11: Sora

125 16 6
                                    

Tumigil si Sora sa tapat ng gate ng DLTU at tiningnan ang cellphone niya. Sampung minuto na siyang late sa usapan nila ni Azure pero mukhang wala pa ang naturang vlogger. Agad na nag-text si Sora kay Azure para ipaalam dito na nasa gate na siya. Mabilis naman ang reply ni Azure na papunta na daw siya.


Ilang minuto ang nakalipas at patakbong dumating si Azure sa gate. Maliban sa nakasanayang makeup sa mukha, nakasuot ito ng simpleng black t-shirt na may print ng Ancient League character na si Archer. Naka-jeans lang din siya at simpleng rubber shoes. Kahit simple lang ang damit nito ay hindi maiwasan magandahan ni Sora sa dalaga.

"San mo nakuha yang t-shirt na yan?" Tanong ni Sora, hindi inaasahan na may AL merchandise ang dalaga.

"Binili ko 'to nung pumayag ka makipag-collab sa akin." Hinihingal na sagot ni Azure. "Sorry, kanina ka pa ba naghihintay?"

"Hindi naman," nakangiting sagot ng player. "Hinga ka muna."

Humingang malalim si Azure at saka umayos ng tayo. "Tara?"

Pinagmasdan ni Sora si Azure. Hinahabol pa rin nito ang hininga niya at may namumuong pawis na sa noo nito. Pinigilan ni Sora ang sarili na punasan ang dalaga kaya't nilabas na lang niya ang panyo niya at inabot ito sa kanya.

"Pinagpapawisan ka na."

Napatigil si Azure sa alok bago napangiti ng malaki. "Ay, hindi na! May sarili akong panyo!"

Binuksan niya ang bag niya at mabilisang hinanap yung panyo niya para ipakita ito kay Sora at gamitin sa noo niya.

Hindi pinakita ni Sora ang onting dismaya niya sa pagtanggi ng dalaga. Ibinulsa na lang niya ang panyo niya. "Tara na?"

Tumango si Azure.

Naglakad ang dalawa papuntang dorm ni Sora na hindi nalalayo sa school nila. Limang palapag ang dormitory building nila Sora at sa fourth at fifth floors naka-assign ang eSports players. Sa pagpasok nila ng lobby ng dormitory ay nakasalubong nila ang team ng City Defenders na masama ang tingin sa kanila. Pinili na lang ni Sora na huwag pansinin ang mga ito at inakay si Azure sa stairs.

"Oy, pre, si Azure!" Narinig ni Sora ang isang boses ng lalaki sa ikaapat na palapag.

Napalingon si Sora kay Azure para tingnan kung paano ito magre-react sa nakakilala sa kanya. Pero humingang malalim lang si Azure at ngumiti sa lalaki.

"Pwedeng pa-picture kami?" Tanong nung lalaki.

"I'm sorry guys, gagawa kasi kaming project ni Sora. Next time na lang?"

"Sige, next time ah!"

Masama ang tingin ng mga lalaki kay Sora at nakilala niya ang mga ito na miyembro ng Puppet Masters team. Umiwas na lamang siya sa tingin ng mga ito at nagpatuloy na lang sa pagakyat ng hagdan.

Nang tumigil sila Sora sa tapat ng unit niya, napatingin siya kay Azure. "Sorry in advance kung magulo yung kwarto ko. I tried to clean up pero madami kasi akong gamit."

"Sus, okay lang. Mas malala pa siguro yung condo ko sa dami ng damit kong nakakalat." Pag-assure ni Azure.

Pagkabukas ni Sora ng pinto ay pumasok siya sa loob at hinintay na sumunod si Azure pero napatigil lang siya sa may pintuan, manghang tinitingnan ang kapaligiran niya. Nakaramdam ng hiya si Sora kaya't agad niyang kinuha ang ilang papel sa desk niya na hindi niya pa naaayos.

"Sorry kung makalat."

"Anong kalat?" Pumasok na ng kwarto si Azure at ngiting ngiti ito. "Ang linis at ang ganda ng kwarto mo! Bakit hindi ka gumagawa ng room tour video?"

PeripheralsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon