang kapitbahay. Na-miss ko talaga 'to. Nagpaalam muna si Ate Lydia dahil may tinatapos pa siyang labahin sa likod. Nagkaroon naman ako ng pagkakataong maglibot.Malinis talaga ang buong bahay at halatang naaalagaan. Hindi ko maiwasang mapangiti.
Tinungo ko ang hagdan. Malayo pa lang, natanaw ko na ang piano sa sulok at hindi ko maiwasang maalala ka. Pumikit ako at nagdalawang-isip kung tutuloy ba ako. Ngunit nakita ko na lang ang sarili ko na nasa tapat na ng piano.
Medyo maalikabok ito kaya kumuha ako ng tissue sa bag para punasan 'yun. Hindi na rin ganu'n kaganda ang tunog nito, hindi tulad dati.. dati noong magkasama pa tayong tumutugtog.
Inis akong tumayo kaya napatingin ka sa akin. "Bakit ka tumigil?" Tiningnan din kita, "Hindi ako marunong."
Nginitian mo ako at pinaupo ulit ako sa harap ng piano, katabi ka. Akala ko ikaw ang tutugtog kaya nagulat ako nang isa-isa mong inayos ang mga daliri ko. "Basic lang muna. 'Yung point finger mo, dito tapos ito, dito, tapos dito naman 'yung isa." Siguro akala mo nakikinig ako sa'yo. Pero ang totoo tinititigan lang talaga kita. "Hindi ko naman alam." Lumiingon ka ulit pero wala ka nang sinabi. "Tuturuan kita bukas." Sabi mo bago ka bumaba sa hagdan. Napangiti na naman ako.
Saka ko lang napagtanto na tumutulo na naman pala ang mga luha ko. Bakit Jared? Bakit ka umalis?
"Tama na Katherine, masyado mong pinahihirapan ang sarili mo." Bulong ko sa sarili. Pinunasan ko ang mga luha ko at umalis sa tapat ng piano. Siguro tama nga si Blessie. Hindi magandang idea na pumunta ako rito.
Dumiretso ako sa kwarto ko. Malinis 'yun. Nakalagay pa rin ang kama sa dating ayos nito gayu'n din ang aparador. Napansin ko ang 'ben10' sa ibabaw ng aparador. Ikaw na naman ang naalala ko.
Kakatapos lang natin tumugtog ng piano. Ang totoo, hindi naman ako masyadong nakinig sa'yo. Tinitigan lang kita habang tumutugtog ka. Magaling ka palang tumugtog? Pero paano nangyari 'yun? 7 years old lang tayo pero marunong ka na, ang daya!