15

94 10 0
                                    

Sa tahanan ng Gobernador-Heneral ay maririnig ang pagsisigaw ng asawa nitong babae dahil sa pagkakamali ng mga alipin nitong taga-silbi.

"Stupido! Stupida! Palibhasa mga walang pinag-aralan!" Galit na saad ng may bahay ng Gobernador-Heneral, nakapamaywangan pa ito habang ang isang kamay ay tangan ang isang pamaypay na de tiklop at gamit iyon ay pinagduduro nito ang mga kawawang alipin.

Nakasama kasi sa mga sinunog nitong papel ang isang liham na mula pa sa España, kaya gan'un na lamang ang galit ng ni Señora Crisanta sa mga ito.

Ang liham ay mula sa kaniyang kapatid na ngayon ay nakatira sa bansang España, isa itong manlalakbay at ngayon kakauwi pa lamang mula sa ekspedisyon nito.

Inaabangan ng Señora ang mga kuwento at masayang paglalakabay ng kaniyang kapatid. Ngunit ngayon ay hindi na niya mababasa pa ang nilalaman ng liham na iyon.

"Paumanhin po, Señora Crisanta." Paulit-ulit na hingi nang tawad ng Punong mayordoma sa ginang.

"Paumanhin?! Hindi sapat ang isang paumanhin, ang dapat sa inyo parusahan!" Halos lumabas ang litid sa leeg ng ginang dahil sa sobrang galit.

Halos halikan ng mga alipin sa paa ang ginang para magmakaawa ngunit pinagtatadyakan nito ang mga pobre.

"Jose! Jose!" Tawag ng ginang sa isa sa mga katiwala nito.

Hindi magkandatuto ang lalaking nagngangalang Jose, payat ito at medyo may katandaan na. Agad na lumapit ito sa ginang.

"Ano ba ang iyong ginagawa? Ikaw ba ay bingi na?" Galit na saad ng ginang dito.

"Paumanhin po—" Bungad agad ni Jose pero mabilis na pinutol ng ginang ang dapat na sasabihin nito.

"Utang na loob! Paumanhin na naman! Pare-pareho kayong mga tonto! Ikaw at ang mga indiong ito, magkakasama kayong hindi kakain, naintindahan?" Anang matapobreng ginang.

Magsasalita pa sana ang kawawang si Jose ngunit biglang bumukas ang pinto at iniluwa ang panganay na anak ng mga Obrigar.

Mabilis na ikinumpas ng ginang ang kaniyang kamay upang paalisin na ang mga alipin na nakaluhod kanina sa kaniyang harapan sapagkat ayaw nitong makita ng anak ang presensya ng mga indio. Kaya mabilis naman tumugon ang mga ito, pinalabas na ni Jose ang mga alipin at sa labas ng pamamahay ay nagmistulang si Jose naman ang naging amo dahil kung pagalitan nito ang mga alipin ay parang siya ang nagpapakain sa mga ito.

Habang sa loob naman ng tahanan ay nagmistulang mabait na tupa ang ginang sa harap ng kaniyang anak.

Biglang nawala ang galit sa mukha ng ginang at agad na bumalatay ang saya sa mukha nito nang salubungin ang anak na lalaki.

"Quentino, hijo bakit hindi ka man lang nagpadala ng sulat na uuwi ka? 'Di sinsana'y nasundo kita." Magiliw na saad ng ginang.

Isang ngiti naman ang naging tugon ng anak sa kaniyang ina.

Tinanggal ni Quentino ang kaniyang suot na sumbrero at niyakap ang ina.

"Aking sinadya na hindi magpadala ng sulat sapagkat nais ko kayong sorpresahin." Agad na kumalas si Quentino sa kaniyang ina nang makita ang nakababatang kapatid na babae na nagngangalang Violeta na tumatakbo papunta sa direksyon nila.

Si Violeta ay siyam na taong gulang at bunsong anak, palibhasa'y anak ng mga principalia kaya gan'un na lang kung sundin ang luho nito.

Agad na niyakap ni Quentino ang kapatid at kinarga ito.

"Kumusta na ang munting anghel ng aming tahanan?" Masayang saad ni Quentino.

Ngunit sumimangot lamang kapatid nito.

DelinquenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon