LUMABAS si Tisay ng banyo matapos makapagpalit. Napakabango ng damit na ibinigay sa kanya ni Nognog. Damit daw ito ni Purple. Labas ang tiyan niya dahil cropped shirt iyon na kulay orange. Mahaba ang manggas, may collar, at may garter ang hem. Button-up ang harapan at satin ang tela niyon. Ang kulay ng short ay hot pink na medyo maluwag ang tabas habang pink na sandals naman ang kanyang sapin sa paa. Uso ang kulay na ito ngayon. Matingkad na kulay na pinagmi-mix. Minsan na niyang nakitang suot ito ni Purple sa vlog nito at napakaganda nito kay Purple. Hindi nga lang niya alam kung nabigyan niya ng hustiya.Matapos siyang mahulog sa swimming pool ay dinala siya ni Theus sa silid nito at ipinagpalit.
Paulit-ulit niyang inamoy ang sleeves niyon habang humahakbang. Napakabango talaga. "Ay!" Napatigil si Tisay sa paghakbang nang bumangga siya sa bulto ni Nognog. Nahawakan naman siya nito sa baywang kaya hindi siya bumagsak sa sahig. Ngumiti ito sa kanya. Ang puti-puti ng ngipin nito habang ang labi ay mapupula. Nagkukuskos siguro ng asin. Pampaputi iyon, eh.
"Hindi mo ba gusto ang amoy ng damit?"
"Hawakan mo lang ako," pigil niya kay Theus nang bitawan siya nito.
"Ha?"
"Ahm...mabango." Agad na humakbang paatras si Tisay. Gagi! Ang landi niya.
"Ang bango ng damit. Ano'ng fabcon gamit niyo?"
"Fabcon? What's that?"
"Fabric conditioner. Pampabango sa damit. Inilalagay 'yon sa panghuling banlaw."
"I have no idea what it is. I'll ask our helps."
"Hindi ba magagalit ang kapatid mo na ipinasuot mo 'to sa akin?" Niyuko niya ang kanyang sarili.
"She won't mind that. Baka nga hindi na niya maalalang kanya niya 'yan sa dami niyang damit. I wasn't sure if you like that. Nakita ko na kasing suot niya 'yan so I assumed it was a good match."
"Parang tayo," pabulong niyang sabi pero agad niya iyong dinugtungan. "Naku! Magiging choosy pa ba ako. Okay na okay 'to. Ang ganda nito sobra."
"Great. So let's go? Let's go back to the party."
Tumango si Tisay. Bumaba ang tingin niya sa braso ni Theus. Nangangarap na sana ay ialok nito sa kanya ang braso.
"Let's go," ulit nito nang hindi siya tuminag. Marahang tumango si Tisay. Nagpatiuna si Theus sa pinto, binuksan nito iyon pero hindi lumabas. Siya ang gustong paunahin. Gentleman talaga ng Nognog niya. Dahan-dahan niyang inipit ang basang buhok sa likod ng tainga habang papalabas ng pinto. Nang maisara iyon ay sabay na silang naglakad patungo sa hagdan. Literal na nanigas si Tisay nang hawakan ni Theus ang kanyang siko habang pababa sila ng hagdan. Ang lambot ng kamay nito. Nakakahiya sa kamay niyang parang liha sa gaspang. Paano na kung maging mag-jowa sila? Nakakahiyang makipag-holding hands. Baka ma-turn off sa kanya.
"What is your name?" tanong nito nang makababa sila ng hagdan. Tiningala niya si Theus. Ang guwapo talaga nito. Ang mga mata nito ay napakaganda ng hugis at kulay. Ang ayos ng buhok ay bagay na bagay rito. Unti-unti itong ngumiti dahilan para lumantad ang pantay na pantay at mapuputing mga ngipin nito.
"Tulala ka?"
"Ha?"
"I asked your name. Ano ang pangalan mo?" Mabilis na kumurap si Tisay. Nawawala na naman siya sa sarili.
"Ahm...Joan. Joan ang pangalan ko."
"I'm Theus." Inilahad nito ang kamay sa kanya. Tinitigan niya iyon. Ang bilis naman. Holding hands agad. Baka sa susunod, buntisin na siya nito. Wala sa loob na napatawa si Tisay sa sarili.