"ABA, ABA… Sino'ng tinitingnan mo diyan, ha?"
Bahagyang napasinghap si Jundice nang marinig ang boses ng kaibigan niyang si Olga sa kanyang likuran. Nilingon niya ito at pinilit na ngumiti.
"W-wala. Napadaan lang naman ako dito sa gym. Papunta nasanaako ng library." Ibinalik niya ang tingin sa loob ng gym at sa mga basketball players doon. "Iniisip ko lang kasi na baka may magandang story akong makukuha para sa school paper."
"Asus!"
Sinundot siya sa tagiliran ni Olga. Matagal na niya itong kaibigan. Simula pa ata elementarya ay sila na lagi ang nagsasama sa school. Pareho kasi silang subsob kung mag-aral. Nerds, ika nga. Kahit sa school paper ay pareho rin silang writers doon.
"If I know, si Matt lang naman ang tinitingnan mo diyan," patuloy sa pang-aasar ni Olga.
Pinandilatan niya ito ng mata. "Tumigil ka nga! Baka may makarinig pa sayo."
Tumawa lang ito. "Bakit, kahit naman may makarinig sa akin, they won't mind it. Lahat naman talaga ng babae dito sa campus may gusto sa kanya."
"Hindi ako 'no!" Inismiran niya ito.
Lalo lang lumakas ang tawa nito. "Hay, kahit kailan talaga, 'pag lalaki na ang pinag-uusapan, napakailap mo. Natural lang naman magka-crush ah."
"Eh wala nga ako'ng gusto sa kanya."
Nagkibit lang ito ng balikat. "Fine. Hindi na kita kukulitin. But you know what?"
"Hindi."
"Bagay kayo!"
"Olga!"
"O sige na, sige na. Titigil na ako," tumatawa nitong sabi saka siya inakbayan. "Hali ka na nga. Punta na tayo ng library."
Bago tuluyang umalis ay nilingon pa muli ni Jundice ang gym. Partikular na ang lalaking tinutukoy ni Olga na si Matt Andrew Ricaforte. Sakto namang napatingin din ito sa kanila ni Olga at nagtama ang paningin nila. Mabilis na nagbaba siya ng tingin na para bang napaso.
Lihim siyang nagpasalamat na hindi iyon napansin ng kaibigan niya.
HALOS APAT NA TAON na ang nakalipas nang unang makita ni Jundice si Matt Andrew. Pagmamay-ari ng pamilya nito ang katabing hacienda ng Hacienda Torrevilla na pagmamay-ari naman nila Jundice. Sa Espanya lumaki si Matt kaya't hindi ito kilala dati ng babae.
Naglalakad siya noon sa malawak na lupain nilagayang lagi na niyang nakagawian tuwing gusto niyang mapag-isa at mag-isip-isip. Nang marating niya ang stone fence na naghahati sa hacienda nila sa kabilang hacienda ay huminto siya doon at naupo. Medyo elevated ang lugar na iyon at natatanaw niya ang pinyahan nila at iba pang bahagi ng hacienda.
Miyembro si Jundice ng pamilya Torrevilla na kilala sa buong San Joaquin. Sila ang may-ari ng Hacienda Torrevilla. Respetado sila sa buong komunidad. Ikatlong anak siya nina Don Reynaldo at Donya Lorieta. Sa lahat ng kanilang magkakapatid ay siya ang pinaka-responsable.
Walo silang magkakapatid. Ang panganay nila ay si Janica na ubod ng kapilyahan. Si Aurielle naman ay isang painter na mas gustuhin pang mag-isa kaysa makisalamuha sa ibang tao. Si Germaine ang pinakamalapit kay Jundice. Pangarap nitong maging isang sikat na manunulat.
Si Francesca ang sumunod na lately lang ay nagpapakita ng interest sa fashion. Si Deanna ang black sheep ng pamilya. Matagal kasi itong nasundan ng bunso nilang kambal na sina Alminah at Jamirah.
Lahat ng katiwala nila sa hacienda ay kay Jundice magaan ang loob dahil mabait siya at madaling pakisamahan. Minsan nga ay hinahatidan niya pa ang mga ito ng mga kung anu-anong meryenda na siya ang gumawa. Kaya naman napamahal ang mga ito sa kanya.