CHAPTER 12

13 0 0
                                    

Nang makapasok si Zharra sa kaniyang kotse ay kinuha niya sa bag ang bote ng gamot at kumuha ng dalawa. Ininom niya ang dalawang gamot at sinunod ang tubig. Huminga muna siya nang malalim saka sinimulang buhayin ang makina ng kotse at nagmaneho palabas sa gate ng bahay nila.

Nang makarating na siya sa harap ng kaniyang Cafe ay ipinarada muna niya ang kotse sa may parking.

Nang lumabas siya sa kotse ay tiningnan muna niya ang nakasaradong Cafe bago siya pumasok dito.

Binuksan niya ang lahat ng ilaw at Aircon para lunamig sa loob. Tiningnan niya ang buong sulok at ngumiti.

"Hayss, dalawang araw lang akong hindi nakapasok pero namiss na agad kita. Wag kang mag-alala, hangga't nabubuhay pa ako ay hinding-hindi kita iiwan." Nakaramdam siya ng lungkot dahil sa huling sinabi pero pinilit niyang ngumiti sa sarili at ibinalik ulit ang tingin sa buong paligid ng silid.

"Nandito lang ako, babantayan kita hanggang sa huli. Ikaw na lang ang meron ako na nagpapasaya at nagbibigay inspirasyon sakin. Kaya hindi kita iiwan," Hinawakan niya ang ang isang table na katabi niya at hinimas-himas ito, "Hindi pa."

Ilang segundo niya iyong hinihimas pero umalis din siya kaagad at lumapit na sa may counter. Gumawa siya ng sikat na coffee na gawa niya mismo at tumikim ng kunti. Napangiti siya nang malasahan ang saktong tamis ng kape niya at ipinagpatuloy ulit ang paggawa.

Nang matapos niyang gawin ang coffee ay inilipat niya ng "OPEN" ang kaninang "CLOSE" na nakasabit sa front door na nagpapahiwatig na bukas na ulit ang Cafe niya.

Paalis na siya sa pintuan para bumalik sa counter niya nang may makita siyang babae sa labas na naglalakad sa kalye di kalayuan sa Cafe niya. Parang naghihina ito, tagpi-tagpi na rin ang suot nitong damit at nakayapak lang.

Bigla siyang nakaramdam ng awa para dito. Saktong paglabas niya sa Cafe ay nawalan na ito ng balanse kaya kaagad siyang lumapit dito.

"Miss, ayos ka lang ba? Nanghihina ka, halika. Kailangan mong magpahinga." Inalalayan niya itong tumayo at lumakad pabalik sa Cafe niya.

Pumasok sila sa loob habang inaalalayan niya itong umupo.

"Sandali, kukunan lang kita ng tubig." Pumunta siya sa kusina para kumuha ng tubig sa ref. Kumuha na din siya ng dalawang slice ng cake at inalagay sa tray. Inilagay niya sa table ng babae yung isang plate na may dalawang slice ng cake at yung isang baso ng tubig na kaagad naman nitong kinain.

Napatigil lang ito sa pagkain nang maramdamang may nakatingin sa kaniya. Nahihiya itong tumingin sa kaniya at hindi maisubong muli ang cake.

"Okay lang, kumain ka lang." Iginiya niya itong  magpatuloy sa pagkain. Nahihiya man pero kailan niyang malaman ang pagkakakilanlan nito.

"Ahm, okay lang ba kung tanungin kita?" Tanong niya rito na tanging titig lang ang itinugon nito sa kaniya.

"May mga magulang ka ba? O kamag-anak man lang? Bakit—paano ka napunta dito? May tirahan ka ba?" Sunod-sunod niyang tanong rito pero kahit isang sagot ay wala siyang natanggap.

Ilang saglit siyang tinitigan ng babae na para bang sinusuri nito ang kaniyang mukha.

"Teka— a-anong meron? Bakit ganyan ka makatingin sakin, may dumi ba ak—" Hindi niya natapos ang kaniyang sinabi at nagulat sa nakita. Ni hindi niya maitikom ang bibig at hindi makapaniwalang nakatitig lang sa kung anong ginagawa ng babae sa harap niya.

Ikinumpas nito ang dalawang kamay at bumuo ng salita sa pamamagitan ng sign language pero ni kahit isang letra o salita ay wala siyang maintindihan. Tameme siyang nakatulala sa taong kaharap niya ngayon.

Basta ang nalinawagan lang sa kaniya ay ang babaeng kaharap niya ngayon ay isang bingi at pipi.

