Nagsitayuan ang mga tao para hanapin ang grupo nila. Napakamot na lamang ng ulo si Sora at lumapit sa lifestyle vlogger na si Azure Reva Vega.
"Group three?" Matamis ang ngiti ni Azure kay Sora.
Tumango si Sora at naupo sa bakanteng pwesto isang upuan ang layo kay Azure. Hindi malaman ni Sora kung anong problema pero hindi niya gusto si Azure. Mukha itong maarte kahit na ang simple lang ng suot nito ngayong araw.
Hindi katulad noong unang araw ng klase ay naka simpleng t-shirt, jeans at snickers lang si Azure. Wala rin ito masyadong makeup sa mukha. Napaisip tuloy si Sora kung alin ang normal na pananamit ni Azure. Nag-ayos lang ba ito nung isang araw dahil unang araw ng klase o simple lang ang suot niya ngayon dahil tinatamad siyang mag-ayos?
"Azure!" May isang babae na lumapit kay Azure at nakipag-apir dito. Mukhang magkakilala ang dalawa. Naupo yung babaae sa pagitan nila ni Azure.
Dumating na rin ang ibang kagrupo ni Sora at bumuo sila ng bilog para pagusapan ang project nila.
"Lapit dito ang mga group leader!" Tawag ng professor nila sa harapan.
Tahimik lang si Sora habang nagtuturuan ang mga kagrupo niya. Karamihan sa kanila ay parang gustong si Azure na lang ang maging leader pero tumatanggi naman si Azure kasi busy daw ito masyado para maging leader. Medyo irita pa si Sora sa troll na nakasalamuha niya kaninang umaga kaya't siya na ang lumapit sa professor nila para kausapin ito. Walang mangyayari sa grupo nila kung maghihintayan lang sila.
Nagbigay ng instructions ang professor nila at pinagawa sila ng listahan ng group members nila. Sumunod naman agad ang mga leader at nang makuha ang listahan ng lahat ng grupo ay nagpaalam na ang guro at ipinaubaya sa klase ang oras para pagusapan ang project nila.
Hinarap ni Sora ang groupmates niya at inisip kung paano hahatiin ang mga dapat gawin. Hindi niya kilala ang mga ito kaya't hindi rin siya sigurado kung ano ang mga kakayahan nila na pwede niya gamitin.
"Magpakilala na muna tayo sa isa't isa?" Nginitian ni Sora ang grupo niya. "Okay lang ba kung sabihin niyo na rin kung anong hobbies or skills niyo?" Tumango ang lahat kaya't nauna na ang leader magpakilala. "Ako si Sora Santander ng eSports department. Second year na ako. Mahilig ako sa games, online man yan, board games man or oldschool taya-tayaan pa."
"Anong favorite game mo na hindi online?" Tanong ni Azure.
Pilit ang ngiti ni Sora sa vlogger. "Chess siguro."
Tumango ito kaya't ipinasa na ni Sora ang tanong dito. "Introduce yourself?"
Ubod ng tamis ang ngiti na iginawad ni Azure sa grupo. Napaisip tuloy si Sora na sanay na sanay sa atensyon ang vlogger. "My name is Azure Reva Vega but you can call me Azure. Film major, second year kapag may pasok at Youtuber kapag walang klase." Nagawa pa nitong kumindat kaya't lalong nairita si Sora, pero hindi niya iyon ipinahalata sa grupo. "Mahilig akong mag-edit ng sound at video recordings!"
"Ikaw nage-edit ng videos mo?" Tanong ng singkit na lalaking kagrupo nila.
"Yep! Ikaw naman?"
Napakamot ng ulo ang lalaki. "Ako si Oliver Chan. Third year na ako. Business ad saka mahilig ako mag-drawing."
Business ad ka pala, bakit di ikaw ang nag-leader? Naiiritang isip ni Sora. Hindi naman sa hindi niya kaya maging leader pero mas gugustuhin niyang maging member na lang. Ayaw niyang nag-iisip ng paraan kung paano magtutulong-tulong ang grupo sa pag-gawa ng project at mas ayaw niyang maghanap at magtawag ng mga pasaway na kagrupo.
BINABASA MO ANG
Peripherals
Storie d'amoreA GirlxGirl story. Si Sora Santander ay kabilang sa eSports program ng De La Torre University samantalang si Azure Vega naman ay kilalang lifestyle vlogger sa Youtube. Pareho silang nasa pangalawang taon na ng kolehiyo pero ngayon lang sila naging...