Chapter 17

1.6K 27 5
                                    


HILAM sa luha ang mga mata ni Angela habang minamaneho ang kotse palayo sa Villa Soledad. Pakiramdam niya sa sarili ay isang bulkan na nagbabantang sumabog anumang sandali.

Ang katatapos na argumentong namagitan sa kanila ng ina, ay ang unang pagkakataong ibinulalas niya ang kinikimkim na sama ng loob dito mula nang magbalik siya ilang araw pa lamang ang nakararaan.

Pinipilit na niyang kalimutan ang trauma sa abortion na isinagawa sa kanya. Pero nang makita niya ang mga bata sa kumbento ay parang mitsa iyon na naging dahilan upang sumabog ang galit na naipon sa kanyang dibdib.

Lito ang isip, nang marating niya ang highway ay pinatakbo niya nang matulin ang sasakyan. Pero hindi pa siya lubusang nakalalayo nang mapansin niya ang Nissan Patrol ni Danny na nasa likuran. Marahil ay pinasundan siya ng abuela rito.

Tinangka niyang takasan ito ngunit higit itong mabilis. At sa sumunod na sandali ay nakita na lang niya ang sarili na napipilitang iparada sa tabi ng kalsada ang kotse dahil sa panggigitgit nito.

"You are not going anywhere, Angela," sabi ni Danny nang buksan ang pinto sa tapat niya at halos hilahin siya pababa ng sasakyan.

"Let me go, you bastard! Pabayaan mo ako! Bakit ba lagi ka na lang nakabuntot sa akin?" Nagpumiglas siya ngunit parang bakal ang mga kamay nitong nakahawak sa magkabilang braso niya.

"Hindi ka puwedeng mag-drive. You are emotionally unstable," deklara nito, na para bang malala pa siya sa isang lasing na driver.

"Ano ba? Pabayaan mo nga ako! Kailangan bang maging sunod-sunuran ka sa lahat ng iutos sa iyo ng lola o ng mama? Ano ba ang pakialam mo kung mamatay ako? Mabuti nga nang magkaroon na ako ng katahimikan!"

"Baliw ka na pala, eh!" asar nang bulalas ni Danny. "Ang mabuti pa, dalhin na kita sa mental." Pagkasabi niyon ay binalingan nito si Mang Dado na tila litong nakatingin lamang sa kanila. "Iuwi na ninyo ang kotse sa bahay. Paki-check kung nasa loob pa niyan ang susi."

"Nandito pa, Danny," anang matanda matapos silipin.

"Sige ho, Mang Dado. Pakisabi na lang kay Lola Soledad na nasa akin ang kanyang apo."

"Ano ito, kidnapping?" galit na tanong ni Angela bagaman alam na wala sa rason ang kanyang sinabi. "Ouch! Ano ba?" reklamo niya nang pasalya siya nitong ipasok sa sasakyan.

"Huwag na huwag kang kikilos diyan!" banta

nito bago lumigid sa panig ng manibela. Pagkasakay na pagkasakay ay pinaarangkada ni Danny ang Nissan Patrol.

Wala na siyang nagawa kundi ang magmaktol. Bubulong-bulong na humalukipkip na lamang siya at itinuon sa labas ng bintana ang tingin.

"Where are you taking me?" galit na tanong niya nang makitang papaliblib ang lugar na pinapasok nila. Kung saan na sila naroroon ay hindi niya alam. Ang tiyak lang niya ay Bundok Banahaw na ang natatanaw niya sa unahan. "Ibalik mo na ako sa bahay. Where are you taking me?"

"Naniniwala ka bang kaya kitang gawan ng masama, Angela?" tanong nito na hindi naikubli sa tono ang pagkaaliw.

"Pinagtatawanan mo ba ako?" Lalo pang nagatungan ang pagkaasar niya sa lalaki.

"Aba, hindi! Bakit naman kita pagtatawanan? Mukha ka bang katawa-tawa?"

"Hindi! Hindi ko lang gusto iyang tono ng pananalita mo."

Patlang.

"Saan mo ba talaga ako dadalhin? Sakop pa ba ito ng sibilisasyon? Baka naman balak mo na akong patayin kaya dito mo ako dinadala sa liblib na lugar na ito? Iyon ba ang sinasabi mong paghihiganti?" Nilangkapan niya ng sarcasm ang sinabi.

Gems 20: This Beautiful PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon