"MAGANDANG BUHAY, ATE Sey!" Masiglang bati ni Tisay sa kapatid na abala sa kusina. Nagluluto. Medyo kinakabahan siya dahil sa sofa na ibinigay ni Theus. Pinaghandaan naman na niya ang gagawing palusot. Sana lang paniwalaan siya. Grabe naman kasi si Theus. Parang sugar daddy lang, may pa-sofa agad. Friends palang sila niyan, ah? Jusko! Baka mansiyon na ang ibigay sa kanya kapag jowa na sila.
"Mag-agahan ka na luto na 'to." Sinulyapan niya ang mesa. May luto ng sinangag roon. Nilapitan niya ang kapatid at sinilip ang niluluto. Sa halip na amoy ng niluluto ay alak ang kanyang nasamyo mula sa kapatid na hindi naman na bago sa kanya dahil sa trabaho nito. Mas maraming ladies drink na nainum, mas maraming salapi.
"Wow!" usal niya nang makita ang corned beef. Sa buong-buong laman palang mukhang mamahalin na corned beef na iyon. Premium. Malayo ang itsura sa corned beef na madalas nilang lutuin na parang giniling at hindi naman lasang karne. Nakumpirma niyang mamahalin ang corned beef nang makita ang lata na nakapatong sa gilid ng lutuan na ang label ay Japanese.
Kinuha niya iyon. "Wow! Imported. Saan ito galing?"
"Kay Jopay."
"Si Ate Jopay? Dumating na?" Japayuki iyon na dating katrabaho ng kapatid niya. Gusto nga niyong isama ang kapatid niya pero hindi naman siya gustong iwan. Hindi rin niya gusto. Iiyakan niya talaga ang ate niya kung iiwan siya nito.
"Oo. Kaya hindi ako nakauwi. Nagkainuman tapos kuwentuhan. May chocolate rin na ibinigay. May lotion din, gamitin mo 'yon." Kaya pala amoy alak ito.
Umusog siya sa lababo. "Ano'ng oras ka umuwi?" Tanong niya sa kapatid, kumuha ng baso at nilagyan ng tubig mula sa jug.
"Kakauwi ko lang."
"Tapos nagluto ka na? Dapat natulog ka na. Hindi ka ba bangag?" Nagsimula siyang magmumog.
"Hindi naman. Malakas alcohol tolerance ko. Pagkaluto ko magpapahinga na ako. Baka mag-Pancit Canton ka na naman lang, eh, kaya pinagluto na muna kita. Ang daming supot ng canton sa basurahan. Nilantakan mo 'yon lahat?"
"Hmm." Umiling siya habang nagmumumog. Iniluwa niya ang tubig na nasa bibig bago nagawang tugunin ang kapatid.
"Kinain namin nina Tukyo 'yon." Hinila niya ang neckline ng damit at pinunasan ang basang bibig.
"Eh, 'yong sofa? Saan pala 'yan nanggaling?" Napangiwi si Tisay sa tanong ng kapatid. Pinatay nito ang kalan at sinimulang isalin ang corned beef. Naglakad siya patungo sa lamesa at naupo roon. Sumunod naman ang kanyang kapatid at dinala sa mesa ang corned beef.
"Binili ko."
Tumaas ang kilay nito. "Binili mo?"
"Naka-sale. Fifty percent off. 8k lang 'yon tapos hulugan...iyong natitira ko sa baon ko na lang ipambabayad ko."
"Bakit ka bumili?" Naglakad ito patungo sa lababo at kumuha ng plato.
"Labas na kasi pako at spring. Eh, madalas ka pa naman matulog sa sofa baka matetano ka pa."
"Aw!" Bumalik si Sey at ipinatong ang plato sa harapan ni Tisay.
"Ang sweet ng kapatid ko." Hinalikan siya nito sa pisngi. Sinimulan ni Sey na lagyan ng pagkain ang kanyang plato.
"Timplahan kita ng gatas." Nagsimula siyang kumain habang si Sey ay nagtimpla ng gatas.
"Bumili ako ng ukay. Dalawang bale 'yon. Gusto mo bang mag-live selling?"
"Hmm. Sige. Yayain ko si Tukyo. Pero sa Sabado na lang para walang pasok."
Bumalik si Sey sa mesa at inilapag ang baso ng gatas sa kanyang harapan. "Sige. Kapag nabenta ipambayad mo na sa sofa."