Sunny's POV
Kumakain kami ngayon ng hapunan sa hapag. Ganado ako dahil nagluto si Mama ng paborito kong pinakbet. Kahit kailan talaga ay hindi ako magsasawa sa luto niya.
"Sunny, pagkatapos mo riyan ay dalhan mo sina Ate Margaret mo ng ulam. Dagdagan mo na, balita ko kasi ay umuwi riyan ang pamangkin niyang taga-Maynila," saad ni Mama.
Napatigil ako sa akmang pagsubo nang marinig ko iyon. Agad ko namang inubos ang natitirang pagkain sa pinggan ko at nagmamadaling kumuha ng mangkok at naglagay ng ulam.
"Aray!" Napaso pa ako nang buksan ko ang takip ng kasirola dahil nakalimutan kong gumamit ng pot holder sa kakamadali.
"Oh, magdahan-dahan ka naman. Akala mo nama'y malayo ang paghahatiran mo, eh d'yan lang naman sa kabilang kalsada," naiiling-iling na wika ni Papa habang kumakain.
"Ah, eh, baka po kasi tapos na silang kumain kapag nadala ko na ito," dahilan ko naman ngunit ang totoo ay gusto ko lang makita si Philip sa kabilang bahay.
Sana lang nga ay nakalimutan na niya ang sinabi ko kahapon.
"Dalhin ko na po ito." Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin nila at agad akong lumabas ng bahay patungo kanila Ate Margaret.
Inayos ko muna ang buhok ko bago ko kinatok ang gate nila.
Mayamaya pa ay narinig ko ang kalampag ng gate na hudyat na may nagbubukas na ito. Hinanda ko ang sarili ko ngunit nang ito'y bumukas, bumagsak ang balikat ko nang hindi si Philip ang bumungad sa akin.
"Oh, gabing-gabi na pumunta ka pa talaga rito para lang makita ako?"
Naglandas ang kilay ko nang marinig ang sinabi niya. Napakahambog talaga ng Keifer na ito!
"Hoy! Nagdala lang ako ng ulam 'no! 'Wag ka ngang feeling gwapo riyan dahil kung pwede lang na i-delete kita sa mundo ay ginawa ko na!" bulyaw ko sa kan'ya.
Napangiwi naman siya sa lakas ng boses ko. Sinuri ko ang suot niya, nakasando siyang puti at short na itim habang may nakasabit na tuwalya sa kan'yang balikat. Mayamaya pa ay nanlaki ang butas ng ilong ko nang may maamoy akong parang panis na kanin.
"Ang baho mo. Hindi ka pa rin naliligo hanggang ngayon?" asik ko sa kan'ya.
"Aish! Akin na nga 'yan, ang dami mong sinasabi. Nakikiamoy ka na nga lang." Inagaw niya sa akin ang mangkok at saka ako tinalikuran.
Sinundan ko naman siya hanggang sa makapasok kami sa sala. Hindi naman na ako iba sa kanila kaya kahit maglabas pasok ako rito ay okay lang.
Naabutan ko naman si Philip na nakaupo sa sofa habang tahimik na nanonood ng TV. Tila kumislap ang mga mata ko nang makita ko siya ulit.
"Good evening!" magiliw kong bati.
Napatingin siya sa direksyon ko pero kalauna'y ibinalik din niya ang tingin sa pinapanood.
Umupo ako sa tabi niya at pasimpleng ko siyang inamoy. Napakabango, halatang mamahalin na sabon na ginagamit niya sa katawan. Hindi kagaya ng pinsan niyang akala mo nagtitipid ng sabon dahil isang linggong walang ligo kaya nangangamoy na.
"Pasensya ka na pala kanina, ha. Gusto ko lang naman makipagkilala sa'yo kaso nagsungit ka kaya ko nasabing mukha kang character sa roblox."
Bigla siyang napatingin sa akin. Nakita ko ang paglalandas ng mga kilay niya. Kinuha niya ang remote at agad na pinatay ang TV.
"Stop calling me like that. It's annoying!" Sa paraan ng pagtingin niya sa akin ay parang gusto na niya akong lamutakin at itapon sa labas.
Ano na naman bang ginawa ko?
"A-Ang alin ba? 'Yong mukha kang character sa roblo—"
Napaigtad ako nang padabog siyang tumayo at agad na pumasok sa kwarto. Natulala ako, napakamainitin pala ng ulo niya.
