PINAGSUMIKAPANG GUMISING nang maaga ni Zoe nang araw na iyon. Madilim pa sa labas at mamaya pa siguro sisikat talaga ang araw. Bumaba siya sa kama kahit na labis pa siyang inaantok. Hindi niya gustong ma-miss si Hermi. Alam niya na maagang aalis ang binata para sa intensive workout at practice.
Nagpaalam na sa kanila si Hermi kagabi. Sinabi nito sa mga anak na magigising ang mga ito na wala na ito sa bahay. Si Pedring ang maghahatid at susundo sa mga ito sa eskuwela. Mananatili ang mga ito sa daycare pagkatapos ng school.
Hindi makikita ni Zoe ang mag-aama buong maghapon. Kaya naman gusto niyang makita ang mga ito bago umalis. Gusto niyang makita si Hermi bago magtungo sa practice.
She had it bad, she was aware. Hindi pa rin niya magawang pigilan ang kagustuhan. Mukhang hindi niya kayang hindi pagbigyan ang sarili.
Tahimik pa ang bahay paglabas ni Zoe sa silid. Tinungo niya ang kusina dahil naroon ang kape. Nadatnan niyang gising na rin sina Manang Rose at Pedring. Nginitian siya ng mga ito na kaagad niyang ginantihan.
"Ipaghahanda kita ng kape," sabi ni Manang Rose na kaagad na tumayo sa stool na kinauupuan.
"Ako na po," sabi ni Zoe na medyo nahihiya sa matanda. She had been so sweet to her. Hindi pa sila nagkakaroon ng pagkakataon na makapagkuwentuhan dahil nakadikit siya palagi kay Hermi, pero palaging pleasant ang ngiti nito sa kanya. Palaging magiliw ang pagsasalita. She liked her so much. Ngayong araw siguro ay magkakaroon sila ng pagkakataon na makilala talaga ang isa't isa.
Hindi siya pinakinggan ni Manang Rose at hindi nagtagal ay inabutan na siya nito ng isang mug ng umuusok na kape. Naupo siya sa isa sa mga stool at tahimik na humigop.
"Sigurado ka na hindi ka na muna kakain?" tanong ni Manang Rose kay Pedring.
"Mamaya na ho pag-uwi, bago ko po ihatid ang kambal sa eskuwela."
Naramdaman ni Zoe si Hermi bago niya makita. Hinagkan nito ang ibabaw ng kanyang ulo. "Hey, bakit gising ka na?"
"Gusto kitang makita bago ka umalis." Nag-init nang bahagya ang kanyang mga pisngi. Parang bigla siyang nahiya. Pero hindi niya pinagsisisihan ang pagtatapat.
Mas lumawak at gumanda ang ngiti ni Hermi. Pinagmasdan ni Zoe ang kabuuan ng binata. He was truly handsome and he wasn't even trying so hard to be. Nakabihis na ito pero mukhang nakalimutang magsuklay ng buhok. He was so tall and muscular. Parang buo na ang araw niya dahil nasilayan na niya ang kakisigan nito.
Ibinigay ni Manang Rose ang isang lunch bag kay Hermi. Tumayo na si Pedring at inilagay sa sink ang pinagkapehan. Kinuha nito ang lunch bag kay Hermi at sinabing maghihintay ito sa sasakyan. Ginawaran siya nito ng banayad na ngiti bago lumabas ng kusina.
"Kailangan ko nang umalis," sabi ni Hermi, may bahid ng panghihinayang sa tinig.
Tumango si Zoe. "Have a good day."
"Ikaw rin. I'll see you later."
"Have fun at practice."
Napangiti si Hermi. Hinaplos ng kamay nito ang kanyang pisngi at niyuko siya. Naipikit ni Zoe ang mga mata at hinintay ang pagdantay ng mga labi nito sa kanyang mga labi.
Nginitian nila ang isa't isa nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Hinayaan ni Zoe ang sarili na maramdaman ang kaligayahan sa pagkakataon na iyon. Buong-buo na talaga ang araw niya.
Banayad na pinisil ni Hermi ang kanyang ilong bago umalis. She sighed dreamily.
"Parang sa mga napapanood ko sa TV."
Napalingon si Zoe kay Manang Rose. Mabilis ang pagkalat ng init sa kanyang leeg at buong mukha. Nakita nito ang "kissing scene" nila ni Hermi. Nakagat niya ang ibabang labi. It was ridiculous how it seemed like she was shy at that moment. She was not shy. Maraming kissing and intimate scene na siyang ginawa sa harap ng maraming tao. It had never bothered her before.
BINABASA MO ANG
Something Wonderful (Complete)
RomanceThey were two different people from what seemed to be two different worlds. Kumbinsido sina Zoe at Hermi na hindi sila ang laan para sa isa't isa. Pinagbigyan nila ang mga sarili sa isang gabi pero nagpasya na maghiwalay na nang landas pagkatapos. T...