04

4 3 0
                                    

Susi ng Hinaharap
SA AKALA, MAGTITIWALA

"TAKSIL! Lubayan mo ako!" Nanlisik ang mga mata nito, segundo pa lang ang nakaraan nang nilapatan siya ng titig nito. Ang bumbilya na kakaonti na lang ay bibitaw na mula sa pagkakasabit nito ay nakatulong kay Hiraya upang maproseso ang hitsura nito.

Kulang-kulang ang ngipin, puti ang karamihan sa mga hibla ng buhok, at punit-punit ang suot sa puntong mukhang basahan na lang ito. Walang itong sapatos at mahahaba ang kuko sa parehong kamay at paa.

Akmang iduduro at ihahampas pa sa kaniya ang hawak na makapal na patpat nang animo'y biglang bumalik ito sa katinuan o kaya ay ito'y natauhan nang mapansin na isa lang siyang dalagang bata kung tutuusin, malayong-malayo sa kung sino mang taksil ang tinatawag nito.

Nabunutan naman si Hiraya ng tinik sa dibdib nang lumambot ang ekspresyon nito at nagpakawala ng ngiti.

"Iha, paano ka napunta rito?" tanong ng matandang kuba. "Walang sinoman ang nakakapasok dito na maayos pa rin ang lagay." Umangat ang kilay ni Hiraya. Nagtataka kung ano ang pinakahuhulugan nito at kalaunan, nilinaw nito. "Walang nakakapasok ng buhay dito... maliban sa akin."

Sa ganoong paraan lang, umaalarma na ang kalahati ng isipan ni Hiraya. Dapat ko bang pagkatiwalaan ang ginoong ito? Mayroon siyang mga pagdududa at inaalala.

Maigi niyang pinagdedesisyunan kung karapatdapat bang pagkatiwalaan niya ito, ngunit walang taong mala-isla. Darating din ang araw sa kalendaryo na kakailanganin niya ng kadamay sa sitwasyon na ito at maaaring ito na nga iyon. Kung kaya't titiisin niya ito, basta 'di siya maiiwang mag-isa sa lugar na hindi naman niya ninais patunguhan.

Ibinaba nito ang patpat tsaka ito isinantabi kung saan man at nagpakilala, "Nga pala, ako si Dato, Mang Dato." Inalok siya nito ng pakikipagkamay.

Pinakaramdaman niya ang nasa loob ng butas na kanyang aksidenteng pinaghinulugan.

Kumbaga, maihahalintulad ang espasyong ito sa maliit na butas na pinagtataguan o tinitirahanng mga daga. Talagang hindi ka maliligaw sa liit at sikip nito. Upang makatayonang tuwid, dapat gawin ito sa pinakagitna – ang pinakamataas na parte – para maiwasan ang pagkauntog. Umupo ito sa kabilang dulo ng higaan.

Ang kutson at mga unan ay mayroong mga mantsa at dumi, nandiri rito si Hiraya sapagkat malinis siya sa mga bagay-bagay. Ito ang tumulak sa kaniya na tumindig at mapilitang abutin ang palad nito. Hindi rin naman niya masisisi si Mang Dato. Kapag narito ka, ang pag-intindi sa kalinisan ay huli na sa mga prayoridad mo at ang tanging pagtutuonan mo ng atensyon ay ang makaraos.

"Hiraya Realonda po," may pangangamba pa rin sa tinig niya, pero hangga't wala masamang ginagawa ang manong, gagalangin niya ito at kaniyang susubukan manatiling kalmado. Binato niya ito ng pinakamahalagang katanungan, "Mang Dato, ano po ba ito... nasaan tayo?"

Nananalangin siya na mabibigyan siya nito ng tiyak na kasagutan. Lalo pang naging seryoso ito. "Tayo'y nasa ibang planeta, ibang dimensyon na pisikal na malayo mula sa sangkatauhan ngunit sila ang dating pinagsisilbihan."

"Ha, ano pong ibig niyong sabihin?" Ngumuso si Hiraya. Imbes na maliwanagan ay naguluhan pa siya nang mas malala.

Gamit ang tungkod, inangat ni Mang Dato ang sarili. Tila ang reaksyon nito'y hindi lubos makapaniwala na wala siyang kaalama-alam dito, na para bang dapat pamilyar na siya rito. "Iha, nasa Palacio Siklo ka!"

"WALANG katiyakan kung kailan pinatayo ang palasyong ito, subalit masasabi kong marami nang napagdaanan ito." Niyaya si Hiraya ni Mang Dato na libutin ang buong kastilyo.

Sumatotal ay labing-isa ang mga palapag dito at sa ngayon ay nangangalahati pa lamang sila. Bawat palapag ay iba't iba ang pinturang ginamit, halatang dating makulay at puno ng buhay ito. Mahaba-haba na ang napaggalaan nila. Isang silid pa lang ay katumbas na ng buong bahay nila.

Susi ng Hinaharap | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon