December 04, 2023 (Present)
***
"Magandang gabi, mga kapuso! Narito ang mga nag-babagang balita para sa araw na ito. Sa kalangitan ngayong gabi, makakaranas tayo ng isang pambihirang kaganapan: ang lunar eclipse. Sa ganitong pagkakataon, ang ating buwan ay magiging pulang kulay, kaya't tinagurian itong "blood moon." Mabilis kong dinampot ang remote ng telebisyon para lakasan ang volume upang marinig kong mabuti ang sinasabi sa balita.Narito ako ngayon sa isang maliit na silid na tinutuluyan ko kapag may duty ako dito sa resort na pinagtatrabahuhan ko bilang part time job habang nag-aaral ako ng kolehiyo.
Dahil nakuha naman na ng balita sa telebisyon ang atensyon ko ay maingat ko ring pinatay ang laptop na ginagamit ko kanina sa pag-gawa ng thesis. Maingat talaga ang galaw ko dahil pinahiram lang ito sa akin ng may ari nitong resort—mabuti na lang talaga at mabait sila sa akin.
"Ayon sa mga eksperto, makikita ang lunar eclipse mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-dose ng madaling araw. Ipinapakita ng phenomenon na ito ang kakaibang pagtatagpo ng araw, buwan, at lupa." Tinignan ko ang oras sa cellphone kong nakababa sa lamesa, kalahating oras na lang bago maganap ang lunar eclipse.
Umayos ako ng upo at minasahe ang balikat—kanina pa kasi ako nakakaramdam ng ngawit. Kinusot ko rin ang dalawa kong mata na ngayon ay nag-uulap na dahil kanina pa ako nakatitig sa laptop habang gumagawa ng thesis.
"Ang lunar eclipse ay hindi lamang isang magandang tanawin kundi rin may mga kultural na kahulugan sa iba't ibang panig ng mundo. Narito tayo sa pag-aalay ng oras upang masilayan ang kakaibang tagpo sa langit." Tutok na tutok ako sa balita, bata pa lamang kasi ako ay mahilig na talaga ako sa mga bituin at buwan.
Naaalala ko pa nuong nasa bahay ampunan pa lang ako ay lagi akong tumatakas sa gabi para lang tanawin ang bituin at buwan sa langit— iyon lang kasi ang tanging nagpapa-gaan sa loob.
Isang mapait na ngiti ang bumakas sa labi ko nang muling malala ang mga panahong iyon. Napa-iling na lang ako para iwaksi sa isip ang mga ala-alang yon.
"Hinihikayat namin ang lahat na magsanib-puwersa at magmasid ngunit tandaan din ang pag-iingat sa kalusugan. At 'yan ang mga balitang ating tinutukan sa nakalipas na 24 oras, Ako ang inyong kapuso, Mike Enrique-" Hindi ko na hinintay pang matapos magsalita ang news anchor at pinatay ko na ang telebisyon para mag-abang na sa labas upang mapanood at masaksihan ko ang lunar eclipse.
Kinuha ko muna ang cellphone ko na nakababa sa lamesa bago tuluyang lumabas.
Sa hindi kalayuan ay tanaw ko ang dalawang dalaga at isang batang lalaki. Hindi ko sila pinansin at sa halip ay naghanap na lang ako ng pwesto kung saan pwede kong masaksihan ng maayos ang magaganap mamaya.
"May mga tao pa pala." bulong ko sa sarili nang makita kong may mga iilan pang nakababad sa pool at nagtatampisaw sa malamig na tubig kahit gabi at madilim na.
Habang naglalakad ay nakaramdam ako ng malamig na simoy ng hangin kaya naman napayakap na lang ako sa aking sarili. Pumasok ako sa isang bakanteng cottage hindi kalayuan sa mga pool at doon na lang piniling hintayin na lumitaw ang lunar eclipse.
Habang naghihintay na sumapit ang takdang oras ay minabuti kong panoorin muna ang dalawang dalaga tsaka iyong bata. Nasa may mababaw lang sila na pool at nilalaro ang bata.
