5 : Not fitting the mold

4 0 0
                                    


Sa bawat hinabing salita,

Binitiwan, tinupad at binaling pangako

Pangarap na kinalimutan matapos mabuo

Damdaming lumipas kasabay ng panahon

Nasa'n ka ro'n?

***

Naghiyawan ang buong gym nang i-announce ang pagkakapanalo ko sa huling judo match. Maging ako'y hindi rin makapaniwalang natalo ko ang pinakamagaling na player sa batch namin. Napuno ng hiyawan at palakpakan ang buong gym.

Sa kabila ng mga papuring natatanggap ay wala akong pinakaninais na marinig kundi ang papuring galing sa pamilya ko. Wala sila rito pero sabik na akong ipaalam sa kanila ang magandang balita. Siguradong matutuwa si dad 'pag nalaman niya.

Matapos matanggap ang walang humpay na papuri ay nagdiretso ako sa locker room, upang makapagpalit na para sa after party. Malapit na ako sa locker room ng team namin ng sandali akong matigilan, ng mahagip ng paningin ko ang huling naka-match ko sa loob ng isang bukas na kwarto.

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko ng makitang kuyom ang magkabila nitong kamao, at bahagyang nakayuko habang umiiyak. Naisip ko agad na kung gaano kahirap ang naging training ko'y malamang ganoon din ang kaniya. Kaya marahil nakuha niyang umiyak?

Ewan ko pero kung ako siguro iyon ay malulungkot ako pero hindi ko nakikita ang sarili kong umiiyak. Dahil ginawa ko naman ang abot ng makakaya ko kaya kung matalo man, alam ko nang mas kailangan ko pang pag-igihin para sa susunod ay maging mas malakas at karapat-dapat na akong manalo.

Paalis na dapat ako nang sa pangalawang pagkakataon ay muli akong matigilan pagkarinig ng sigaw.

"Ano 'yong ginawa mo? Kayang-kaya mong ipanalo 'yon ah? Tapos ngayon iiyak-iiyak ka?! Paano nang pangarap mo?!"

"Anong silbi ng pangarap ko kung pamilya ko ang kapalit?"

"Anong ibig mong sabihin?"

Mas lumakas ang iyak nito at halos mag-ugat naman ang mga paa ko sa sementadong sahig.

"Kinausap ako ng tauhan ni mayor bago nagsimula ang match... Hinayaan ko siyang manalo dahil kailangan namin ng pera! Nasa ospital ang kapatid ko at kailangan na niyang maoperahan... gusto kong manalo coach pero mas kailangan ng pamilya ko ang pera!"

"Ano? Sinuhulan ka ng pera ng tauhan ni mayor Fabregas, para panaluhin ang anak niya?"

Nanigas ako sa kinatatayuan at hindi ko alam kung anong una kong mararamdaman. Gusto kong isiping nagbibiro lang siya. Na baka nagkakamali siya. Na imposibleng gawin 'yon ni Dad dahil may tiwala siya sa 'kin. Dahil alam niyang kaya kong manalo. At kung hindi man, hindi ba't sapat na ang pagsubok at paggawa sa bagay na gusto mo?

Teka lang. Sandali lang.

Napasandal ako sa pader para lang suportahan ang sarili sa pagtayo. Ayaw kong maniwala sa mga naririnig ko pero paano kung totoo? At paano kung hindi lang ito ang unang beses? Paano kung simula't sapul ay ganito na?

Iyong mga nauna ko bang match ay hindi ko talaga totoong ipinanalo? Sinuhulan din ba ni Dad lahat ng mga iyon? Ibig bang sabihin lahat ng pagpapakapagod at paghihirap ko sa training ay balewalang lahat dahil hindi naman talaga iyon ang nagpanalo sa akin? Kung ganoon para saan pa pala ang mga ito? Para saan pa ang pananalo kung hindi naman pala talaga ito para sa akin?

Between a Rock and a Hard PlaceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon