Susi ng Hinaharap
LAKBAY SA MGA BUHAYGALONG-GALONG pag-aalinlangan ang bumuhos kay Hiraya nang aralin na niya ang kaniyang kapaligiran. Ito pa man ang sabik na sabik niyang patunguhan ngunit ang nararamdaman niya ay mahirap pa ring iwasan.
Isang uri ng pangmamaliit kung ilalarawan niyang hindi siya namamangha sa tanawing abot-kamay na niya ngayon. Umawang ang bibig ni Hiraya, nililibot ng kaniyang balintataw ang nakikita niyang paraiso.
Ang Kaban ng mga Buhay ay malayo sa pagiging isang simpleng silid na nilalaman ang mga namumuhay, ito'y langit sa loob ng palasyo. Kahit saan ka lumingon, lumilitaw ang mga ulap at sumasayaw ang mga kalapati sa himpapawid.
Si Hiraya ay nakatungtong lang sa matibay na tulay na diretso papunta sa isang altar. Lumuwag ang pagkakapit niya sa supot na dala-dala. Kasabay ng maingat niyang paghakbang ay ang paglago ng kagustuhan ni Hiraya na lakbayin pa ito. Naaaninag na niya ang nakapatong na lumiliwanag na bolang kristal sa batong altar na may mga brilyanteng walang puwestong tiyak.
Ang pagtingin niyang permanenteng nakadikit na sana rito ay inagaw ng kumakaluskos sa bitbit-bitbit. "Ay, Tick! Pasensiya na!" Binuksan niya ito at maalagang nilabas ang kasamahan.
"May balak ka pa bang pahingahin ako- Woah!" Napasinghap si Tick-Tick. "Hiraya, ito na 'yun!"
"Oo! Kailangan na nating mamili." Habang hindi pa bumabagsik ang kulo ng anino. Naisip niya pero ayaw niyang ibalik ang taranta nito, kaya kaniyang isinarili na lang.
Tanging mga teoryang nabasa lang ni Hiraya ang kaniyang pinanghahawakan ngunit hindi ito rason para sukuan niya ito. Susuko pa ba 'ko, narito na ako, oh!
Pinagkuskos niya ang mga palad, inihahanda ang sarili para sa mga sasabihin, at kaniyang pinikit ang mga mata. Nagtagpo ang bolang kristal na mayroong kometa sa gitna na binabalik ang repleksiyon niya. Hinimas-himas niya ito, pinapakiramdaman ang enerhiyang pinapahiwatig.
"Wakanadaencantacion loum patorgous se Liwayway ecleventiana!"
Sa isang sigawan, puspusang idinilat ng panlabas na puwersa ang mga mata ni Hiraya at nag-umpisang tumirik ang mga ito pahilaga, timog, at patagilid. Sa puntong ito'y wala ng kontrol o miski kamalay-malay ang dalaga sa pinagdadaanan ng kaniyang katawan. Lumulutang siya, ang nasabing lakas ang pasimuno nito. Kalaunan, sumunod ang pag-angat at pag-unat ng kaniyang mga braso na parang manglalanggoy na nagbabadyang sisisid sa dagat, at heto nga ang ginawa sa kaniya.
Nagpalamon si Hiraya sa bolang kristal at ang mga pasabog ng nakaraan ay malabo palang pumantay sa natutunghayan niya. Narito siya sa ilalim ng malawak na karagatan. Ang daloy ng tubig ay binasa siya nang buo, awtomatikong kumampay ang mga paa't binti niya. Huli sa mga gusto niyang maganap ay ang malunod siya. Umahon si Hiraya para sumagap ng hangin. Mula sa sulok ng kaniyang paningin, naakit niya ang balsahang sasalba sa kanila.
Dinampot na niya ang oportunidad na sakyan ito. Unang nilapag ni Hiraya ang lalagyan dito bago ang sarili. Hindi na niya dinamdam ang pagkakabasa ng mga gamit niya nang dinaluyan siya ng bugso na parang may kulang. Nang napagtanto niya kung sino ito, dagli niyang ipinaghiyawan ang ngalan nito.
"Tick-Tick!"
"Tick."
Minuto-minuto na ang lumipas at kahit isang tono ng alarm anito ay wala siyang marinig. Kung silang dalawa na nga ay nahihirapan na sila. Paano pa kaya kung ako na lang mag-isa... ulit?
"Tick..." Nasa bingit na ng pagluha si Hiraya nang bigla itong umahon. Nilapitan niya ito, gumaan ang loob niya. "Salamat naman! Akala ko iiwan mo na 'ko!"
"Ako pa? Tubig lang 'yan, si Tick-Tick ako." Pagmamalaki nito habang nagpapatuyo.
"Buti na lang waterproof ka."
Gamitang sagwan na nakapatong sa balsahan, nakapaandar nila ito hanggang sa tumulisang tingin ni Hiraya. May napupuna siya sa ibabaw ng mga alon na mga palahong imahe, mga larawan na gumagalaw at nagsasalaysay ng iba't ibang kaganapan.
