Chapter 8

1.3K 24 1
                                    


"WALA akong alam sa sinasabi mo," sagot ni Angela kay Danny bago mabilis itong tinalikuran.

Ngunit sinundan siya nito. Hindi niya nagawang makalayo dahil agad nitong nahagip ang kanyang braso.

"Let go of my arm, Danny. This conversation is over. Gusto ko nang magpahinga," sabi niya sa matigas na tono. Ipiniksi niya ang brasong tangan nito ngunit hindi pa rin siya nito binitiwan.

"You're not tired, Angela. You're just trying to escape from me," anitong nakangisi pa. Malinaw na mababakas sa mga mata nito ang pilyong ngiting naglalaro doon.

Napabuntong-hininga siya. Hindi mapaniwalaan kung paanong kay bilis magpalit ng mood nito. Sa isang minuto ay galit ito, at sa sumunod naman ay paglalaruan siya ng mga pilyong ngiting iyon.

"Please let me go..." May halong pakiusap na ang sumunod niyang sinabi. Natatakot siyang baka kung magtagal pa ay muli na namang matunaw ang depensang pilit niyang pinanghahawakan. Dahil ang tumayo lang sa tabi nito ay isa nang nakakapanabik na karanasan.

"You never fail to amuse me, Angela..." anitong nakangisi. "From a wild goose to an innocent swan... kung hindi kita kilala ay baka napaniwala mo ako."

"You're talking in riddles, Danny. Wala akong maintindihan sa mga sinasabi mo," ganti niyang nilangkapan ng sarcasm.

"Paano mo maiintindihan kung ayaw mong intindihin?"

Isang piksi pa ng kanyang braso at nakawala si Angela mula sa pagkakahawak nito. Sinamantala niya nang sandali itong matigilan. Malalaki ang hakbang na lumayo siya kay Danny. Sa pagkakataong iyon, tiniyak niyang hindi na siya nito aabutan.

 

HABOL ni Angela ang hininga nang pumasok sa kanyang kuwarto. Animo ay hinahabol siya ng halimaw nang hindi halos magkandatuto sa pagla-lock ng pinto.

Nang makaupo sa gilid ng kama ay hinaplos niya ng daliri ang mga labing hinagkan ni Danny. Pakiramdam niya ay nakalapat pa rin doon ang mga labi nito, at nalalasahan pa rin niya ang tamis ng halik na kanilang pinagsaluhan.

Humiga siya sa kama na walang ibang nasa isip kundi ang lalaki. Halos araw-araw sa loob ng pitong taon ay pinangarap niyang muling madama ang pag-ibig nito. Maging ang mga yakap at halik na kanilang pinagsaluhan noon ay labis niyang pinanabikan.

Ngunit bakit ngayong nangyari na ay wala siyang madamang kaligayahan? Ang tanging nadarama niya ay takot at pagkalito. Dahil kaya sa ipinaramdam sa kanya ni Danny na wala na itong pag-ibig na maibibigay? At ang namagitan sa kanila ay udyok lamang ng tawag ng laman? Isang paraan upang maisakatuparan nito ang hinahangad na paghihiganti?

Bago pa namalayan ni Angela ay tumutulo na ang luha sa gilid ng kanyang pisngi. Dumapa siya at isinubsob ang mukha sa unan.

Tinanong niya ang kanyang sarili kung ano ang kanyang naging kasalanan para parusahan nang ganoon. Bakit kailangang siya ang magdala ng karma, gayong hindi niya ginustong malaglag ang sanggol na naging bunga ng kanilang pag-iibigan?

Kung mayroon mang dapat parusahan ang Diyos ay ang mama niya iyon, hindi siya. Ang naging pagkakamali lang niya ay masyado siyang nagtiwala rito. At bakit nga hindi? Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na magagawa iyon nito sa kanya.

Bago iyon ay buo ang paniniwala niyang ang isang ina ay hindi maaaring gumawa ng isang bagay na makasasakit sa kanyang anak. Inakala niyang lahat ng ina ay kapakanan ng anak ang pangunahing priyoridad.

Subalit iba ang pakahulugan nito sa kapakanan. Para dito, ang magandang kinabukasan ay hindi niya makakamit kung magdadalang-tao siya sa edad na disisais.

Gems 20: This Beautiful PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon