05

5 3 0
                                    

Susi ng Hinaharap
SA LIKOD NG MGA PINTO

"ISA sa mga tagapangalagang ito ay ang nangangasiwa sa buong aspekto ng kastilyo. Sa pagiging sobrang makapangyarihan ni Liwayway, nadiskubre niyang may kakayahan siyang pasukin ang buhay ng ibang tao at mamuhay bilang sila, kung sinoman ang kaniyang mapili. Hinubog niya nang mainam ito. Ang sikretong ito ay kumalat at nakarating sa masa. Lahat ng mga katabi naming lipunan ay kusang nagsilapitan at sinadyang magtungo rito, nag-aalay ng mga regalo para kumbinsihin ang bathaluman na bahagian din sila ng natutunan. Ano sa palagay mo ang kinalabasan nito?"

Kadalasan ay hindi agad nagtitiwala si Hiraya sa mga sabi-sabi lang. Ngunit matapos ng mga napagdaanan niya sa loob at labas ng kaharian, nako, bawat letra yata na papakawalan ni Mang Dato ay panghahawakan na niya.

Sa lugar na kinaroroonan niya, siguradong mayroon pang mas kakaiba sa mga nakuwento na. Inisa-isa niya ang mga ito.

Una, higit sa isa ang tinuturing nilang diyos at diyosa. Kahit pa residente ka lang, may pag-asang makatamo ka ng supernatural powers! Ang lupet naman! Ako kaya kailan?

Mayroong parte ni Hiraya na gustong maranasan papaano kaya lumaki ang mga kabataan dito. Natawa siya sa imahe ng sarili na lumilipad at nagpapatalsik ng mala-kidlat na liwanag.

Nakikita niya ang kaniyang kinalalagyan ngayon bilang isang malaking nakahandang piging kung saan siya lang ang nagsisilbing panauhin.

Nakakailang subo pa lang siya ay busog na busog na siya sa iba't ibang uri ng emosyon; kaba, usisa, at kagalakan sa mga maaari pa niyang matunghayan.

"Hmm," nag-isip muna siya at nilagay ang sarili sa posisyon. "Sa hindi pagpayag ni Liwayway, dito nagkaroon ng kaguluhan."

"Mismo. Ayun na ang panahon na nakatanggap na ang mga hukbo namin ng mga banta. Gumamit na sila ng mga dahas, may mga nanakit na ng mga taong naninirahan dito subalit si Liwayway ay nagmatigas." Tumulis ang tingin ni Mang Dato, halatang hindi maganda ang timpla ng tsaa nito sa tuwing ito ang ulo ng usapan. "Piniling niyang isarili pa rin ito."

Sa pakiramdam ni Hiraya, kinikilala niya ang mga punto ng matanda pero higit na pumapanigsiya sa bathaluman. Kasi kung iisipin, lalong sisibol ang kasakiman at kasamaan kapag inaprubahan nito ang pagtuturo ng isang kaalaman na talagang aabusuhin ng nakararami.

Malamang sa malamang ubos at simot ang Palacio Siklo, wala ng tira-tira pa tulad nila. Gayunpaman, pananatilihin niyang nasa ilalim ng bibig niya ang mga saloobin. Kakampi ang pakay niya rito, hindi katunggali.

"Sabihin nating hindi nangyari ang nangyari,magiging katulad pa rin po ba ng nakaraan ang kasalukuyan nito?"

"Oo, baka ito pa ang maging pinakamaunlad sa lahat." Paniguradong wala rin ako rito. Teka, bakit nga ba ako nandito?

"Pasensiya na ho kung milyon-milyon ako kung magtanong pero baka naman alam niyo ho kung paano ako napunta rito?"

"Ikaw ay pangkaraniwang tao lang na biglang sumupot dito."

Nagpanggap na nataga si Hiraya sa mga sinambit. "Grabe naman sa biglang sumupot."

"Nagsinungaling ba ako?" Ngumisi ang matanda, kita ang bulok na ngipin sa gilid.

"Hindi naman po, pero 'di ko rin ito ginusto." Isinangtabi na ito ni Hiraya habang humahalakhak. "Gulat na lang ako nilamon na ako ng ilaw. Sa mundo ko, maaari nang makulong ang gumawa nito sa akin at makasuhan ng pagkadikip. Dito ay parang wala lang."

"Bilangguan naman na ang buong palasyo ngayon kung tutuusin, ineng." pagsakay ni Mang Dato sa pakikipagbiruan niya at doon nito tinapos ang paksa. Wala pa ring kalinawang nasasagap si Hiraya, kaya inisip niya na lang na hindi rin nito maintindihan.

Susi ng Hinaharap | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon