Chapter 5

1.3K 25 0
                                    


PAGKATAPOS ng misa ay nagkaroon ng maikling tribute na nilahukan ng mga naging scholar ni Ricardo noong panahon ng panunungkulan nito bilang alkalde.

Napaluha si Angela sa parangal na inihandog ng mga ito para sa kanyang papa. Hindi niya akalaing ganoon karami ang nagmamahal dito bukod sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Nakaantig ng damdamin ang talumpati ng gobernador at ng kongresista ng Laguna na pawang malalapit na kaibigan nito. Bawat isa ay nagbahagi ng masasayang alaala ng mga ito kasama si Ricardo.

They talked about the good old days. At habang pinakikinggan ang mga iyon ay muling nabuhay sa isipan niya ang ama.

Ngunit ang higit na humaplos sa puso niya ay ang parangal na ipinagkaloob dito ni Danny. Sa mga salita ng lalaki ay naramdaman ni Angela kung gaano kalaki ang utang-na-loob na tinatanaw nito sa kanyang papa. Kung gaano kalaki ang pagmamahal at respetong nararamdaman nito para sa yumao.

Hindi niya naiwasang isipin kung ano ang maaaring nangyari kung nalaman noon ng kanyang ama ang pag-iibigang namagitan sa kanila ni Danny. Lalo na ang pagdadalang-tao niyang agad na nagawan ng paraan ng kanyang ina nang labag sa kanyang kalooban.

Maaaring tinanggap nito si Danny para sa kanya... o maaari din namang pinalayas ito at itinuring na traidor. Kung ang huli ang nangyari ay tiyak na hindi nito narating ang kinaroroonan ngayon.

Napakaraming "maaari at di-maaari" ang naglaro sa isipan ni Angela, ngunit pilit niya iyong nilimitahan, sa isiping kailanman ay hindi na niya maibabalik ang nakaraan. At gaano man kasakit ang naging resulta ng mga ginawa niyang desisyon ay kailangan niyang tanggapin.

"Nagpapasalamat din ako kay Tita Milen sa pagtitiwala at suportang ibinigay niya sa akin..." patuloy ni Danny na muling umagaw sa pansin niya.

Pinasasalamatan mo ang taong pumatay sa anak mo, Danny... anang munting tinig sa likod ng kanyang isipan. Napapikit siya at nakuyumos ang hawak na panyolito.

"Gayundin kay Lola Soledad, na itinuring akong isang tunay na apo kahit ako'y isa lamang dating hamak na tagapag-alaga ng mga kabayo, utusan, hardinero. Sa tahanang ito ko natagpuan ang isang masayang pamilyang hindi ako kailanman nagkaroon. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. Makakaasa kayo na kahit wala na ang Tito Ricardo ay mananatili pa rin akong bahagi ng inyong pamilya... hanggang inyong pinahihintulutan."

Pagkatapos ng speech na iyon ay lumapit si Danny sa kinaroroonan ng kanyang lola at mama; na katabi naman niya sa mahabang upuan.

"You will always be a part of this family, hijo," sabi ni Lola Soledad nang yakapin ito ni Danny at halikan sa noo. "You are always welcome here."

"Thank you, Lola Soledad," sinserong sabi nito at ganoon din ang ginawa sa mama niya.

Muli ay naisip niyang hindi nito dapat pasalamatan ang kanyang ina. Tila nabasa ang kanyang iniisip, nang magtama ang kanilang mga mata ay nangunot ang noo nito. Minabuti niyang magbawi ng tingin. Itinuon ni Angela ang pansin sa ibang mga bisita upang ipakitang hindi siya impressed sa "pagdadrama" nito.

Parang nananadya, matapos pasalamatan ang dalawang babae ay sa tabi pa niya ito naupo. Malinaw na nagpapapansin ang lalaki dahil sa sadyang pagdikit ng mga balikat at binti nito sa kanya.

"That was quite a speech," sabi niyang sapat lang ang lakas para marinig nito. Abala na sina Lola Soledad at ang kanyang mama sa pakikipag-usap sa kongresista at sa gobernador kaya hindi na sila mapapansin ng mga ito.

"Ang nagawa sa akin ng papa mo at ng pamilya ninyo ay isang bagay na ipinagmamalaki ko kahit kanino," sagot nitong bakas sa tono ang sinseridad. "Alam mo iyan, Angela."

Gems 20: This Beautiful PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon