Chapter 10

1.4K 24 1
                                    


KUNG mayroon mang isang bagay na dapat bantayan sina Angela at Danny, iyon ay ang huwag mahalata ng lahat ang relasyong namamagitan sa kanila.

Kaya naman upang iligaw ang sinumang mag-iisip na may namumuong pagtitinginan sa kanila ay iniwasan nila ang mga seryosong usapan. Pinanatili nila ang distansiya tuwing nasa harap sila ng ibang tao. At napagtagumpayan nila iyon.

Lumipas ang mga buwan na walang nakababatid sa kanilang pag-iibigan. Bagaman tuwing araw ng linggo na lang sila nagkikita nang magsimula ang pasukan, nakabuti rin iyon upang huwag silang pagdudahan.

Unang linggo ng Setyembre nang ipagdiwang ni Danny ang ikadalawampu nitong kaarawan. Simple ang okasyon. Nagluto ng pansit at puto si Aling Mameng. Siya at ang kanyang Lola Soledad ang bumili ng cake at inumin. T-shirt at pantalon naman ang regalo rito ng kanyang mama at papa.

Naging masaya ang munting salusalo sa bungalow. Bagaman nagkaroon ng inuman ay maaga ring natapos iyon dahil lunes na kinabukasan. Alam din ng lahat na mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang mama sa mga kasambahay ang pag-inom nang sobra.

Hatinggabi nang magkita sila ni Danny sa kuwadra na nagsisilbi nilang tagpuan. Tiniyak muna nilang tulog na ang lahat bago nila pinagbigyan ang kanilang mga sarili. Doon pa lang niya ibinigay ang regalo niyang kuwintas sa kasintahan.

"Ito ang kauna-unahang mahalagang regalo na natanggap ko sa buong buhay ko," emosyonal na pahayag ni Danny matapos niyang isuot dito ang kuwintas na may palawit na krusipiho.

"You are kind, Danny. You deserve the best in life," bulong ni Angela nang hagkan ito sa pisngi.

Sa liwanag na nagmumula sa mga siwang ng tablang dingding ng kuwadra ay nakita niyang nahilam sa luha ang mga mata nito.

"Mapalad ako dahil ako ang iyong minahal, Angela. Sa kabila ng lahat, hindi ka natakot na ipagkatiwala ang puso mo sa akin..."

"Dahil alam kong hindi mo ako sasaktan," sagot niya. Sa pagiging emosyonal marahil nito kaya lalo niya itong minahal. Dahil din doon kaya agad na nagkalapit ang kanilang mga damdamin sa napakaikling panahon.

"I love you, Angel." Minsan pa nitong ipinahayag ang pag-ibig sa kanya.

"I love you, too, Danny." At kasunod niyon ay niyakap nila nang mahigpit ang isa't isa.

Nagsimula ang lahat sa isang maalab na halik. At bago pa nila mamalayan ay nakahiga na sila sa bunton ng mga dayami, ang tanging sapin ay ang mga kasuotang kay daling nahubad sa kanilang mga katawan.

Hindi alam ni Angela kung dahil sa kaarawan ni Danny... o dahil sa pag-ibig—o sa nag-aalab nilang mga damdamin—kung kaya't hindi siya tumutol nang angkinin siya nito nang gabing iyon.

It was painful yet sweet. Kasabay sa pakiramdam na nahahati ang kanyang mundo ay ang pagsasanib ng kanilang mga katawan. Pakiwari niya, maging ang mga kaluluwa nila nang mga oras na iyon ay naging isa. At kabaligtaran sa pagkapilas ng kanyang pagkababae ay naramdaman niya ang kaganapan ng kanyang pagiging tao.

Pagkatapos ng lahat ay tahimik silang nagyakap ni Danny. Magkalapat ang kanilang mga dibdib kaya hindi niya tiyak kung kaninong pintig ang higit na nangingibabaw.

"Ano na ang mangyayari sa atin ngayon, Danny?" pikit ang mga matang naitanong ni Angela. Ang takot na nararamdaman niya ay pinapalis ng mahigpit na yakap nito.

"Kung maaari lang na pakasalan na kita ngayon ay gagawin ko, Angel. Pero alam nating pareho na hindi pa puwede, 'di ba? Pero huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. Handa akong ibigay pati ang buhay ko kung kakailanganin."

Gems 20: This Beautiful PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon