HUMUGOT MUNA ng malalim na hininga si Jundice saka nilingon ang katabing si Matt na nasa driver's seat ng sasakyan.
"I-ingat ka."
Parang ayaw niya pang bumaba ng kotse. Nasa driveway na sila ng mansion ng mga Torrevilla at alam niyang naghihintay na sa kanya sa loob ang mga kapatid niya at iilang mga kaibigan.
She was wearing a simple yellow dress. Ang maalon niyang buhok ay nakapusod pero may iilang mga hibla ng buhok na nakabagsak. Sayang lang at hindi si Matt ang ka-date niya ng gabing iyon.
It was her bridal shower. Alam niyang dapat niyang i-enjoy ang gabing iyon dahil malapit na niyang iwan ang kanyang pagkadalaga, pero hindi maalis sa isip niya na Bachelor's party din iyon ni Matt with his friends. Sa isang hotel nila iyon gaganapin.
She blamed all the movies she watched na kung saan tuwing may bachelor's party, nireregaluhan ang lalaki ng mga kaibigan niya ng babae. Ilalagay sa isang malaking box at kung bubuksan ay bigla nalang bubulaga ang sumasayaw na naka two-piece na babae.
She shivered at the thought.
"Have fun, Jundice." Matt leaned over to kiss her cheek. "I love you."
"I-I love you. Ikaw din, enjoy your party."
Napangiti ito sa nakikitang pag-aalala sa mukha niya. "I'll behave. Promise."
Tumango lang siya at saka umibis na ng sasakyan. Agad siyang sinalubong ng tatlo sa mga kapatid niya. Si Janica, Francesca, at si Aurielle na galing pa ng Manila.
"They're upstairs na. Come." Nauna na si Aurielle papunta sa Family room nila na kung saan andoon na raw ang ibang kaibigan ni Jundice.
It was just a small party. Tatlo lang sa mga kapatid niya at apat sa mga kaibigan ang andoon. Hindi sumali si Deanna at ang kambal naman nilang kapatid ay masyado pang bata para dito.
Masayang sinalubong siya ng yakap ni Olga.
"Friend! Na-miss kita," sabi nito. "Ikaw ah, pabigla-bigla ka nalang. Una, bigla kang nagdesisyong pumunta ng Manila. Tapos ngayon, binigla mo nalang kami na ikakasal ka na pala kay Matt Andrew! Sabi ko na nga ba eh. You two were meant for each other. Kaya kahit nagmakaawa na sa akin si Matt noon na tanggapin ko ang pag-ibig niya, binasted ko siya para sayo. Alam mo naman ako, martyr. I had to give way for my best friend."
Natatawang niyakap niya ulit ang kaibigan. "Ikaw talaga, na-miss ko 'yang pagka-baliw mo."
"Hoy, balitaan mo naman ako ano na nangyayari sa inyo ni Matt. Baka gulatin mo na naman kami sa kung anu-anong balita eh. Maganda na iyong ikaw mismo magkwento. Go!"
"Oo nga, Jundice. Bakit bigla nalang kayo magpapakasal ni Matt?" Segunda naman ni Mina, kasamahan nila noon sa school paper.
Bukod sa pamilya nila at iilang malalapit at makapagkakatiwalaang kaibigan ay wala nang nakakaalam ng tunay na dahilan kung bakit magpapakasal si Jundice kay Matt. Napagdesisyunan nilang makabubuti sa lahat kung huwag na lamang iyon ipagsabi.
"Buntis ka ba?" Si Olga ulit.
"Ano?!" Pinandilatan niya ito ng mata. "Hindi 'no."
Pinag-krus nito ang mga kamay. "Hmm… maganda na iyong nagkakalinawan tayo."
"Tama na 'yang mga tsismis na 'yan," putol ni Janica sa pag-uusap nila na lihim namang ipinagpasalamat ni Jundice. "Bakit hindi na natin ibigay kay Jundice ang mga regalo natin at nang mabuksan na niya isa-isa? Saan na 'yong camera? Picture-an niyo. Let's see kung kaninong regalo siya magba-blush ng husto!"