Susi ng Hinaharap
KATOK SA TUKTOK"ANO ho bang mayroon si Liwayway na wala ang dalawa pang mga tagapangalaga?" Maingat na usisa ni Hiraya, binbantayan maigi ang mga salitang sunod niyang ipapakawala sapagkat tinatago niya sa matanda ang biglaang natuklasan sa pinakatuktok ng Palacio Siklo.
Natatakot kasi siya sa maaaring maging reaskyon nito kung sakaling malaman ang nagawa kagabi lang. Sa kaniyang depensa naman, aksidente lang ito at hindi sinasadya.
Mula sa kabisera ng napaglumaang kainan na yari sa mga tangkay ng punong molave, inangatan siya ng kilay ni Mang Dato. Sapat na ito upang patambulin ang puso niya. "Magandang tanong."
Tila nag-iisip pa ito nang itutugon sa kaniya. "Palagay ko, masyado siyang naging ambisosya. Isa sa mga ninanais niya ay ang maangatan ng kahariang Siklo ang iba. Tignan mo naman kung saan ito nauwi."
Tumango-tango siya, iniintindi ito habang sumusubo siya ng pinira-pirasong mais na inani ni Mang Dato sa kaniyang munting halamanan na pangtutos sa kagutuman nito noon pero damay na siya ngayon. Puno ang tasa niya nito. Hindi kahabaan ang lamesa kaya walang naging hadlang o paghihirap sa kanilang usapan.
"Ano pa po ba ang mga kapangyarihan niya?"
"Ayun lang ang alam ko, iha. Dahil doon, siya na rin ang tinuring na ganap na pinuno ng lahat. Ang posisyon niya ay higit pang mataas kaysa sa pagiging tagapangalaga. Siya ang pinaniwalaan, sinunod, at ang iba ay sinamba pa siya."
"Masama ho ba ang loob niyo sa kaniya?" Ilang segundo ring hindi umimik ang matanda. "Hindi na." Humigop ito mula sa baso nito at muntikan pang mahulog ang pustiso ni Mang Dato na mabilis nitong sinalo.
Muli, naging pagsubok na naman para kay Hiraya na huwag maging loka-loka at tumawa. Kailangan niyang ikandado ang sariling bibig, baka tumakas at kung saan pa makarating.
"Buti naman po."
"Anong mabuti roon?"
"Mabuting wala ka na pong poot na natitira para sa kaniya."
Naubos na nito ang pagkain at inumin. Nagmamadali itong magligpit. "Bababa muna ako sa aking silid. Kung gusto mo, akyatin mo muna ang mga libro. May hahanapin lang ako."
"Sige po." Iniwan na muna siya nito. Saktong-sakto! Ito pa naman ang hinahangad niyang tuluyan pagkatapos kumain. Marami at mahaba ang imbestigasyon at pananaliksik na binabalik isagawa ni Hiraya.
Sariwang-sariwa pa sa kaniyang alaala ang lahat ng nasaksihan kaninang hatinggabi lamang kasama ang orasang si Tick-Tick na kasalukuyang namamahinga sa pinagtutuluyan niyang kwarto.
Imposibleng mabura ng kahit anong pangpalimot, ng kahit gaano karaming gayuma pa ang aninong pinagbabantaan ang buhay ng sansinukob.
"Lahat sila'y magbabayad! Nang dahil sa isa, lahat kayo ay magdudusa!" Parang sirang plakang tumutugtog sa utak niya ito. Isa lang ang nakikita niyang paraan upang ito'y matigil, kailangan niyang aksyunan ito.
Papatayo na siya nang sa kalagitnaan nito ay nakita niya ang sarili na biglang narito na sa silid-aklatan. Ha, ano 'yun? Paanong napunta ako rito? Madiing pinikit-dilat ni Hiraya ang mga mata at sa ganoon lang ay dinala na siya nang kung ano sa kaniyang kwarto.
Pinakiramdaman niya ang lapag, totoo ito. Gumagalaw siya. Wala siya sa isang simulasyon tulad ng sinisimulan niyang isipin.
"Hiraya?" Maging si Tick-Tick na nakahiga ay napaigtad at binigyan siya ng di makapaniwalang titig. "Paano ka nakapasok? Hindi ba-" Nakakandado niyang iniwan ito, tandang-tanda niya.
Nilunok ni Hiraya ang namumuong kakaibang emosyon sa lalamunan niya at 'di na pinatapos ang orasan, "Teleportasyon... 'yan ang may sala."
