Tinulak ako ni Pepot ngunit mabuti na lang at nasalo ako ni Keifer. Nagsimula na ring magkumpulan ang mga tao sa paligid namin. Masama 'to, naaamoy kong magkakagulo.
"At sino ka naman, ha?" Lumapit si Pepot kay Philip na prente lang na nakatayo.
"Why did you slap her? You even try to molest her," saad niya sa kalmadong tono.
Ngumisi si Pepot at nagulat ako nang bigla niyang kutusan si Philip sa ulo.
"'Wag mo nga akong englishin. Akala mo kinagwapo mo 'yan? Ulol!" Inulit niya ang ginagawa at mayamaya ay hinampas na niya ang ulo nito.
"Pepot, tigilan mo nga siya!" sigaw ko ngunit hindi ito nakikinig.
"Ano, ha? Bakit hindi ka makasagot?" Muli niya ito hinampas sa ulo.
"Duwag ka pala, eh."
Natutop ko ang bibig ko nang suntukin niya si Philip. Bumagsak si Philip sa simento at sinapo ang labi na pumutok dahil doon.
"Hoy! 'Wag mong sinasaktan ang pinsan ko!" Sa wakas at naisipan ni Keifer na lumapit kay Pepot at agad niya itong sinikmuraan.
Payat lang si Pepot kaya mas hamak na mas malaki si Keifer sa kan'ya kaya mabilis niya lang itong napabagsak.
"Philip!" Tumakbo ako sa kan'ya at tinulungan siyang bumangon.
"Hindi pa tayo tapos!" saad ni Pepot bago ito kumaripas ng takbo.
Ngumisi si Keifer. "Puro yabang lang pala."
"Ayos ka lang ba? Patingin nga." Akma kong ihaharap ang mukha ni Philip sa akin nang hawiin niya ang kamay ko.
"Don't touch me!" Tumayo siya at walang pasabing umalis at tinulak ang ibang mga taong nakaharang sa daan.
Hindi ko na tinangkang habulin siya kasi baka lalo lang siyang magalit. Gusto ko sanang gamutin ang sugat niya. Nasaktan siya dahil sa 'kin.
**
Kinabukasan, inutusan ako ni Mama na mamalengke para sa lulutuin niya mamaya. Dala ang bayong, kasalukuyan ako ngayong naglalakad sa tahimik na kalsada ng barangay namin.
Iniisip ko pa rin 'yong nangyari kahapon kay Philip. Napagalitan kaya s'ya ni Ate Margaret? Sana naman ay nagamot na ang mga sugat niya.
Napatigil ako sa paghakbang nang mapatapat ako sa maliit na simbahan ng bayan. Naningkit ang mga mata ko nang may mapansin akong pigura ng lalaki mula sa loob.
"Teka, si Philip ba 'yon?" tanong ko sa aking sarili.
Upang makumpirma, pinasok ko ang bukas na pintuan ng simbahan. Habang papalapit ako nang papalapit ay tama nga ang hinala ko.
Si Philip nga!
"Ehem," tikhim ko upang makuha ang atensyon n'ya.
Hindi naman ako nabigo dahil napalingon siya sa direksyon ko. Umupo ako sa tabi niya at hindi naman siya umangal sa ginawa ko.
"Why are you here?" tanong niya sa mababang tono.
Hindi ko maramdaman na galit siya o 'di kaya ay naiinis. Siguro hindi na mainit ang ulo niya.
"Napadaan lang. Ikaw? Anong pinagpe-pray mo at parang napakaseryoso mo riyan?"
Sandali siyang natahimik. Mayamaya ay nagpakawala siya ng buntong-hininga bago tumingala.
"The same old prayer." Pinagdaop niya ang kan'yang mga palad.
Napangiti naman ako dahil doon.
"Alam mo, kapag malungkot ako, pinagdadasal ko na sana kinabukasan wala na lahat ng sakit. Tapos paggising ko the next day parang magic na lumuluwag ang pakiramdam ko," wika ko.
BINABASA MO ANG
Every Summertime
Teen FictionSummer ang paboritong panahon ni Sunny. Isa siyang masiyahing babae na mahilig kumuha ng mga litrato lalo na kapag sunset. Nakilala niya ang masungit na binatang si Philip na nagbabakasyon sa tita nito na kapitbahay lamang nila tuwing bakasyon. Tuw...