Nakabalik lang siya sa sariling huwisyo nang may kumalabit sa kaniya. Nakita na naman niya ang mga matang nakikiusap.

"N-naku, hindi kita maintindihan eh. Sandali lang, may kukunin lang ako."

Pumunta siya sa counter, kinuha niya ang papel at lapis na nakapatong saka bumalik sa gawi ng babae. Ipinatong niya sa table ang papel at nagsulat saka pinakita ito sa babae.

"May mga magulang ka ba o kamag-anak?"

Nahihiyang kinuha nito ang papel at lapis saka nagsulat kasunod ng sinulat niya pagkatapos ay ibinalik na naman nito ang papel sa kaniya. Tiningnan niya ang papel at binasa ang nakasulat doon.

"Wala na po akong mga magulang, matagal na silang patay. Nakikitira na lang po ako sa tiyahin ko pero pinalayas na po niya ako. Wala na po akong ibang mapupuntahan at matitirhan. Mag-isa na lang po ako ngayon."

May awang napatingin siya sa babae na ngayon ay malungkot na nakayuko sa harap niya. Sa nakikita niya sa babae ay mukhang mas matanda pa siya rito. Napakabata pa nitong tingnan kahit na natatakpan ng dumi ang mukha nito at buong katawan.

Muli na naman siyang nagsulat sa papel at pinabasa sa babae.

"Anong pangalan mo?" Tiningnan siya ulit nito bago muling nagsulat sa papel at pinabasa naman sa kaniya.

"Kishia po ang aking ngalan."  Napangiti siya nang mabasa ang ngalan nito.

"Kay gandang pangalan." Saka ay muli na naman siyang nagsulat.

"Kinagagalak kitang makilala Kishia." Ngumiti ito ng kaunti nang mabasa ang sulat niya. Pero hindi pa iyon tapos, nagsulat ulit siya rito nang may maalala siyang importanteng bagay.

"Gusto mo bang magtrabaho dito sa Cafe ko?" Nagulat ito sa nabasa at gulat na tumingin sa kaniya. Tumango naman siya rito at ngumiti. Umukit ang malaking ngiti sa labi ni Kishia habang nagagalak na nakatitig sa kaniya.

Muli na naman siyang nagsulat sa papel at ipinakita rito.

"Pero bago yun, kailangan mo munang maligo at mag-ayos ng katawan. May iapapahiram akong damit na siguradong kakasya rin sayo. At tawagin mo na rin akong Miss Zharra" Mas lalo itong ngumiti sa kaniya saka nagsulat rin.

"Maraming Salamat po Miss Zharra."

Inalalayan niya itong tumayo at iginiya papunta sa may CR.

"Sige na, maligo ka na." Pinapasok niya ito sa loob ng CR.

Pumasok siya sa silid kung saan siya nagpapahinga at kumuha ng pares ng damit sa cabinet. Nakita niya naman ang isa pang cabinet na katabi lang din ng kinuhaan niyang damit.

Binuksan niya ang cabinet at bumungad ang mga sapatos at mga sandals na walang heels, halos mapuno na nga ng mga sapatos ang isang cabinet na yun.

Hindi na niya pinansin ang dami ng mga sapatos at kumuha ng dalawang pares. Hindi na niya inalam ang size ng paa ni Kishia dahil tiningnan  niya ang paa nito kanina at alam niyang singlaki lang ng paa nito ang sapatos na kinuha niya.

Dinala niya ang dalawang pares ng sapatos at damit kay Kishia. Hinintay niyang matapos itong maligo at magbihis hanggang sa lumipas ang ilang minuto. Lumabas ito sa loob ng CR at nakita niya ang maaliwalas nitong mukha.

Tama nga siya, magandang dalaga ang nakita niya sa kalye kanina. Kailangan lang talagang ayusan para makita ang tunay nitong hitsura. Siguradong maraming ring magkakagusto sa dalaga dahil sa angkin nitong kagandahan.

Nangingiting lumapit siya kay Kishia at pinaupo sa may malapit na upuan at sinuklay ang mahaba nitong buhok. 

Dahil tinanggap niya si Kishia sa Cafe niya ay na-realize niya na kailangan na rin niyang humanap ng mga katulong sa pagpapapalago ng Cafe. Nangingiti siya habang iniisip ang bagay na iyon habang sinusuklayan ang buhok ni Kishia.

***

#UnforgettableLove






Unforgettable LoveWhere stories live. Discover now