19

82 10 0
                                    

Pagkatapos ng kaniyang pagtatanghal ay isang masigabong palakpakan ang kaniyang natanggap, lihim na nakaramdam nang saya si Mina, parang ibinalik siya sa panahon kung saan nakikita niyang natutuwa ang mga taong nakakarinig sa kaniyang pag-awit.

Kita niya ang saya sa mga mata nina Donya Minang at Don Yago, ganitong-ganito rin ang kaniyang totoong mga magulang kaya hindi niya maipagkakaila na namimissed na niya ang mga ito.

Gustong-gustong na niyang makabalik sa hinaharap, hindi lang siya makahanap ng tiyempo para makaalis sa Hacienda Estevez. Gusto sana niyang libutin ang Santa Elena upang maghanap ng mga taong puwedeng tumulong sa kaniya ngunit paano niya magagawa iyon kung bantay-sarado siya ng mga tauhan ni Don Yago.

Kaya naman nakaisip na siya nang paraan kung paano makakaalis sa Hacienda Estevez ng walang kahirap-hirap at 'yun ay kailangan niyang . . . Makipagkaibigan.

Papayagan lang siya makalabas kung may bibisitahin o dadalawin siyang mga kaibigan.

At sakto naman pagkatapos niyang magtanghal ay biglang lumapit sa kaniya ang panganay na anak ni Pablo Percival, si Lucio Percival. Binati siya nito at pinuri, tanging ngiti at pasasalamat lang ang naging tugon niya dahil nilapitan agad sila ni Don Yago. Kinausap ng don ng sarilinan ang binata kaya naiwan siya sa gitna na pinagpipyestahan ng iba pang mga bisita.

Nang matapos ang kanilang pagtatanghal ay pinuri sila ng asawa ng gobernador-heneral, wala naman mapadsidlan nang tuwa si Ginang Luisa/ Donya Isang at tila pumapalakpak pa ang mga tainga nito dahil hindi matapos-tapos ang papuri nito sa kanila.

Matapos ang pagtatanghal ay nagtipon-tipon na ang matatandang kalalakihan sa isang silid, gan'un din ang mga esposa ng mga ito ay nagtipon na rin sa ibang silid samantalang silang mga kadalagahan ay naiwan sa malawak na sala kasama ang anak ng iba pang bisita.

Sa labas naman kung nasaan ang mga kabinataan ay nag-uusap at nagpapayabangan tungkol sa mga lugar na narating, mga babaeng nakahalubilo, sa mga kursong tinapos, kung saang unibersidad nagtapos, kung saang angkan mga nagmula, at higit sa lahat pinag-uusap ng mga ito ang mga binibini na napupusuan nito na kasama ni Felomina sa loob ng tahanan ng mga Percival.

Samantalang sa loob ay inip na inip na si Mina, wala siyang makausap dahil hindi naman siya malapit sa mga ito. Habang ang iba ay nakikihalubilo sa kani-kaniyang mga kakilala at masayang nakikipagusap sa mga ito, siya naman nagbubutas ng silya at panay lang ang paypay niya sa sarili dahil init na init na siya sa suot na baro't saya.

Sa mga oras na ito ay kating-kati na siyang kuhanin ang cellphone na nakatali sa kaniyang kanang hita para naman kahit papaano ay may magawa siya hindi 'yung para siyang palamuti lang sa gilid na malapit nang ugatan.

Alam niyang walang magkakamaling lumapit sa kaniya na kapwa dalaga na naroroon para magpakilala at makipagkaibigan dahil sigurado siyang siniraan na siya ng kaniyang mga kaklase sa mga ito.

Hanggang sa napansin niya na wala rin lumalapit para makipagusap sa binibining sinasabi ng iba na asawa raw ng anak ng gobernador-heneral. Alam niyang bata pa ito malaking bulas lang, pero hindi pahuhuli ang kagandahan nito sa mga binibining kasama nila. Nakaupo ito sa silya na nasa bandang kanan niya at ilang dipa lang ang layo nito sa kaniya.

Halata niya na hindi rin ito mapakali sa presensya ng mga taong naririto. Maga-alas nueve na ng gabi at nakatunganga lang siya, panis na panis na ang laway niya at sigurado siyang masakit na rin ang mga binti ni Saleng na ilang oras nang nakatayo sa kaniyang likuran habang tangan nito ang gitara na ginamit niya kanina.

At isa pa, kailangan niyang maisakatuparan ang mga plano niya kaya naman wala siyang pagpipilian kundi lunukin ang kaniyang dignidad o pride. Kailangan niyang makipagkaibigan sa isa mga binibini na naririto pero . . . Pero isa lang ang nakikita niyang may potensyal na maging kaibigan at 'yun ay walang iba kundi ang asawa ng anak ng gobernador-heneral.

DelinquenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon