***
"Sad girl..." Nanigas si Nagi sa kinauupuan nang marinig ang mahina kong pang-aasar. Nandito siya sa tabi ko dahil bawal kuno kaming uminom ng alak, sabi ng matatanda sa kabilang banda ng table.
Nagpapatawa yata.
"Linkin park favourite album?" kaswal kong tanong bago uminom sa sariling baso. Natitigilan, napangiwi na lamang ako nang iba ang lasang inasahan sa aktuwal na nalasahan doon. Tinapunan ko nang masamang tingin ang mga basong may lamang alak sa kabilang banda ng table.
Parang gusto kong dumaing sa inis. May ipinagkaiba pa ba ang hindi ko pag-inom ngayon kung ilang beses na naman akong nakainom nito noon?
Nagpapatawa talaga ang mga ito.
"'Yung una..."
"Ha?" Kunot ang noo kong nabalingan ang katabi.
Muntik pa siyang mapasalag nang sinalubong ang tingin ko. Saka ko lang naalala ang sariling tanong nang klinaro niya ang sinabi.
"Hybrid theory," mahina niyang untag, halos bumulong.
Napalitan ng pahapyaw na ngisi ang pagkakakunot ng noo ko. Humalukipkip ako at tamad na sumandal sa upuan.
"You hated the last one, didn't you?"
Mabilis siyang umiling. "No... it sounds different from their usual genre but I still love it the same."
Dahan-dahan akong napatango. Kung sinabi niyang oo, baka nasinghalan ko siya.
"A place for my head." Maigi kong tinignan ang pagbabago ng ekspresyon niya—mula sa pag-aalinlangan ay napalitan iyon ng pagkakaabala sa pag-iisip.
Ilang beses siyang kumurap bago nagsalita. "Pushing me away."
Hmn. "Bakit wala kang eyeliner?"
Lumipad patungo sa akin ang tingin niya. Pinanatili ko ang blangkong ekspresyon kahit parang gusto ko nang matawa, dahil sa bahagyang pag-almang nakita ko sa mukha niya.
"Hindi naman ako nag-a-eye liner," aniya sa mahina muling tinig.
"Ha? Lakasan mo nga ang boses mo, 'di kita marinig."
Napatalon siya nang kaunti sa puna ko, bahagyang luminaw ang pag-alma sa ekspresyon. Mas malakas at klaro na ang boses niya nang inulit ito, "'Di ako nag-a-eye liner."
Kinapa ko ng dila ang loob ng pisngi. "Pero pumapayag kang hinahagis lang ang mga gamit mo?"
Sinalubong niyang muli ang linya ng mga mata ko at nakikinita ko na ang nalalapit niyang pag-alma. Umangat ang isang sulok ng labi ko. "Sad girl. Nakakalimutan ko ang pangalan mo kaya sad girl na lang ang itatawag ko sa 'yo."
Naging isang matigas na linya ang mga labi niya habang nakikipagpalitan ng tingin sa akin.
Sige, pumalag ka. 'Wag mo akong hayaan kung ayaw mo. Bakit kailangan mong ikahiya ang mga bagay na gusto mo dahil lang pinagtatawanan ka ng iba? Tangina nila hoy.
Pinandilatan ko siya at hinintay na umalma ngunit hindi niya ginawa. Mukhang marami siyang gustong sabihin pero sa huli, kinimkim lang niya ang lahat ng iyon sa sarili.
Nagbubuntonghininga akong nagbitiw ng tingin bago tamad na inabot ang sariling baso sa lamesa. Nilagok ko ang lahat ng laman niyon. At habang nakatingin sa wala nang lamang baso ay may nagdaan sa isip ko.
"Sad girl, kuha mo nga ako ng refill!" Napalingon sa amin ang apat dahil sa lakas ng boses ko. Aninag ko naman ang paninigas ng katabi sa kinauupuan.
"Sad girl? Sino 'yon?" takang ani Reon, natatawa.
BINABASA MO ANG
Between a Rock and a Hard Place
RomanceCarpe Noctem Duology #2 Youngest in the three Fabregas brothers, Alexis is known as the black sheep of the family. Growing up in a political ménage where his parents compelled him to be like them, he always felt like he's been in the wrong place his...