III

31 1 0
                                    

"Paki-ayos ng pila! Bilis! Bilis! Hindi ba't ang sabi ko'y huwag aalis sa kaniya-kaniyang linya?! Balik!"

Halos umatras kami ni Alfonso sa lakas ng boses noong babae na nag-aasikaso ng pila ng mga mag-aawdisyon para maging modelo ng mga damit pang-aktibidades.

Nang makita ko sa dyaryo ang tungkol dito ay gusto kong subukan. Baka ito na ang maging unang hakbang ko para sa aking pangarap.

"Tubig," pag-abot sa akin ni Alfonso ng malamig na tubig na kaniyang binili sa nag-lalako.

Tirik na tirik ang araw at sobrang haba ng pila. Pinapayungan niya ako habang pinapaypayan ng hawak niyang mga papel na kakailanganin ko rin pag-pasok sa loob.

"Uminom ka rin muna. Kanina mo pa ako pinapaypayan. Ako naman riyan," sabi ko at kinuha sa kaniya ang mga papel. "Pasensya ka na, ha. Hindi ko akalain na aabutin tayo ng tanghaling-tapat."

Agad naman siyang nag-punas ng pawis. "Ayos lang. Kaysa naman hindi mo ulit ako pansinin ng dalawang linggo. Mas matitiis ko ang init ng araw. Wala naman iyon kung umitim ako. Paniguradong hindi pa rin mawawala ang kapogian ko," sabi niya at kumindat sa akin.

Ngumiwi naman ako. Agad ding tumaas ang kilay ko nang may lumapit sa amin na babae, sa tingin ko'y mag-aawdisyon din.

"Hello!" Sabi niya habang naka-tingin kay Alfonso. Matangkad siya at makinis. Maputi rin. Hindi ko tuloy mapigilan ang makaramdam ng inggit. "Anong pangalan mo?"

Napatingin naman sa akin si Alfonso, nag-aalangang sumagot. "Ah, Alfonso."

"Lily," pag-lalahad niya ng kamay. Nakakainis ang kaniyang tingin sa nobyo ko. Mukhang may pag-nanasa!

"Kumusta, Lily. Syota ko nga pala, si Alana."

Binigyan niya lang ako ng nandidiring mukha. "Iyan? Sayang naman ang itsura mo, bumigay ka lang sa mukhang..."

"Mas masasayang siguro ang itsura ko kung bibigay ako sa katulad mong hindi na nga kagandahan, masama pa ang ugali. Bumalik ka na sa pila mo at baka sigawan ka pa noong kamukha ni Dora."

Mukhang kamatis na sasabog iyong babae dahil sa sinabi ni Alfonso. Hindi ko naman mapigilan na makaramdam ng lungkot. Nakakapang-hina ng loob lalo na't itsura ang kailangan sa awdisyon na ito. Palagi kong nilalakasan ang loob ko para sa pangarap ngunit palagi namang may darating para hilahin ako pababa.

Maging ang mga magulang ko ay hindi ako sinusuportahan. Mukhang wala naman daw akong pag-asa sa industriya ng pagiging model kaya't si Alfonso lamang ngayon ang kasama ko.

Mabuti nalang at kahit nilait ako ng isang ito ay sinamahan niya ako. Alam kong sasabihin ninyo na dapat ay mainis ako kay Alfonso dahil sa mga sinabi niya ngunit... Kahit ganiyan 'yan ay hinding-hindi iyan nag-sasawang ipag-tanggol ako. Palagi rin iyang nariyan kapag kailangan ko siya. Sa lahat ng oras.

"Bakit mo naman iyon sinabi? Nag-hinay hinay ka lang dapat."

Tumaas ang kaniyang kilay. "Hindi nga rin siya nag-hihinay hinay sa sasabihin niya sayo."

"E, baka totoo naman kasi ang sasabihin niya. Ikaw na nga mismo ang nag-sabi sa akin na..." Tumungo ako. "Na pandak ako at maraming taghiyawat..."

Hinawakan niya ang aking baba. "Biro lamang iyon. Kilala mo naman ako. Sori." Sabi niya at inangat ang mukha ko upang matingnan siya. "Nasasabi ko man ang ganoong mga bagay sa'yo, pero hindi-hindi ko hahayaan kung sa iba mang-gagaling. Maganda ka, Alana. Hindi naman kita magugustuhan kung mukha kang kampanerang kuba."

Hindi ko mapigilan ang matawa kaya't kinurot ko na lamang siya. Hindi talaga pwedeng wala siyang masasabing lait.

"Huwag ka nang malungkot. Mag-ipon tayo para bumili ng mga pampakinis. Kaunting ligo lang 'yan, Alangot. Panigurado, ikaw ang pinaka-maganda sa lahat ng narito."

"Abante!" Sabay kaming napatingin nang mag-salita muli iyong babae na maikli ang buhok kaya't natawag ni Alfonso na Dora.

"Anong masasabi mo sa mga litrato ko?" Tanong ko at inilabas ang mga nakalagay sa envelope. Iyon ang ipapasa ko upang pag-basehan ng mga hurado.

Tiningnan niya ako at isiningkit ang mga mata. "Maganda."

Bahagya ko naman siyang siniko. "Yung totoo."

"Maganda nga," simpleng sagot niya at itinapat sa aking bibig ang sorbetes. Bumili ulit siya sa nag-lalako dahil sa init. Matagal ang usad ng pila. Kanina pa kami ritong umaga.

"Hindi mo man lang yata pinagmasdan,"

"Tiningnan ko. Maganda naman ang ayos sa'yo,"

"E, ang mga ngiti at pustura ko?"

"Ayos lang din. Mukhang papasa naman."

Tiningnan ko siya nang masama. "Napaka-tipid mo namang sumagot. Puro ayos lang. Wala na bang mas igaganda pa roon?"

Tumawa siya. "Ano ba ang gusto mong sabihin ko?"

"Kung aling litrato ang paborito mo at kung saan ako pinakamaganda." Umirap ako. "Pakiligin mo naman ako kahit minsan! Porket mag-dadalawang taon na tayo, binabalewala mo na ako."

"Kakabola ko lang sa iyo kanina, humihirit ka na naman. Hindi ka ba kinilig sa mga sinabi ko?" Umiling ako, binibiro siya. "O, siya sige. Para sa akin, ito ang pinakamaganda." Pag-kuha niya sa litratong nakangiti lamang ako. "Natural na natural ang dating."

"Ang tindig ko?"

"Ayos lang din pero sana, mas nag-relaks ka. Mukha kang kinakabahan dito,"

Tumango-tango naman ako para malaman kung ano ang mga dapat kong baguhin kapag ako na ang sasalang.

Matagal-tagal din ang naging pag-hihintay namin bago makarating sa loob ng gusali.

"Handa ka na ba?" Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi at hinawakan ang mga braso niya.

"Kinakabahan ako, Alfonso."

"Maganda iyan. Ang sabi nila, kung hindi ka natatakot, siguro'y mababaw pa ang pangarap mo. Kaya mo 'yan, Alangot ko!" Hinalikan niya ang aking pisngi. "Galingan mo!"

Sabi pa niya bago naiwan sa labas at doon nag-hintay na matapos ako.

Halos manginig ang tuhod ko sa harap ng mga hurado, lalo na noong sinusuri na nila ang aking litrato. Sinubok din nila akong mag-pakita ng iba't-ibang ekspresyon kaya't medyo nahirapan ako.

"Okay, thank you for joining the audition Miss Alana, and..."

Nang marinig ang desisyon kung pasok ba ako o hindi ay naka-kagat labi akong lumabas sa studio.

"Alana!" Salubong sa akin ni Alfonso na siguro'y mahigit isang oras nag-hintay. "Kumusta?"

Tiningnan ko siya at ngumiti naman siya, hinihintay ang aking sasabihin.

Umiling ako at tumungo. "Hindi raw ako tanggap..."

Kitang-kita ko kung paano siya nalungkot para sa akin. "A-ano?"

"Hindi raw ako tanggap dahil kulang pa raw ako sa confidence. Bukod doon, ang kailangan daw nila ay may magandang pangangatawan dahil damit pang-aktibidades ang imomodelo." Tumingin ako sa aking katawan. "Papayat-payat kasi ako..."

"Asus. Sa akin ay sakto lamang iyan. Hayaan mo na. Baka kasi hindi nila maasikaso nang maayos ang benta kapag ikaw na ang modelo. Tiyak kasi ay papatok iyon."

"Baliw ka talaga. Ni wala ngang interesado sa kanilang tatlo na kunin ako..."

"Malalabo kasi ang mata ng mga iyon. Halika na, kumain nalang tayo ng tokwa't baboy. Paborito mo iyon, diba? Libre ko na! Pati ang Buko Juice na paborito mo, sagot ko na rin!"

Napangiti ako dahil sa pag-pipilit niyang mapasaya ako. Hinihimas niya ang aking likod, sinusubukang gawin ang lahat upang mabawasan ang lungkot na nadarama ko.

"Woah! Umuusok-usok pa ang kanin, oh! Kumain ka na Alana. Tokwa't Baboy lang ang sagot diyan!" sabi niya at sinalinan ng Buko Juice ang baso ko.

"Salamat Alfonso ha. Kaya mahal na mahal kita, e."

~~~

Aking ikagagalak ang inyong mga komento at boto kung nagustuhan ninyo ang kabanatang ito.

E-Heads Playlist #3: MagasinWhere stories live. Discover now