Napansin pala iyon ni Keifer. Lumapit siya sa akin dala ang malinis na mangkok, mabuti naman at naisipan niyang hugasan.
Ngumisi siya at inabot sa akin ang mangkok na agad ko namang kinuha.
"'Wag kang nakikipag-usap sa pinsan ko, galit 'yon sa pangit."
Wala na talagang alam sa buhay ang hambog na 'to kundi pataasin ang presyon ko!
**
Kinabukasan ay naisipan kong pumunta sa plaza para bumili ng kwek-kwek. Ang tagal na rin simula ng nahuli akong nakapasyal sa plaza.
Nang makarating ako ay napangiti ako nang makita ang mga batang naglalaro sa plaza. Mabuti pa sila parang mga walang problema sa buhay.
Lumapit ako sa cart ni Ate Malou na nagsisimula nang mag-prito sa malaking kawali na puno ng mantika.
"Ate, pabili nga po ng twenty pesos na kwek-kwek," wika ko nang makalapit sa kan'ya.
"Oh, Sunny, bakit ngayon ka na lang ulit naparito? Akala ko nagpunta na kayo sa lola mo sa probinsya." Nagsimula na siyang maglagay ng kwek-kwek sa kawali.
"Eh, ngayon lang po nakalabas ulit," saad ko nang nakangiti.
Nang ilibot ko ang paningin sa paligid, napansin ko ang mga naglalarong binata sa court. Base sa itsura nila ay alam kong umaga pa lang ay amoy hapon na sila sa sobrang asim.
Ngunit nakuha ng atensyon ko ang isang player na nakasuot ng maroon na t-shirt habang nakikipag-agawan ng bola.
"Philip?" tanong ko sa sarili.
Nang matapos silang maglaro ay naupo siya sa gilid ng court kasama si Keifer. Grabe kahit sa malayo ay ang gwapo n'ya pa rin pero ang sungit pa rin ng mukha niya. Sa bagay hindi ko naman siya masisisi, may katabi siyang kampon ng maligno.
"Hija, oh," wika ng tindera. Sa tagal kong nakatitig kay Philip ay hindi ko namalayang tapos na palang mag-prito si Ate Malou.
Inabot ko na ang bayad at muling ibinalik ang tingin ko sa kan'ya. Nanlaki ang mga mata ko nang malamang sa akin na siya nakatingin ngayon. Kailan pa niya napansin na nandito ako?
Nataranta ako nang bigla siyang tumayo kaya kaagad akong tumalikod. Aalis na 'ko rito, baka isipin niya sinusundan ko siya.
"Aray!"
"Ano ba?! Tumingin ka nga sa dinadaanan mo!"
Hindi pa man ako nakakalayo ay nakabangga na agad ako ng hindi ko inaasahang tao. Nang mag-angat ako ng tingin ay nanlambot ang tuhod ko nang makilala ko ang taong nabangga ko.
"P-Pasensya na po." Akmang lalagpasan ko na si Pepot nang kabigin niya ang braso ko pabalik.
"Sandali, aalis ka na agad kinakausap pa kita," bulong niya habang sinusuyod ng tingin ang katawan ko mula ulo hanggang paa.
Nilabas niya ang kan'yang dila habang tinitingnan ako. Nagtaasan ang balahibo ko sa ginagawa n'ya. Manyakis talaga!
"Bitiwan mo 'ko! Bastos!" Hinagis ko sa mukha niya ang kwek-kwek na hawak ko at mukhang hindi niya nagustuhan ang ginawa ko.
Napahiyaw ako nang bigla niya ako sampalin.
"Stop that."
Pareho kaming napalingon sa nagsalita. Tila nabuhayan ako ng loob nang makita ko si Philip. Seryoso ang tingin niya kay Pepot na ngayon na naka-marinate ang mukha sa sauce.
BINABASA MO ANG
Every Summertime
Teen FictionSummer ang paboritong panahon ni Sunny. Isa siyang masiyahing babae na mahilig kumuha ng mga litrato lalo na kapag sunset. Nakilala niya ang masungit na binatang si Philip na nagbabakasyon sa tita nito na kapitbahay lamang nila tuwing bakasyon. Tuw...