Susi ng Hinaharap
EPILOGUESININDIHAN nang isa-isa ni Ligaya ang mga kandilang alay nila para sa kanilang Lola Mirasol, unang anibersaryo na kasi ng pagkamatay nito. Tatambay muna sila rito sa sementeryo upang mangamusta at kausapin ang lola. Nakalalanghap sila ng sariwang hangin, nagsisiliparan ang mga ibon at paro-paro na nagbabago-bago ng kulay.
Gaano karami ang pwedeng magbago sa loob ng tatlong daan at animnapu't limang araw?
Kung tatanungin mo ang Hiraya noon ay maiinip at makakatulog ka yata sa sagot niya, pero kung sasagutin ito ni Hiraya ngayon, ibang usapan na iyan.
Ang mga kaganapan matapos ang kanilang paghaharap ni Siklab ay hulog ng langit. Wala yatang maniniwala kung sasabihin niyang nabawi na ng Palacio Siklo ang kalayaang taon-taon nitong inaasam na makamtan.
Ang mga nilalang na nakilala niya sa eksplorasyon niya noon na walang tirahan ay pinalipat niya sa kaharian, dito muling bumangon ang kastilyo. Hinasa ng mga bagong residente nito ang kanilang mga talento at kakayahan para masigurong imposibleng bumagsak ito ulit.
Abandonado kung ilalarawan ito nung nakaraan pero nabaon na nila sa lupa ang sumpa ni Siklab.
Sa Palacio, tumutubo na ang mga masasaganang berdeng puno, pananim, at iba pang halaman, namumukadkad na ang mga bulaklak lalo na ang mga mirasol na palaging kumakaway sa maliwanag na sinag ng araw.
Sa umaga, nagtatrabaho sila Hiraya at ang kabuoan ng mga naroroon para mapabuti pa ito sa paglipas ng panahon.
Sa kabilugan ng buwan, nagsasaya sila sa plaza nito kung saan ang bawat pamilya ay may handog– walang maliit o malaking regalo rito – at sumasayaw sa mga pinapatugtog ng mga musikero.
Pantay-pantay lahat.
"Ate, ba't ka nangiti?"
"Wala, maligaya lang ako."
"Pinaglalaruan mo na naman ang pangalan ko, isusumbong kita kay na Mama at Papa!"
Dinilaan niya ang kapatid na kay sarap-sarap asarin. "Nasaan ba ang susi?" tanong ni Hiraya.
Ngumuso ito. "Ang daya, lagi mo na lang hawak 'yan."
"Siyempre, kayamanan ko ito. Tignan mo, ikaw lagi ko ring kasama."
Nawala ang pagkukunwaring pagtatampo ni Ligaya at kinilig sa sambit ng ate niya. "Bakit? Kasi kayamanan mo rin ako?"
"Ay, hindi. Wala lang talaga akong pagpipilian!"
Siya ay nakatikim ng palarong paghampas. "Ate naman, sama mo!" At tsaka sumabog ang bulkan at nagsilabasan ang tawanan nila.
"Saan mo pala gusto pumunta bago tayo bumalik sa Palacio? 'Yung hindi tayo magtatagal, ah. May pagsusulit pa ako bukas."
Bukod sa pagiging lider at reyna ng isang kaharian, estudyante pa rin si Hiraya na nagbabalik-balik dito sa Earth. Siyempre, isa pa rin ang pagtatapos ng pag-aaral sa mga minimithi niya. Maganda rin na kaklase niya pa rin ang mga kaibigang sina Lana at Stefanie.
Sa mga oras na narito siya katulad ngayon, ang mga magulang nina Hiraya at Ligaya na sina Mama Tala at Papa Layon ang mga nangangasiwa sa mga gawain sa Siklo.
"Um... pwede ba sa Disneyland tayo, ate?"
Pumalakpak si Hiraya. "Hay, salamat! Sige ba! Napagod ako sa Ancient Rome nung isang araw, may digmaang nangyari tapos nanood pa tayo." Ginagala niya rin ang kapatid at tinuturuan na kahit maaga pa lang ukol sa mga mararanasan pa nito sa paglaki.
"Miss ka na namin, Lola." bati ni Ligaya rito.
"Sobra-sobra po." dagdag niya. Pinaalalahan niya ang kaniyang Lola Mirasol na may ngiting walang hangganan. "Nangangarap pa rin po ako nang malalim."
Kontento pa siya sa kontento. Mahimbing ang tulog ni Hiraya gabi-gabi, dahil sa wakas, nahanap na niya ang layunin sa buhay.
Kahit ilang nakakandadong pinto pa ang pasukan ni Hiraya Realonda noon pa man o ngayon, kung saan mang parte ng kalawakan, mabubuksan niya ito.
"Lola, 'wag po kayong mag-alala, ha?" Hinaplos ni Hiraya ang pangalang nakaukit sa lapida. "Inaayos ko na po ang Palacio Siklo. Sisiguraduhin kong tatagal na po ito ng maraming-maraming siglo."
Ganyan kapag may tiwala sa sariling susi ng hinaharap.
BINABASA MO ANG
Susi ng Hinaharap | ✓
FantasyMabigat at masakit ang naging biglaang ikot ng buhay ni Ariba Hiraya Concepcion Realonda. Balot na balot ng takot para sa kinabukasan niya ang isa sa kanyang mga naramdaman nang maglaho ang bukod tanging taong tinitingala niya sa mundong ibabaw sa...