SUMAPIT na ang takipsilim. Buong-buo na ang desisyon ni Hiraya na lutasin ang misteryong namataan. Kung gaano kakongkreto at malinaw ang kaniyang motibo ay siyang kay kulang at labo naman ng plano niya. Ni minsan sa kaniyang buhay ay inihanda niya ang sarili para sa sitwasyong ganito, ngunit may kampanang kumakalembang sa kaniya na nararapat na siya ay huwag lang tumunganga, nais niyang may maiambag.
Lubhang karumaldumal ang mga binabalak ng nilalang na si alyas Anino pero kung may kasama siya mas lalo siyang mapapanatag. Dahil dito, malaki ang pag-asang inihandog sa kaniya ng orasan nang mapag-alaman ni Hiraya na sinadya ni Tick-Tick na akyatin nila iyon. Ilang buwan na raw palang dumadalaw ito sa kaharian, pagala-gala tuwing papalaho na ang araw sa langit.
Isa-isang nilapag ni Hiraya ang mga librong nabasa at nalikom kanina. Sa dami ng mga seksyon ng aklat na mapagpipilian, tanging ang kinuhanan niya ay ang mga may kinalaman sa kasaysayan ng Palacio Siklo.
Mahigit umabot din sa limang makakapal at pitong maninipis na libro ang kaniyang nakolekta. Karamihan dito ay tungkol sa dalawang lagusan at ang mga natira ay ukol naman sa mga paraan na pwede niyang subukan para tahakin ito nang maingat.
"Gusto ko pa rin naming makalabas ng buhay dito, noh!"
Binuklat niya ang pinakamakapal dito. Malakas niyang pinagkaisa ang nakapaloob dito sa harap ni Tick-Tick na buong-pusong nakikinig. Maghapon siyang nagbasa, apat na aklat na ang kaniyang natatapos.
"Ito ang pinakamahalagang sangkap natin. Dami kong nasagap dito," pagmamalaki niya.
Binuhat niya si Tick-Tick at nagkwento, boses ay kasinghina ng sa langgam, "Kung ibubuod, kailangan ng isang bagay para mabuksan ito at-"
"Kaya mo ngang mag-teleport!!" Tumalon-talon si Tick-Tick nang masilayang narito na sila tuktok. Samantalang, nabulaga pa rin si Hiraya sa kakayahan.
"Hindi ko mawari..." Ano at sino ba talaga ako?
"Ano ka ba? Ang angas kaya!"
"P-Pero may nabasa ako, eh." kumunot ang noo ni Hiraya. "Pili lang daw ang mga nabibiyayaan na gawin ito."
"Oh, mas maangas 'yon! Isipin mo, isa ka sa mga pinili. Pinili ka, hindi napili lang!"
"Hindi ako taga-rito!! Bakit gano'n?" Napaatras si Tick-Tick nang napagtaasan siya ng tinihg ni Hiraya.
Agad napinagsisihan ito ng dalaga. Hindi ito ang intension niya, sadyang natatarantana siya. Gusto niya lang naman ng sagot.
"Pasensiya na. Litong-lito lang ako, Tick."
"Wala namang problema, 'di lang ako informed na may pagkabiritera ka pala!"
"Loko-loko!"
Huminga muna siya bago balikan ang unang sinasabi habang paurong-sulong na lumalapit sa kinatatayuan ng anino kagabi.
"Punit na ang pahina kung saan nakasulat ang mismong kailangan natin, pero sa oras na ito'y ating makamtan..."
Sinundan siya ng munting orasan, tumigil siya nang makatapat na ang ginintuang tarangkahe sa kaliwa at ang isa pang pilak na kinakalawang naman sa kanan. Kung gaano kaliwanag ang isa ay siyang kay kulimlim naman ng kabila. Namulat siya sa mga pares ng letrang lumulutang sa ibabaw ng magkaparehong pinto.
Kaban ng mga Buhay at Himlayan ng mga Patay.
"Ito'y gagawa ng mga himala."
BINABASA MO ANG
Susi ng Hinaharap | ✓
FantasyMabigat at masakit ang naging biglaang ikot ng buhay ni Ariba Hiraya Concepcion Realonda. Balot na balot ng takot para sa kinabukasan niya ang isa sa kanyang mga naramdaman nang maglaho ang bukod tanging taong tinitingala niya sa mundong ibabaw sa...