Susi ng Hinaharap
PALACIO SIKLONAGPUPURSIGI si Hiraya sa paglalakad sa nakakatindig-balahibong damuhan. Lumulubog na ang araw. Sa kabilang banda, lumalabas na ang buwan para sumikat mula sa kuwebang pinagtataguan nito ngunit heto pa rin siya sa kawalan. Ramdam na ramdam na niya ang uhaw, ang gutom, at lahat na ng pinagsama-samang paghihirap.
Aminin man o hindi, kung oobserbahan ang sitwasyon niya, simula pa lang ito ng mga kakaharapin niyang inkombenyensiya. Suot-suot na niya ang mahiwagang maskara ng katapangan. Minsan lang sa buhay niya ang kinailangang maging mapagpanggap ni Hiraya, ito ang panahon na iyon.
Nang hinigop na talaga ng kalikasan ang lahat ng lakas niya, tumigil na muna siya. Sa tagal ng kaniyang paglilibot, ngayon pa lang niya tunay na masasabi na makakapagpahinga siya. Sinandalan ni Hiraya ang puno ng higera.
"Sa wakas," mahinang bigkas niya sa sarili tsaka siya nagpakawala ng buntong hininga. Ilang minuto lang ang nagdaan, dinig na ang paghilik ni Hiraya. Sa kalagitnaan ng kaniyang pag-idlip, ang nakaraan niya'y sumisilip.
"IKAW, ano ba ang iyong pangarap sa buhay, doktor, inhinyero, o kaya naman ay abogado? Hindi ba ang mga propesyon na ito lang ang kadalasang pinagpipilian ng nakararami? Maaaring naipluwensiyahan o napilitan lang kayo na pangarapin iyon para sa ikakasaya ng mga magulang niyo, pero maaari namang isa sa mga ito ay talagang ninanais niyong makamit sa una pa lang."
Umangat ang tingin ni Hiraya mula sa papel na gabay niya papunta sa madlang nakikinig sa kaniya. Ang kabang nararamdaman niya bago sumalang sa entablado ay hinipan na ng hangin. Higit na importante ang ipinaparating ng mga salita niya. Hindi mabilang-bilang ang pares ng mga matang nakatitig sa kaniya, ganoon din ang mga taingang pinapakinggan ang tinig niya.
"Lahat tayo rito," Tinuro niya ang mga kamag-aral, "naniniwala akong maaabotnatin ang mga kaniya-kaniyang minimithi. Tamang dedikasyon, lakas ng loob, sipag, diskarte, at tiyaga, kaya 'yan. Pero mga klasmeyts, ang tanong kolang... ano ba ang ugat ng mga pangarap na ito?" Muli niyang binalingan ang mga ito. Ang iba ay kumikibit balikat. Mayroon ding mukhang mga malalalim ang nararating ng mga isipan, ihabol mo pa ang mga sumensenyas ng 'pera' gamit ang kanilang mga daliri.
"Ayan, pera raw. Bukod pa riyan, iyong titolo at tingin ng tao sa iyo kapag, halimbawa, sabihin natin na naging propesyonal at lisensyadong doktor ka na. Ang sarap sa pakiramdam, ano? Lahat sila nakatingala sa iyo habang nagpapakasaya ka sa buhay dahil mapera na, umaangat at umaasenso ka na. Kung kikilatisin ang ganitong uri ng pangangarap, ayung para sa papuri at materyal na bagay lang ay napakababaw. Sa araw-araw na umikot ang mundo ko sa apat na sulok ng aming silid-aralan, may isang ginintuang realisasyon akong natutunan. Habang ang kabataan ay nasa murang edad pa lang, dapat tinuturo na sa kanila ang tamang paraan, ang tamang rason kung bakit natin gusto makamtan ang isang hangarin." Sinarado na ni Hiraya ang kopya na binabasa niya at buong tapang na hinarap ang mga tao.
"Mag-aral ka ng medisina upang magkaroon ka ng kakayahan na gumamot ng mga may sakit lalo na ng mga mahihirap. Mag-abogado ka para magtanggol ng mga tao, bigyan mo ng hustisya ang mga nangangailangan nito. Aralin mong gumawa o magdisenyo ng bahay para sa mga nasalanta ng kalamidad at nawalan ng mga tirahan. Kaibigan, walang masama na mangarap. Mabuti nga iyon, eh. May balak ka para sa kinabukasan mo, pero kung gagawin mo nga ito, 'wag mong pangarapin na maging kasingtaas ng mga bituin sa langit. Bakit? Ang mga bituin ay may panahon lang ng pagsikat. Imbes na maging isa ka sa mga ito, mangarap ka na kasinglalim ng mga ugat ng isang puno. Ang mga ugat na ito ay lumalago at tumatatag kasabay natin. Pinapahiwatig ng mga ito sa atin na sa pag-abot ng mga pangarap, kailangang maghintay at magsikap para ang punong tinanim ay magbunga."
Ang mga kapwa niya estudyante ay namangha, tila natauhan ang mga ito sa kaniyang sinabi. Nakaawang ang mga bibig nila Kung anuman ang pinaghuhugutan ng mensahe ng Hiraya, malaki ang naging impluwensya ng Lola Mirasol niya sa paghugis nito. Ito ay kasalukuyang pinanapanood siya mula sa pangatlong hilera ng mga upuan, ang ngiti sa mga mata ay daig pa ng parol na kumukutitap.
BINABASA MO ANG
Susi ng Hinaharap | ✓
FantasyMabigat at masakit ang naging biglaang ikot ng buhay ni Ariba Hiraya Concepcion Realonda. Balot na balot ng takot para sa kinabukasan niya ang isa sa kanyang mga naramdaman nang maglaho ang bukod tanging taong tinitingala niya sa mundong ibabaw sa...