Maya-maya pa ay umahon ang dalawang dalaga at naiwan ang batang lalaki sa pool nang mag-isa. Sinundan ko ng tingin ang dalawang dalaga na ngayon ay nagtatawanan pa at nakita kong sa may cr sila papunta. Binalik ko ang tingin sa batang lalaki, umahon ito mula sa pambatang pool at naglakad papunta sa kabilang pool na agad namang nagpakunot sa noo ko.
9ft ang sukat non kaya't talagang malalim. Huwag lang talaga syang tatalon doon at hindi ko sya kayang sagipin, mamamatay lang kaming dalawa. Taga linis at taga bantay lang ako nitong resort—hindi taga sagip ng mga tatanga-tangang nilalang.
At ganon na lang ang gulat at pangamba ko nang dumulas ang paa nito at tuluyang bumagsak sa pool. Agad akong napatayo habang nanlalaki ang mata at hindi malaman ang gagawin.
Hindi ako marunong lumangoy! Kung tatalon ako para sagipin ang bata ay idadamay ko lang ang sarili ko sa kamatayan.
Lumingon ako sa gawi kung nasaan ang cr. "Tulong!" sigaw ko para kuhanin ang atensyon ng dalawang dalagang kasama ng bata pero lumipas ang ilang minuto ay wala pa ring lumalabas sa cr. "Punyetang mga tao 'to!" napasabunot na lang ako sa sarili dahil sa pagkataranta sa nasasaksihan.
Binalik ko ang tingin sa pool kung nasaan ang bata, pilit nitong inaahon ang sarili pero hindi nya magawa dahil sadyang malalim ang tubig doon. "Ayan tatanga-tanga kasi!" bulalas ng aking bibig. Para na ako ditong baliw na kinakausap ang sarili.
Napahilamos ako at napasabunot muli sa sarili dahil hindi ko na alam ang gagawin ko. Tangina, gusto ko lang naman masaksihan ang lunar eclipse!
Nagmamadali akong nagtatakbo papunta sa pool, bahala na. Hindi kaya ng konsensya kong hayaan na lang malunod ang batang iyon ng wala manlang akong ginagawa. Wala naman nang mawawala sakin kahit mawala ako sa mundong 'to, wala akong pamilya at wala ring kaibigan na mag-aalala para sa akin hindi tulad ng batang nalulunod ngayon.
Huminga ako ng malalim at lakas loob na tumalon sa pool kung nasaan ang bata. Nang nakalublob na ako sa tubig ay agad kong hinawakan ang bata at pilit na inangat sa ibabaw ng tiles sa gilid ng pool. Nang mai-angat ko ang bata ay sya namang tuluyang paglubog ng buong katawan ko sa tubig.
Ilang beses ko pang pinilit na i-ahon ang sarili sa tubig pero bigo akong mai-ligtas ang sarili, ramdam na ramdam ko ang pagpasok ng tubig sa ilong ko hanggang sa tuluyang hindi na ako makahinga.
Sabi nila ay bago raw tuluyang bawian ng buhay ang isang tao, mayroon daw pitong minuto ang utak natin para balikan ang mga masasayang ala-ala. Pero ganon na lang ba kapangit ang naging buhay ko sa mundong ito dahil hanggang sa huling hininga ko ay wala manlang nagbalik sa ala-ala ko?
Huli kong nasilayahan ang pagpula ng buwan bago tuluyang pumikit ang mga mata ko. Sa wakas, wala ng sakit—wala ng pagdurusa.
Kung totoo man na may susunod na buhay, tanging hiling ko lang ay sana bigyan naman na ako ng pagkakataong maging masaya.
***
YOU ARE READING
Isang Daang Tula Para Kay Veronica
RomanceDawn is a resilient college student navigating the challenges of academia while grappling with personal struggles. One fateful night during a lunar eclipse, Dawn selflessly risked everything to save a drowning boy. In a twist of fate, she found hers...