Napakarami kong gustong sabihin pero hindi ko magawa dahil hindi lahat ng panahon ay merong makikinig sa'yo.
Madalas bago ka nila marinig, nakapagdesisyon na sila na ikaw yung mali. Kaya ano pang saysay na ipaalam yung kwento mo?
Hindi sa lahat ng panahon ay may kaluluwang sasamahan ka, na mararamdaman mong makakakonekta sa'yo.
Yung tipong tingin pa lang, alam mong magkarugtong kayo. Mapakasintahan man, kaibigan o isang tao na bigla na lang dinala sa'yo ng gagong tadhana.
Kadalasan, mas gusto kong mapag-isa. Sadyang may mga panahon lang na mas magaan kapag may kayakap, katabi, katawanan o kahawak ng kamay. Hindi lang para makipaglandian. Minsan masarap lang maramdaman na merong andyan para sayo na hindi mo pinipilit.
Hindi ko alam. Marami akong grupong nasasamahan pero parang wala akong kaibigan na malapit sa'kin. Parang lahat sila okay lang kahit wala ako. Parang walang merong may kailangan sa'kin. Hindi dahil kailangan nating maging sentro ng atensyon.
Naiintindihan mo ba yung gusto kong sabihin? Minsan nararamdaman mo rin ba yung ganun?
Minsan naiisip ko sana may taong mapagsasabihan ko ng lahat-lahat. Yung hindi ko kailangang pagandahin yung mga salita para di ako layuan kasi sobra na. Lahat ng nararamdaman ko. Maliban pa sa pagdarasal. Sana may tao din na mapagkakatiwalaan ko nang buo.
Matagal na akong hirap magbigay ng tiwala kahit kanino. Ganun naman talaga kapag nadala ka na, di ba? Kapag paulit-ulit ka nang nagago. Syempre may mga panahon din na ako yung gago. Lahat naman siguro tayo, di ba?
Hindi ko alam kung naging matatag ba ako dahil hindi na ako madaling mauto o naging duwag na akong magtiwala uli. Kahit ano. Bahala na. Iniisip ko lang ayokong makawawa sa huli. Hindi na uli.
Kaya siguro sa sobrang pagprotekta ko sa sarili ko, minsan ako naman yung nakasakit ng iba. Lahat naman siguro tayo ganun. May mga taong nanakit sa'tin. May mga nasaktan din tayo. Alam mo man o hindi, meron yan.
Hindi lahat ng panahon ay kailangan nating maging malakas. Bahagi na ng buhay yung sakit at lungkot na madalas nating tinatago. Pero bakit nga ba natin tinatago? Bakit yung kasiyahan at tagumpay ayos lang maipakita pero yung lungkot at hirap hindi?
Natatakot ba tayong matawag na mahina. Nasa panahon tayo na kung sino yung bato sila yung matatag. Kapag nakitaan ka ng kahinaan, wala ka. Kahinaan na normal naman maramdaman ng tao paminsan-minsan.
Siguro nasanay lang tayo na ganun yung ginagawa ng karamihan. Nagpapakita ng kalakasan habang tinatago ang kahinaan. Dumating na ako sa punto na kapag malungkot ako, makikita mo sa mukha ko. Hindi ko itatago. Pagod na akong magpanggap na laging okay kasi hindi.
Tao tayo. Buhay sa realidad. At ang katotohanan ng buhay ay hindi laging masaya.
Hindi rin lahat ng boses ay kailangan nating pakinggan. Pinakamalakas dapat yung sa'yo. Ano ba yung sinisigaw ng puso't isip mo?
Hindi lahat ng nakikita natin ay totoo. Maraming sinungaling at mapagpanggap. Kaya kailangan maging maingat. Maging sa mga taong tinuturing mong kaibigan.
Hindi lahat ng nagpapakita ng interes sa'tin ay gusto tayo. Hindi lahat ng "mahal kita" ay totoo. Pramis.
Talo ka kapag madali kang mapalapit. Kapag mabilis maging magaan yung loob mo sa mga tao. Sa panahon ngayon na maraming mukhang anghel pero demonyo.
Sana maging matibay ang puso't isip mo pero hindi sa punto na magiging bato ka na. Ang hirap, di ba?
May mga tao naman na timuturing kong totoong malakas o matapang kasi hindi sila takot na makitaan ng kahinaan.
May kanya-kanya tayong daan na tatahakin. Hindi ko sasabihin na kayang-kaya mo yan dahil alam kong mahihirapan ka, madudurog, dudugo. Minsan mararamdaman mong patay ka na kahit humihinga pa.
Sa mga taong napalapit na sa'kin, hindi man tayo parehas ng daan, sana magkita-kita tayo sa kabilang dulo na bitbit yung mga bagay na lagi nating gustong makuha.
BINABASA MO ANG
Unsent
PoetrySalitang hindi nabigkas. Mensaheng hindi nakarating. Damdaming hindi napakita.