10

7 3 0
                                    

Susi ng Hinaharap
SA HULI, MAY SIMULA

PINAHARUROT ni Hiraya ang makina ng susing sasakyan diretso sa kadulo-duluhan ng Karagatang Pili. Matapos maisagawa ang labing-siyam na eksplorasyon dito. Napagdesisyunan niyang mainam nang itigil na ang paglalaro nila ng taya-tayaan at tagu-taguan sa Kaban ng mga Buhay.

Humilata sina Hiraya at Tick-Tick sa balsahan habang sinuksok ng gintong susi ang sarili sa supot niya. Hinahayaang dalhin sila ng mga alon kung saan.

''Nakakapagod din pa lang umulit-ulit. Pakiramdam ko nasa loob tayo ng gulong, eh. Paikot-ikot lang, walang katapusan kaya tatapusin na natin 'to, Tick."

Napaigtad ang munti niyang kakampi, "Ha? Baka sinapian ka na rin!"

"Pinagsasabi mo?"

"Ang Hirayang kilala ko ay matigas ang ulo, susundin ang gusto." Inirapan niya ito, tinaasan ng kilay, at inilingan ito.

Pagbigyan niyo na at ngayon lang nagsungit ang dalagang lubog na ang mga mata mula sa pagkakapuyat. Ang kaniyang mga bisig ay gamit na gamit, maging ang bawat ugat sa mayroon siya ay batak na batak.

Napakarami nilang nakasalamuhang nilalang sa iba't ibang lupalop at kasuluk-sulukan. Lahat ng maaari nilang ibayad ay naibigay pero tila hindi pa rin talaga sila masuklian ng tanging gusto nila.

"Pero higit sa lahat, pursigido at hindi sumusuko." pahabol nito.

"Sus, napilitan ka pang dagdagan."

"Hoy, hindi! Ayaw mo lang akong patapusin." depensa nito.

Bumangon si Hiraya at natatawa-tawa rito. "Nako, nagdrama ka pa! Ako rin naman ay 'di mo pinatapos."

Inalog-alog niya si Tick-Tick, kinikilig sa mga planong nailatag niya sa matatag na mesa ng kaniyang isipan. "Kung wala si Liwayway sa mga buhay, edi lipat tayo sa mga patay!"

Nagulat ito sa ibinahagi niya. "Nasisiraan ka na ba ng bait?! Hindi ba't delikado roon?"

May punto si Tick-Tick pero lahat naman ng mga nararanasan niya simula nang lumitaw siya rito ay kinakailangang pasukin ni Hiraya ang mga butas ng bilyon-bilyong karayom.

"Masaya na ako sa gano'n. At least, tayo lang mapapahamak. Hindi ang sambayanan." Sumang-ayon si Tick-Tick sa kaniya.

Pinindot ni Hiraya ang gitnang arko ng susi at parang uod na ganap nang naging paro-paro ay ito'y nagbagong-anyo. "Sakay na, sasagipin pa natin ang mundo."

AKALA ni Hiraya na sa panahong muli siyang tatapak sa tapat ng bolang kristal na ito ay kasama na ang liwanag na tinataglay ni Liwayway subalit may mga planong nauudlot at ito ang nagdulot sa kaniya na palawakin pa ang imahinasyon sa paggawa ng mga estratehiya.

Sa pagbabalik niya sa Palacio Siklo ay tsaka rin sumabay ang mga binabagabag ni Hiraya. Ano pa ba ang mukhang ipapakita ko kay Mang Dato?

Siya'y pihadong kinakabahan na ito sa kaniyang lagay at sa biglaang pagkawala niya.

Tinahak nila ang pintuan, sumilip muna sila para makasulyap sa kahit anong ebidensiya na narito ang anino. Sa bubong na babasagin, nahandugan sila ulit ng katiyakan na wala ito sapagkat pasikat pa lang ang araw at tuwing sa lagim ng buwan lang ito bumibisita nang labag na labag sa kanilang kagustuhan.

Sinipa na niya ang bakod na nakaharang sa Himlayan ng mga Patay upang lubos na mapadali ang pagsakop niya rito. Napaabante si Hiraya sa nasilayan.

Ang arkitektura ng tulay dito ay katulad lang din ng sa kabila pero tanging ito lang ang pagkakahawig nila sa isa't-isa. Kusang sumara ang pultahang nabubulok na, Namumuo ang agiw sa daanan ngunit nilagpasan niya ito nang walang karate-arte.

Susi ng Hinaharap | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon