"Perfect," bulong ko sa aking sarili matapos kong pindutin and shutter button ng digital cam ko. Nandito ako ngayon sa rooftop ng bahay namin, kada hapon ay rito ako pumupunta para masaksihan ang paglubog ng araw.
Kinunan ko ng litrato ang napakagandang sunset na nasa harapan ko ngayon. Summer na naman, ito ang lagi kong hinihintay kada taon.
Ito kasi ang panahon na bukod sa walang pasok ay namamasyal kami ng parents ko sa lolo at lola ko sa probinsiya.
"Sunny!"
Narinig ko ang malakas na sigaw ni Mama kaya dali-dali akong bumaba sa hagdan na nasa gilid. Nakadugtong ito sa garahe ng bahay kung saan ko naabutan si Papa na nagkukumpuni na naman ng van.
"Oh, Papa, sira na naman po 'yan? Bili na po kaya tayo ng bago."
"Pwede pa naman 'to 'nak. Konting ayos lang, at saka wala pa tayong budget na pambili ng bago. Nag-iipon ako para sa pangkolehiyo mo," saad ni Papa at sabay ngiti ng tipid.
"Sunny!"
Muli ko na namang narinig ang tawag ni Mama mula sa loob ng bahay. Nagkatinginan kami ni Papa at saka siya napailing.
"Sige na, pumasok ka na roon at galit na ang mama mo."
Pagpasok ko sa loob ay dumiretso ako sa kusina kung saan naabutan ko si Mama na nagluluto ng hapunan. Nilanghap ko ang bango ng adobong niluluto niya.
"Oh, bumili ka ng paminta at betsin. Bayaran mo na rin 'yong utang kong delata kahapon." Nag-abot siya ng singkwenta pesos.
Nilakad ko lamang ang distansya ng bahay namin at ng tindahan ni Ate Nita. Tumatalbog ang mahaba at alon-alon kong buhok sa paglakad ko. Naaamoy ko na ang usok na nagmumula sa ihawan na katapat lang ng tindahan ni Ate Nita.
"Pabili po!" Sa unang tawag ko pa lamang ay dumating na agad si Ate Nita na nakabalot pa ang buhok sa tuwalya kaya naman nahinuha kong bagong ligo siya.
"Paminta po saka betsin, at saka pakibawas na rin po 'yong utang ni Mama na delata," wika ko bago iabot ang pera.
"College ka na sa pasukan 'di ba?" tanong niya habang naghahanap ng sukli sa arinola.
"Opo."
"Anong kurso mo?"
"Hindi ko pa po alam, Ate. Baka po Education o Tourism."
"Aba, Sunny Hilario mag-isip-isip ka na. Sa edad mong 'yan dapat may plano ka na sa buhay mo hindi 'yong hanggang ngayon ay binobola mo pa rin." Inabot n'ya sa akin ang isang sachet ng betsin at paminta pagkatapos n'ya itong sabihin.
"Baka po kasi hindi kayanin kapag nag-tourism ako. Eh, sakto lang po 'yong kinikita ni Papa sa pagda-drive tapos si Mama naman po hindi naman gano'n kalakas ang benta sa pagtitinda ng ulam."
Habang nag-uusap kami ay may dumating na isang matangkad na binata. Nanuot sa pang-amoy ko ang pabango niya. Pagtingin ko sa kan'ya ay napaawang ang labi ko, nasa langit na ba 'ko?
"Can I have one point five of Coca Cola?" tanong ni Kuya.
Ay, englishero.
Habang pinagmamasdan ko ang matangos niyang ilong, singkit na mga mata, at perpektong jawline, bigla siyang napalingon sa direksyon ko kaya naman nag-iwas agad ako ng tingin.
Nang makuha na niya ang binili ay agad naman siyang umalis. Sinundan ko pa siya ng tingin bago ko harapin si Ate Nita.
"A-Ate, sino 'yon?"
"Ah, 'yong gwapong binata na 'yon ba? Hindi ko alam ang pangalan, eh. Pamangkin ni Margaret, nagbabakasyon ata riyan sa kanila," sagot naman ni Ate Nita.
Napatango-tango ako. Napansin ko naman na tila nagulat si Ate Nita nang may mapagtanto.
"Naku! Ay nakalimutan niya ang sukli. Ikaw kasi dinaldal mo na 'ko nang dinaldal! Pwede bang pakisuyo? Ihabol mo nga sa kan'ya ito."
"Sige po." Agad kong kinuha ang pera at mabilis na tumakbo upang habulin si Kuyang mabango. Mabuti na lang at natatanaw ko pa siya sa 'di kalayuan.
"Kuya! Wait!"
Bigla siyang tumigil sa paglalakad at dahil mabilis ang takbo ko, bumangga ako sa matigas niyang likod na mabuti na lang ay hindi niya kinatumba.
"Aray," daing ko habang hinihimas ang ilong. Grabe, kung retokada lang ako siguradong tabingi na 'tong ilong ko. Bakit ba kasi bigla na lang siyang tumigil?
"What do you want?" tanong niya nang makaharap siya sa akin.
"Iniwan mo 'yong sukli mo." Pinakita ko naman sa kan'ya ang palad ko kung saan naroon ang pera.
Tumingin siya roon at kunot-noong binalik ang tingin sa akin.
"What?"
Hala, English speaking nga pala siya.
"Ahh, y-you left your sukli. Ah, teka ano ba. Change! Yeah, you left your change."
Nagpakawala siya ng buntong-hininga bago kuhanin ang pera. Kaagad ko namang hinawakan ang kamay niya, napakalambot. Halatang hindi pinagtatrabaho sa kanila.
Pilit niyang hinihila ang kamay niya ngunit ewan ko ba kung bakit ayaw ko itong pakawalan. Kaya heto at para kaming naglalaro ng tug of war. Ngunit dahil mas malakas siya sa akin ay nabawi niya ang kamay niya at tiningnan niya ako nang masama.
Ngumiti naman ako at filinex ang complete set ng ngipin ko.
"I'm Sunny," pakilala ko.
Hinintay ko ang sagot niya ngunit imbis na magpakilala ay tinalikuran niya ako at nagpatuloy siya sa paglalakad. Syempre sumunod naman ako sa kan'ya. Ang haba ng hita niya, isang hakbang niya yata ay dalawang hakbang sa akin kaya halos tumatakbo na rin ako.
"What's your name?" tanong ko sa kabila ng hingal. "Uy, pansinin mo naman ako!"
Tumigil siya sa paglalakad at naiinis na humarap sa akin. Ang makapal niyang kilay ay halos magdugsong na dahil sa kunot ng noo niya. Grabe, napakamainitin naman ng ulo nito.
"Stop following me! Get lost!"
Nagpamewang ako.
"Excuse me, I'm not following you 'no. That's our house." Tinuro ko ang bahay namin na katapat lang ng bahay nila Ate Margaret.
"I'm just asking your name lang naman, you're super masungit na agad. Gwapo ka pa mandin pero nagmumukha kang character sa roblox kapag kumukonot 'yang noo mo!"
Mabuti na lang at hindi siya nakakaintindi ng tagalog kaya malakas ang loob kong sabihin 'yong mga huli kong sinabi. Bumukas ang gate ng bahay nila Ate Margaret at sabay kaming napatingin doon.
"Philip, ano pang ginagawa mo riyan? Pumasok ka na nang makakain na," wika ni Ate Marga na may hawak pang sandok.
"Opo, ano po bang niluto n'yo?"
Nalaglag ang panga ko nang sumagot siya. Teka, nakakaintindi siya ng tagalog?!
"Paksiw na bangus. Pumasok ka na rito." Nang mapansin ako ni Ate Margaret ay ngumiti siya sa akin.
"Oh, Sunny, ikaw pala. Magkakilala na ba kayo nitong pamangkin ko?" Inakbayan pa niya ang binata na mukhang hindi naman interesado.
Hindi ako makatingin sa kan'ya. Nagalit kaya siya sa sinabi ko? Imbis na sumagot ay kumaripas ako ng takbo papasok sa bahay namin. Nilapag ko ang betsin at paminta sa lamesa sa kusina kasama ang sukli at dumiretso ako sa kwarto.
Sinubsob ko ang mukha ko sa unan.
Nakakahiya!
"Bwisit, bwisit!"
Sumandal ako sa headboard ng kama at niyakap ang unan ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit bigla na lang akong ngumiti at parang baliw na nagpagulong-gulong sa kama.
Natulala na lang ako sa kisame.
"Shet, ang gwapo niya."
BINABASA MO ANG
Every Summertime
Teen FictionSummer ang paboritong panahon ni Sunny. Isa siyang masiyahing babae na mahilig kumuha ng mga litrato lalo na kapag sunset. Nakilala niya ang masungit na binatang si Philip na nagbabakasyon sa tita nito na kapitbahay lamang nila tuwing bakasyon. Tuw...