April 1, 2012
Napagdesisyunan kong gumawa ng isang korning bagay at iyon ay ang gawing diary ang notebook na ito. Malay ko ba naman kasi sa diary-diary epek na yan. Pero dahil sa kinikilig ako, naisipan kong gawin ito.
Ika-labinlimang taong kaarawan ko noong isang araw. Masaya naman. Ang totoo n’yan, doon nagsimula ang lahat. May pinakilala sa akin ang matalik kong kaibigang si Noalynne na pinsan niya galing Maynila. Pumunta raw rito para magbakasyon. At dahil sa wala naman daw itong mapag-kaabalahan sa kanila eh niyaya na lang niyang sumama sa birthday party ko. Hindi naman talaga siya ‘yung big time na party. Iyong tamang may handa lang na spaghetti, salad, maja blanca, manok, kanin at kung anu-ano pang pagkain na madalas hinahanda sa isang pagdiriwang. Tapos may video singko rin, at syempre, inuman para kina Papa at sa mga kaibigan niya sa pulitika. Oo nga pala, Mayor si Papa rito sa lalawigan namin sa Davao.
So ayun nga. Pinakilala sa akin ni Noah ‘yung pinsan niyang si Neji. Grabe! Ang gwapo n’ya! Ang tangos ng ilong, ang pula ng labi, tapos parang nagungusap ‘yung mga mata n’ya. Para lang s’yang si Coco Martin. Haaaayyyy...Halos maglaway na nga ako sa harap n’ya eh. Buti na lang, naagapan ni bestfriend Noah. Haha. Tapos ayun, may regalo pa siyang binili para sa akin. Nakakatuwa! Isipin mo ‘yun? Kahit hindi pa kami magkakilala bago siya pumunta sa party ko, eh nag-abala pa rin siyang ibili ako ng regalo? Sinong hindi kikiligin doon, diba?.
At heto na nga iyong regalo na iyon, isang notebook na may kung anu-anong disenyo. Akala siguro niya ay katulad ako ng ibang teenager na mahilig sa mga kakikayan at kaek-ekan, eh hindi naman. Pero dahil nga sa bigay ito ni crush Neji, syempre tinanggap ko pa rin. Medyo dinisenyuhan ko lang siya ng kaunti, pagkatapos ay napag-isipan ko rin na gawin na lang siyang diary, kahit ngayong summer lang. At isa pa, ano naman kasing gagawin ko sa notebook na ito, diba? Alangan naman gawin kong 'scratch' lang. Sayang naman! Hindi rin naman siya pwedeng gamiting notebook sa school, kasi hindi naman ganun karami ‘yung pahina n’ya. Kaya wala rin naman akong ibang pagpipilian kundi gawin nga itong diary.
Haayyy… Basta masaya ako ngayon! Pakiramdam ko... heto na ‘yung time na magkaka-lovelife na ako. Hahaha... Malandi na kung malandi! Eh kasi naman kanina, pumunta si Noah rito sa bahay kasama si Neji. Sabi ni bestfriend, nung nalaman daw nito ni crush na sa amin siya pupunta, eh nagpumilit na sumama. Oh diba? Haba ng buhok ko. Tapos hindi lang iyon! Habang nanonood kami ng pelikula kanina sa sala, nahahalata ko na panay ang tingin niya sa akin. O, isa lang naman ang ibig sabihin nun eh, diba? Na crush n’ya rin ako. :)
Bago sila umuwi, tinanong n’ya ako kung may gagawin daw ba ako bukas. Syempre sinabi kong wala kasi wala naman talaga. Tapos ayun, niyaya niya akong mamasyal bukas. Alangan naman umayaw ako, eh pakiramdam ko, eto na talaga 'to... Magtatapat na s’ya sa akin. Hahaha. Ang assuming ko nuh? Pagbigyan mo na ako dear diary. Minsan lang naman ako mangarap eh.
O sige na. Ako'y matutulog na dahil kelangan ko pa ng beauty rest. Hindi pwedeng pangit ako bukas. Tomorrow is my day. Yeaboi!

BINABASA MO ANG
One Summer Diary
Teen FictionKung bibigyan ka ng pagkakataong ipagpatuloy ang isang pag-iibigang naudlot, would you grab it? Or would you rather leave things the way they are now to save your heart from being hurt once more?