***
"Papá..." walang emosyong bigkas ni Señorita Veronica.
Naglakad papalapit sa amin ang Gobernador-Heneral, walang bahid ng anumang reaksyon ang mukha nito habang palipat-lipat ng tingin sa aming dalawa.
Dahil hindi ko kayang labanan ang mga titig ng Gobernador-Heneral ay nilibot ko na lang ang aking paningin sa paligid. Ngayon ko lang napansin na nasa labas na pala ng bahay ang mga kamag-anak ni Aurora at lahat sila ay gulat na nakatingin sa amin.
Napalunok na lamang ako ng laway ng huminto sa tapat namin ni Señorita Veronica ang Gobernador-Heneral.
Saglit itong tumingin kay Señorita Veronica bago ilipat sa akin ang kanyang tingin.
"Sumakay ka na sa carro, Veronica." matalim na utos nito kay Señorita habang nasa akin pa rin ang tingin.
Mukhang tama nga ako na hindi nagsasabi ng totoo si Señorita Veronica nang sabihin nyang nagpalaam sya sa kanyang ama. Mukhang ang totoo ay walang kaalam-alam ang kanyang ama kaya heto ito ngayon at wari ko ay para na namang isang bulkan na anong oras man ay pwede nang sumabog.
Bakit ba pakiramdam ko ay nahuli nya akong tinanan ang anak nya.
Mabilis na humakbang si Señorita Veronica kaya naman ngayon ay nasa likod na nya ako at parang ginagawa na namang harang ang kanyang katawan para itago ako sa kanyang ama.
"Walang kasalanan si Aurora." tila kalmadong sagot ni Señorita Veronica pero alam kong kinakabahan na rin 'yan. "Pinilit ko lamang syang patuluy—"
Hindi na nya natuloy ang sasabihin nang magsalita ang Gobernador-Heneral, "Hinihingi ko ba ang iyong paliwanag, Veronica?" tanong nito, "Hindi ba't ang sabi ko sayo ay sumukay ka na sa karwahe?"
Saglit na napuno ng katahimikan ang paligid at ang tanging maririnig lang ay ang bulungan ng mga chismosang kamag-anak ni Aurora .
Saglit pang nagbaling ng tingin sa akin si Señorita Veronica bago muling ibalik ang tingin sa kanyang ama.
Narinig ko ang pag tikhim nito, "Ngunit natatakot akong baka saktan mo si Aurora."
Wala akong ibang nagawa kung hindi pagmasdan na lang ang likod ni Señorita Veronica dahil hindi ko naman magawang tignan ang kanyang mukha dahil nasa likod nya ako.
Gustuhin ko mang sumabat sa usapan nila pero wala akong lakas ng loob. Isa pa ay bakit pa ako sasabat kung nandyan naman si Señorita Veronica para ipagtanggol ako.
Ang ikinakatakot ko lang ay baka sya naman ang mapasama dahil sa pagtatanggol nya sa akin sa kanyang ama.
"At bakit ko naman iyon gagawin?" tanong muli ng kanyang ama. "Sumunod ka na lamang sa utos ko, Veronica."
Sa huli ay wala na ring nagawa si Señorita Veronica kung hindi ang sumunod sa utos ng kanyang ama. Pero bago tuluyang sumakay sa loob ng kalesa ay saglit muna ulit itong nagbaling ng tingin sa akin at sa pagkakataong iyon ay bakas na ang pag-aalala sa mukha nito at ang kanyang mata ay tila ba humihingi ng pasensya.
Nang tuluyang makasakay ng kalesa si Señorita Veronica ay nagbaling na ako ng tingin sa Gobernador-Heneral na nananatiling nakatayo sa harap ko na ngayon ay nakatingin na rin pala sa akin.
Dahil sa kaba ay agad akong yumuko para iwasan ang kanyang mata.
"Nais kitang makausap bukas pagbalik mo sa aking bahay." narinig kong wika nito sa akin at dahil sa kaba ay hindi agad ako nakasagot sakanya.
"Entiendes?" sa pagkakataong ito ay may kataasan na ang boses nya kaya agad akong tumango habang nakayuko pa rin ang ulo.
Ilang segundo pa ay narinig ko na ang yapak nito paalis hanggang sa tuluyan nang nakaalis ang sinasakyan nilang kalesa.
YOU ARE READING
Isang Daang Tula Para Kay Veronica
RomanceDawn is a resilient college student navigating the challenges of academia while grappling with personal struggles. One fateful night during a lunar eclipse, Dawn selflessly risked everything to save a drowning boy. In a twist of fate, she found hers...