Kabanata 1

90 10 38
                                    

(Chapter 1)

• • •

"Sa lunes na nga pala, Esme. Itutuloy mo pa ba?"

Napatingin ako kay Buknoy na siyang katulong ko sa paghuhugas ng mga pinggan. Abala ako sa pagsasabon habang siya naman ang nagbabanlaw.

Malalim akong napabuntong hininga.

"Oo, kailangan ko kasi ng pera para sa tuition ko," sambit ko.

Ang tinutukoy ni Buknoy ay ang raket na binigay sa'min ni kuya Baldo. Malaki-laki rin ang kikitain namin kaya tinanggap ko na. Iyon nga lang, masyadong mapanganib ang raket na sinunggaban namin ngayon.

Dahil naulila ako ng maaga, maaga rin akong namulat sa reyalidad ng totoong buhay. Maaga kong tinaguyod ang sarili ko sa araw-araw gamit ang paghahanap ng iba't ibang pagkakakitaan. Isa na rito ang pagtanggap ko sa isang nakamamatay na trabaho.

"Bakit ba kasi gusto mo pang pumasok sa kolehiyo? Maaari ka naman mangibang bansa tulad ni ate Chacha na high school lamang ang natapos," wika ni Buknoy na ikinailing ko.

"Ayokong magtrabaho sa ibang bansa. Ang gusto ko ay maging pulis at ipakulong ang Tatay mong adik," nakaingos kong sambit na ikinasimangot ng mukha niya.

Mahina niyang sinuntok ang balikat ko bago huminga nang malalim. Magkaiba kami ng buhay ni Buknoy. Kung ako ay wala ng magulang, siya nama'y iniwan ng nanay at pinapabayaan ng adik niyang Tatay.

Kaya heto't parehas kaming nakatira sa Kalinga Homes, kung saan naninirahan ang mga anak na walang magulang.

"Siraulo kang talaga, Esme. Pero mabalik tayo sa usapan, talaga bang kaya mo ang trabaho mo?" tanong pa ulit ni Buknoy. Ilang beses niya ng itinanong sa'kin ang bagay na iyan na paulit-ulit kong sinasagot.

"Kakayanin ko," maikli kong sagot pagkatapos masabunan ang huling plato.

"Magback out ka na lang, Esme. Maghanap na lamang tayo ng ibang raket," pagpipilit niya na ikinailing ko ng ulo.

"Hindi p'wede, Buknoy. Saka malaki ang kikitain ko. Bibigyan kita ng porsyento basta't huwag ka lang magsusumbong kina Sister Concepcion ah," bulong ko habang nililigpit namin ang mga platong natapos naming hugasan.

Napakamot siya sa kaniyang ulo. "Hay, bahala ka sa buhay mo, Esme. Malaki ka na para pilitin," pagsuko niyang sambit.

Natatawa ko siyang inakbayan at ginulo-gulo ang kaniyang buhok. Panay reklamo si Buknoy dahil sa ginagawa ko pero wala namang ginagawa para alisin ang kamay ko na gumugulo sa buhok niya.

Naglalakad na kami ngayon papunta sa mga kwarto namin.

"Matulog ka na, Buknoy. Ililibre kita ng fried chicken kapag nakuha ko na ang pera," kumindat ako sa kaniya nang pakawalan ko siya.

Inirapan niya lang 'ko at tuloy-tuloy na pumasok sa kwarto niya. Magkatapatan lang naman kasi ang kwarto namin. Natatawa na lamang akong tumalikod para pumasok sa kwarto ko.

• • •

Araw ng sabado ngayon, maaga akong nagising dahil ngayon ang 50th anniversary ng Kalinga Homes. Maraming dadalo sa pagsasalo-salo kaya't maaga kaming naglinis at naghanda ng buong paligid.

Tagaktak na ang pawis ko nang matanaw ko si kuya Baldo na palinga-linga sa paligid. Mukhang ako yata ang hinahanap dahil nang makita niya 'ko'y sinenyasan niya 'kong lumapit sa kaniya.

Pasimple kong binitawan ang basahan sa pagpupunas ng mga bintana at saka mala-ninjang lumapit sa kaniya.

"Bakit ho?" bulong ko at saka tumingin sa paligid.

Tale of the Fallen CommanderWhere stories live. Discover now