II

67 1 0
                                    

"Oh, isaw."

Pag-abot sa akin ng aking nobyo ng mga inihaw na ngayo'y binibili namin sa tabing-kalsada.

Ang mga usok mula rito ay tila gambala sa mga dyip na dumadaan. Maingay ang kalsada, punong-puno ng mga sasakyan at iba't-ibang pasahero na nakikipag-unahan sa pag-sakay.

Ang mga barker din ay tila kay ingay kakatawag ng mga pasaherong maaring sumakay papunta sa kanilang destinasyon.

Kung gaano kagulo roon ay ganoon din dito sa gawi namin kung saan naka-pwesto ang samu't-saring pagkaing kalye.

"Dalawa hong dugo at anim na ulo ang nakuha ko," sabi ng isa naming katabi na nag-babayad bago umalis.

Ang aking nobyo naman ay panay kain lang din, hinihintay ang iniinit ng tindero.

Kakagaling lang namin parehas sa eskwela. Hayskul pa lamang kami at marami ang nag-sasabi, masyado pa kaming bata para maging mag-kasintahan.

Kumibit-balikat na lamang ako. Mabait naman si Alfonso. Pero madalas, tarantado. Hindi kasi ito marunong mag-isip bago mag-salita. Kung ano ang pumasok sa kukote, ay tiyak sasabihin niya agad.

Hindi ko rin maitatanggi na malalim na ang nararamdaman ko para sa kanya kahit sabihin na kami'y mga bata pa lamang.

Itong mga simpleng pag-sundo niya sa akin sa silid-aralan para kumain at sabay umuwi ay sapat na para bumilis ang tibok ng aking puso at hanap-hanapin siya sa tuwing hindi kami nag-kikita.

"Tokneneng?" Alok naman niya nang matapos kami sa ihawan. "Magkano ho?"

"Singkwenta,"

"Ang mahal niyo namang mag-tinda, boss. Wala na bang tawad iyan? Trenta nalang,"

"Tutoy, napakalakas mo na ngang kumain, bente pa ang hinihingi mong tawad?! Mahiya ka naman sa syota mo, ke-laki laki mong tao, hindi ka nag-babayad!"

"Kaarawan kasi ngayon ng syota ko, boss. Baka pwedeng regalo mo na, ke-dami-dami nyong benta, bente pesos lang hindi nyo pa mairegalo sa may bertdey,"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Alfonso. Napaka-gago talaga. Araw-araw na yata ang kaarawan ko kakahingi niya ng tawad sa mga tindahan!

"Ayos! Epektib talaga palagi ang bertdey mo, Alangot!" Natatawa-tawa niyang sabi habang tumutusok.

Umirap na lamang ako at kumuha ng tokneneng sa kaniyang baso dahil ubos na ang akin. Hindi naman ako makareklamo dahil nakikinabang din ako sa mga kalokohan niya. Bukod doon, siguro, isa rin ito sa mga paraan ni Alfonso para hindi ko masabing nabibitin ako sa mga pinapakain niya sa akin.

Pero sa totoo lang, kahit hindi naman ganoon kadami ang gastusin niya ay walang problema.

Malaking tao si Alfonso dahil matangkad siya. Bata pa lamang kami at sigurado akong mas tatangkad pa siya sa pag-tanda namin.

Hapon at papalubog na ang araw. Nag-lalakad lamang kami pauwi habang naka-sabit sa kaniyang balikat ang isang gitara.

Hindi naman ako nag-rereklamo dahil parehas kaming simple lang ang buhay. Bukod doon, estudyante pa lamang kami at naiintindihan ko kung hindi na sakop ang pamasahe sa kaya niyang ilibre.

"Kumusta ang tugtog ninyo kahapon?" Tanong ko habang nakatingin sa daan.

Kinuha kasi siya ng mga tambay sa barangay namin noong marinig siyang tumugtog habang nakatambay din. Nagkataon na may gusto silang salihan na kompetisyon at baka raw gusto ni Alfonso na sumali.

Tutal mahilig naman daw talaga siya sa musika, susubukan niyang tumungtong sa entablado.

"Mabuti naman. Naging kaibigan ko sila agad. Nga lang, syempre, nag-kakahiyaan pa rin kahit papaano. Hindi ko masabi sa drummer namin kapag masyadong napapabilis ang tempo niya,"

"Hayaan mo muna. Kakakilala niyo pa lang at hindi maganda kung iisipin nilang mayabang ka. Wala pa namang preno ang bibig mo,"

Tumawa siya. "Oo nga, pero pag-dating sa mga ka-banda ko, hindi ako makapag-salita. Ang gagaling nila, Alana! Lalo na iyong dalawang mas bata. Sa amin yatang tatlo na nag-gigitara, ako ang pinaka-kulelat. Pakiramdam ko tuloy, wala akong karapatan na mag-reklamo sa kanila."

Ngumuso ako. "Ano? Para sa akin, ikaw ang pinakamagaling,"

Tumawa siyang muli at kinurot ang aking ilong. "Ikaw talaga Alangot! Baka kapag narinig mo kung paano mag-gitara at kumanta iyong dalawang iyon, ipag-palit mo ako."

"Boses mo lamang ang gusto ko, Alfonsungit. At saka isa pa, hindi ba't sabi mo'y mas bata sila? Hindi ko papatulan iyon, 'no!"

"Aba, dapat lang! Sa gwapo kong ito, ipag-papalit mo ako? Mahiya ka sa balat mo, oy!" Sabi niya kaya't parehas kaming tumawa.

"E, iyong drummer ninyo?"

Kumibit-balikat siya. "Ewan. Magaling din naman siya pero mukhang hindi ko siya makakasundo. Siya ang pinakamatanda sa amin. Palagi siyang tahimik at may sariling mundo."

Tumango-tango naman ako. "Baka hindi siya mahilig sa tao, o kaya baka pakiramdam niya, hindi niyo naman siya maiintindihan dahil bata pa kayo."

"Edi dapat mag-isa na lamang siyang tumugtog. O kaya humanap siya ng mga kabanda na ka-edad niya. Bakit pa siya pumayag na sumali sa amin kung sarili lamang niya ang gusto niyang kausapin."

Kinurot ko ang kaniyang tagiliran kaya't napangiwi siya. "Masyado kang masungit. Paano kung kaya siya sumali, ay hindi dahil sa inyong mga kabanda niya. Malay mo, gusto niya lang ang musikang nagagawa ninyo."

"Bahala siya. Ayoko ng ugali niya. Para bang kailangan ko pa laging kapain kung masasaktan ba siya sa sasabihin ko o hindi."

"Ganoon lang talaga ang mga tahimik na tao, Alfonso." Paliwanag ko na ikina-kunot ng kaniyang noo. "Maiba... Mmm... Alfonso, may sasabihin ako sa'yo." Tiningnan niya ako at itinaas ang dalawang kilay, nag-hihintay kung ano ang sasabihin ko. "Matagal ko na 'tong pinag-iisipan e, ah... Gusto ko sanang mag-model. Ano sa tingin mo?"

Kumunot ang kaniyang noo at itinikom ang bibig, tila natatawa sa aking sinabi. "Model ng ano?" Lumapit siya sa nadaanan naming mga nakalatag na paninda at kumuha ng isa sa mga naka-plastik doon at itinapat sa akin. "Model ng tinapa? Bagay!"

Hinampas ko ang kaniyang kamay kaya't nabitawan niya ang hawak. Naka-simangot ko siyang iniwan at nag-lakad nang mabilis.

"Alangot!" Tawag niya at tumakbo papunta sa akin.

Hindi ko pa rin siya pinansin kahit na pinipilit niyang maka-habol sa aking mga lakad.

"Uy, Alana, galit ka ba? Biro lamang iyon,"

"Sino ba namang hindi magagalit?! Mukhang pinag-tatawanan mo ang pangarap ko! Hindi naman ako nag-bibiro sa sinabi ko!"

"Hindi ka nag-bibiro?" Nang makitang seryoso ang aking mukha ay bahagya siyang nataranta. "E-e kasi naman, nakaka-bigla ang pangarap mo."

"Bakit?! Hindi ba ako pwedeng maging model?!"

Kahit kailan ay hindi ko kinuwestiyon ang pangarap niyang maging sikat na artista. Ako pa nga ata ang kahit kailan ay hindi nag-sawang mag-tiwala at bumilib sa kakayanan niya. Tapos sa pangarap ko, ni hindi niya ako masuportahan? At balak pa niya akong pag-tawanan?!

Tumikhim siya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Hindi niya napigilan ang tumawa kaya't kumunot ang noo ko. "Sa pandak mong iyan? At saka ang dami mo ring taghiyawat! Siguradong hindi ka papasa-"

Hindi niya natuloy ang sinasabi dahil hindi ko napigilan ang sarili na sampalin siya. "Walanghiya ka talaga!"

~~~

Aking ikagagalak ang inyong mga komento at boto kung nagustuhan ninyo ang kabanatang ito.

E-Heads Playlist #3: MagasinWhere stories live. Discover now