Narating na nila ang lugar na inaasam, ang Karagatang Pili. Dulot ng mga katagang pinakawalan ni Hiraya, sila'y hinatid sa karagatang naglalahad ng mga eksaktong buhay na minsan o posibleng pinasukan ni Liwayway.
"Kaninong buhay ang uunahin natin, Hiraya?"
"Kahit kanino."
"Paano kung-"
"Gagawa tayo ng paraan. Hindi natin malalaman, kung 'di natin susubukan."
"Ayos! 'Yan ang diwa!"
Kinapa ni Hiraya ang bulsa at kinalikot niya ang susi, kusa itong lumabas at hinayaan niyang pangunahan sila nito sa kung saan man sila dadalhin. Tumigil ito sa imahe ng isang makulay na kalangitan. Sa paglutang ng mahiwagang susi na una nang nanggaling sa kaniyang likuran, nag-ibang anyo ito at naging isang dambuhalang submarinong globo na may pakpak sa magkabilang gilid. Kusa rin itong bumukas, inaanyayahan silang pumasok.
"Sa bilang ng tatlo, tatalon tayo. Isa... dalawa... tatlo..." Sa yugtong iyon, ang pagtalon nila ay hindi lang upang makasakay sila rito ngunit sina Hiraya't Tick-Tick ay tumalon na patungo sa mundo ng isang estranghero.
Yellowknife, Canada. Taong 2015.
UMUULAN ng nyebe, ang mga turista ay hindi mabilang-hilang. Bawat isa sa kanila ay may mga kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan. Ang mga berdeng puno ng pino ay nahaluaan na rin ng mga puting butil ng yelo. Itong lahat ang aking nasasaksihan mula sa mahamog na bintana ng pinagtutuluyan kong kubo.
Niyayakap ako ng makapal na dyaket at pantalon, nakapalupot sa aking leeg ang lilang bandana, at pinoproteksyonan ako ng isang pares ng botang may takong. Hinawak-hawakan ko ang mukha ko, hindi ako ito. Masyado ring matangkad ang pangangatawan ko ngayon na taliwas sa totoong ako. Sa pakiramdam pa lang balat ng may-ari nito, halatang nasa wastong edad na ito.
Isa lang ang ibig sabihin nito, umaayon sa plano ang mga nagaganap at ubod akong matatanggalan ng tinik sa dibdib kung ito'y nagpatuloy-tuloy pa. Gayunpaman, wala pa naman talaga akong naisasakatuparan sa aking mismong mga minimithi maliban dito. Misyon kong hagilapin ang lugar na ito, nananalangin na agad magkrus ang landas namin ni Liwayway at sana'y magtulungan kami sa pagpuksa ng kasamaan ni Anino. Posible kayang nasundan na kami nito?
Wala akong sasayanging hininga kaya tinapik ko na si Tick-Tick na nagpapahinga mula sa pagkakahilo sa paaran ng pagpunta namin dito. Hindi ko naman ito masisisi, kulang na lang ay sumabak kami sa digmaan para lang marating ito. Sino ba kasing mag-aakala na may kakayahan ang susing iyon na maging isang sasakyan? Siyempre, wala sa aming dalawa.
Isang katok ang natanggap ko mula sa labas. Nang tinignan ko ang bilog na silipan na nakakabit, isang marikit na babaeng kano at kulot ang buhok ang nasa kabila. "Railey, now is the time for you to come out!" matinis at nasasabik niyang pagyayakad sa akin.
Railey, ito ang ngalan ko rito. Lalaki ako rito. "Coming." Grabe, ang lalim ng boses ko! Pogi ko naman, oh my!
Gamit ang maugat at balbon kong kamay, hinawi ko na ang harang na naghihiwalay sa amin ng kalikasan at bumungad sa akin ang nakakabighaning tanawin sa kalangitan.
Nagkumpulan ang mga tao, dala ang kanilang mga teleskopyo at ang iba naman ay kumukuha ng mga litrato. Ang mga natira ay simpleng nakatingala sa itaas, pinoproseso ang lonang bumabalot sa gabi na tila pinunturahan ng mga katangi-tanging kulay. Kanilang ninanamnam ang mahikang taglay ng kaakit-akit na aurora borealis.
Kung ito nga ay isa sa mga niyapakan ni Liwayway, hindi ko siya masisisi. Kung pupwede lang na manatili rito nang pangmatagalan ay ginawa ko na. Maganda ang lugar, sa panloob at panlabas, lahat ng tao ay may rason pang maging masaya rito. Dito mo matutunan na... ay ganoon? May rason pa rin pala na maging masaya at walang iniimbak na problema!
Pinisil-pisil ng babaeng bumati sa akin kanina ang palad ko, este ang palad ni Railey nang tatlong makabuluhang beses at tinaniman siya ng halik sa pisngi bago binitawan ang walong mahahalagang letra, "I love you."
BINABASA MO ANG
Susi ng Hinaharap | ✓
FantasyMabigat at masakit ang naging biglaang ikot ng buhay ni Ariba Hiraya Concepcion Realonda. Balot na balot ng takot para sa kinabukasan niya ang isa sa kanyang mga naramdaman nang maglaho ang bukod tanging taong tinitingala niya sa mundong ibabaw sa...