02

4 3 0
                                    

Susi ng Hinaharap
ANG PAGDATING

HINGA, hinga palabas, at hinga paloob. Pilit na kinukumbinsi ni Hiraya ang sarili na manatiling humihinga kahit pa nararamdaman niya ang mahigpit na pagpulupot ng isang... baging? Gamit ang natitira niyang lakas para bumangon, ang kaniyang katawan na nakahiga ay nagmistulang naalimpungatan. Tuluyan nang nagising si Hiraya sa realidad ng kinakaharap niyang pagsubok. Unti-unti nang naalala ng dalaga ang mga pangyayari at napagtanto na ito ang kinahinatnan ng mga iyon. Desperado at mabilis niyang pinalibot ang mga kamay at daliri sa naturang bagay na sumasakal sa kaniya. Buhol-buhol ito, aakalain mong may kung sino man ang intensyonal na nagtali nito sa leeg niya.

Sa pamamagitan ng sapat na tiyaga sa pagtatanggal nito mula sa pagkakabuhol, ang mga kamay ni Hiraya ay nabawasan ang panginginig ngunit saglit na kapayapaan lang ang rumagasa sa damdamin niya dahil sa kasalukuyang kinaroroonan. Nilibot ng naluluha niyang mga mata ang mapanglaw na kagubatan.

Kahit pa sumisikat ang araw dito, malamig pa rin ang panahon. Isa pa ito sa dumadagdag sa mga sanhi ng pangangatal ni Hiraya. Ang kaniyang mga ngipin ay nagkikiskisan, mga buhok sa katawan ay nagsisitayuan. Bagamat malaki ang pasasalamat niya sa Diyos sapagkat siya ay buhay pa at hindi nakagapos ang iba pang parte ng katawan niya, imposible pa ring matanggal ang pagbadya ng panganib na nangingibabaw sa puso ng dilag. Pinaliligiran siya ng mga punong ubod ng tangkad, mayroong ilan na naputol na. Ni isang bulaklak o kahit man lang talutot nito ay walang matatagpuan dito. Maririnig din ang ingay ng simoy ng hangin at paggalaw ng mga dahon, pero higit na nananaig pa rin ang na pagtibok at pagkalabog ng kaniyang dibdib.

Nag-ipon muna siya ng lakas ng loob bago tumayo nang mabagal upang hindi makagawa ng tunog na maaaring makagimbala sa kung ano o sino pa ang nilalaman ng lugar na ito. Bumaon ang mga palad niya sa kayumanggi at maputik na lupa para maging suporta sa pag-unat ng kaniyang hita't binti. Nang nakatindig na si Hiraya, naghanap siya ng bakas ng paa ng kung anuman – mga hayop o tao ngunit wala siyang namataan.

Labagman sa kalooban niya na maglakad, inumpisahan pa rin itong gawin ni Hiraya sa malaking pababakasakali na may sasalba sa kaniya na mabuti ang hangarin o kaya naman ay mahanap niya ang susi palabas sa misteryosong kahuyan. Malagkit na ang balat niya, nakatamo rin siya ng mga gasgas sa magkaparehong tuhod. Ang damit na suot-suot ay buo pa rin naman subalit marumi na at sinamahan pa ng ilang mga punit sa gilid. Samantalang nakapaa na lang siya nang gumising, hindi ito naging hadlang sa kaniyang misyon, ang makauwi pabalik sa pinanggalingan niya.

SA MUNTING tahanan ng mga Realonda ay nagpapahinga ang bawat kasapi ng pamilya, pisikal na pamamahinga lamang ang nakakayanan nila sa ngayon. Tinataga pa rin ang kaloob-looban nila sa kamatayan ni Lola Mirasol na kahit pa tahiin ang mga hiwang nakuha ay bubulwak at bubulwak pa rin ang dugo. Biglaan lang talaga ang lahat ng ito.

Maaga pa lang ay nakapagluto na sila ng sari-sari at simpleng mga pagkain para sa mga makikiramay. Ganap na dalawampu't apat na oras na mula noong binawian ito ng buhay. Napagkaisahan nila na sa tapat na lang ng bahay itayo ang tatlong palyo na may apat na haligi bawat isa. Kagabi, karamihan ng mga dumalo ay mga kapit-bahay lamang nila pero napagod pa rin sila sa pag-aasikaso sa mga ito. Pag-iigihan pa rin nila at gagawin ang lahat para sa namayapa. Sa araw na ito ay inaasahan nila ang pagdating ng kanilang malalayong kamag-anak, kung saan ang iba ay taga-probinsya pa.

Pinatay ni Mama Tala ang telebisyon. Wala naman itong silbi sapagkat hindi narito ang atensyon niya. Bilang isang anak, malala ang pagdadalamhati na nadarama niya. Bilang isang manggagawa na kumakayod sa opisina na hindi naman gaanong maunlad ang buhay, ayung kaya lang mabili ang mga pangangailangan, kaniyang pinoproblema kung papaano babayaran ang pagpapalibing sa ina. Siguro ang sahod niya ng anim na buwan o isang taon ay kalahati pa lang ng kabuoang bayarin para sa kabaong at lupang paglilibingan nito. Tila kahit gaano kasipag pa siyang magtrabaho, nababalewala rin naman ito sa dami ng gastusin.

