Pagkatapos bumili ng pagkain ay naupo si Azure at Sora sa isang lamesa malayo sa ibang estudyanteng kumakain sa canteen. Bagamat kilala ang dalawa sa eskwelahan, ayaw ni Azure na may ibang makarinig sa pinaplano nilang collaboration.
"Maraming salamat sa libre," ngiti ni Sora pagkaupo nila. Sa sobrang tingkad ng pagkapula ng buhok niya ay naikumpara na ito ni Azure sa nagliliyab na apoy.
"It's the least that I can do to thank you," sagot ni Azure. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung mag-isa lang ako kanina."
Pagkatapos ng panggugulo ng H5, gusto na lang ni Azure na hindi makita pa muli ang grupo. Kung pupwede nga lang ay sana ireport nila ang grupo sa dean's office para magkaroon ng sanction ang mga ito. Pero alam din ni Azure na kapag nakarating sa office ang nangyari, maaaring atakihin sila ng grupo online at magsimula ng iskandalo na lalong magpapasakit sa ulo niya.
"Pag ginulo ka nila ulit, lumaban ka." Payo ng gamer habang hinihimay yung fried chicken sa plato niya. "Tapos pag may pinost silang video na kasama ka at walang consent mo, ask Youtube to take it down."
"Ayoko lang makasali sa kung anong scandal nila. Sakit sa ulo."
Parehong fried chicken ang inorder ng dalawa pero natutuwa si Azure sa pagkakaiba nila sa pagkain. Habang paunti-unti ang kuha ni Azure ng chicken at matipid siya sa gravy, si Sora naman ay hinimay muna ang chicken niya, ibinuhos ang gravy sa kanin at saka lang nagsimulang kumain.
"Kumusta pala yung out of town trip niyo?" Tanong ni Sora.
Napangiti si Azure sa pagiiba ng topic ng gamer. Ayaw na niyang alalahanin yung nangyari. "Okay naman. Ang dami naming footage na nakuha kaya matatagalan siguro ako sa page-edit."
"Ikaw lang mage-edit?"
Tumango si Azure at saka nilunok yung pagkain sa bibig niya bago sumagot. "Pag may collaboration kami ng Pilmers ako na ang nage-edit kasi bara-bara sila gumawa minsan."
"You sound like a control freak."
"Hindi naman." Depensa ni Azure. "Pero sa aming apat kasi, ako lang yung may planong pumasok ng film production kaya sinisigurado kong maganda lahat ng video na pinopost ko sa channel ko. As long as the internet exists, my uploads will be there forever."
"Film production? Gusto mong maging director?"
"Oo," proud na sagot ng vlogger.
"Di ba director ang parents mo?"
"Director and producer, depende sa project." Impressed na sagot ni Azure. "Mukhang nag-research ka nga tungkol sa akin ah?"
"Unfair naman kung ikaw lang ang pwede mag-Google sa akin,"
Habang kumakain sila, napansin ni Azure na malalaki ang subo ni Sora at saglit lang ang pagnguya nito bago lumunok. Kahit na nauna siyang kumain, mabilis na naubos ni Sora ang pagkain niya.
"Nagmamadali ka ba?"
Umiling si Sora at uminom ng juice. "Mabilis lang talaga ako kumain. Sorry."
Dinalian ni Azure ang pagkain dahil inilabas na ni Sora ang envelop ng proposals niya.
"Wag ka magmadali. Babasahin ko lang 'tong gawa mo." Mungkahi ng gamer at inilapit kay Azure ang juice niya. "Baka mabilaukan ka."
"Okay,"
Hindi na nagmadali si Azure at pinanuod ang redhead na basahin yung proposals niya. Napangiti si Azure dahil napansin niyang nagre-react si Sora sa binabasa niya. Tumatango ito 'pag napapabilib sa binabasa at kumukunot ang noo kapag may hindi nagugustuhan.

BINABASA MO ANG
Peripherals
RomanceA GirlxGirl story. Si Sora Santander ay kabilang sa eSports program ng De La Torre University samantalang si Azure Vega naman ay kilalang lifestyle vlogger sa Youtube. Pareho silang nasa pangalawang taon na ng kolehiyo pero ngayon lang sila naging...