Siyempre, hindi siya nagrereklamo dahil para naman ito sa isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay niya, sadyang naguguluhan lang siya sa kung ano ang uunahin, ang responsibilidad o ang pagluluksa. Baka pagsabayin niya na lang sa lagay na ito. Sa tingin pa rin ni Mama Tala, walang pagsubok ang hindi malalapagsan kung ang pag-asa'y panghahawakan.

Napabalingsiya sa pintuan ng kwarto na pinaghahatian ng dalawang  anak na sina Hiraya, ang panganay, at Ligaya, ang sampung taong gulang na bunso sa kanilang magkapatid. Anong oras na at hindi pa sila lumalabas? Pagtataka ni Mama Tala. Napagpasyahan niya na kamustahin na ang mga ito. Matindi ang kutob niya na ang mga anak ay humahagulgol pa rin. Malalapit kasi ang mga ito sa kanilang lola. Palagi nilang nakakasalamuha ito, ito rin ang naging tagapagbantay nila sa tuwing wala silang mag-asawa sa bahay.

Kinatok niya ang pinto. Nang wala pa ring nagbubukas, sinuri niya kung nakakandado ito ngunit hindi naman kaya tuluyan niya nang binuksan ito nang tahimik. Ang paghinga ng dalawa pati ang bentilador ang maririnig, mahimbing pa silang natutulog. Madilim at nakapatay pa rin ang ilaw pero sigurado roon si Mama Tala.

Yumuko siya upang tapikin ang mga ito na nakahiga sa papag sa sahig. "Ligaya't Hiraya, gising na!" pabulong niyang sinabi, ang tono ay maligalig. Ayaw niyang nakikita siya ng mga ito na malungkot lalo na't simula pa lang ng araw.

Isang tawag pa lang sa kanila ay maaasahan mong nakasunod na agad sila sa iyo, kaya naman ay lumabas na si Mama Tala. Ilang segundo pa lang ang lumilipas, niluwa na ng silid si Ligaya. Ang buhok ay magulo at nakapantulog pa ito ng paborito niyang karakter na si Peppa Pig.

"Ang ate mo, anak, nasaan na?" tanong niya.

Kinuskus nito ang mga mata at humikab. Ang mga susunod na salita na pinakawalan nito ay sapat na para siya ay muling magambala. "Hindi ko po katabing matulog si ate."

Kahit kailan pa ay hindi nagbibiro ang anak niyang ito kapag ito ay maayos na tinatanong. Tumindig siya patungo muli sa kwarto. Sa liit nito, imposibleng mawala pa si Hiraya. Isang kama, kabinet, at lamesa lang ang nilalaman ng lilang silid nila.

Napahawaksa sentido si Mama Tala habang iniikot ang buong bahay, wala. Dumungaw siya samay bintana at baka nasa labas lang, nagdidilig ng halaman o nagpapahangin perokahit hibla ng buhok nito ay wala siyang natanaw. Kaonti na lang ang panahon atmababaliw na siya sa mga pangyayari. Hinablot niya ang telepono mula sakaniyang bag para humingi ng tulong sa asawa na mamaya pa sana ang uwi dulot ngpagtatrabaho nito.

Bumaba na si Mama Tala para lisanin ang tahanan, habang hawak-hawak ang telopono at hinihintay na sagutin ni Papa Dayon ang tawag, umaasang sa pagtatanong niya sa mga naroon ay makapagtuturo sa kinaroroonan ng kaniyang panganay.

"Mang Toto! Nakita niyo ho ba si Hiraya, kagabi o kahit kanina lang?"

"Aling Marites, si Hiraya... napansin niyo ho ba? Wala kasi sa amin."

Nagpatuloy lang siya nang nagpatuloy ngunit sa rami nang kaniyang nilapitan. Iisa ang sinasagot, "Hindi." Saang lupalop kita hahanapin, anak? Bagsak ang balikat niya pabalik sa bahay, ang mga tuhod ay nanghihina.

Kilalang-kilala niya si Hiraya. Hindi ito magrerebelde, kailanman. Kung may dinadamdam ito, agad itong nagsasabi. Hinding-hindi nito lalayasan ang pamilya nila. Responsableng tao ito, alam ang tama sa mali kaya kung mayroon mang pagkakamali ito ay hindi nito sinasadya. Alam ni Mama Tala na

Sumulpot si Ligaya at tinabihan siya, "Ma, nandito na po ba si ate?"

Nakatulala siyang nakaupo sa sala. Hindi namalayan ni Mama Tala na kanina pa pala tumatawag si Papa Dayon. "Hello, napatawag ka?" tugon ng kabilang linya.

"Si H-Hiraya..." kagat-labi at nauutal niyang sambit. Ang boses ay halos papalaho na, tsaka naman nagbabadya ang paglitaw, ang pagbuhos ng mala-bagyong luha niya. "nawawala-a... p-paano kung-" Tiningnan niya si Ligaya, hinahabol niya ang sariling hininga. Kahit anong pilit niyang patahimikin ang kampana sa kaniyang ulo, iniimbita pa rin nito ang isang posiblidad na maaaring kinakaharap na ng minamahal niyang anak ngayon – ang posibilidad na pinakakinakatakutan niya.

"Ang tagapangalaga."

Susi ng Hinaharap | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon