Kabanata 13

1K 74 3
                                    

BRUCE

Nang magising ako ng umagang 'yon, isang yellow post-it note, at isang maliit na itim na box agad ang bumungad sa akin. Parehong nakapatong sa bedside table. Ilang segundo ko 'yong tinitigan habang nakahiga bago nagpasyang bumangon at maupo sa kama. Kinuha ko ang note at binasa ang nakasulat.

For my favorite boy.

Nangunot ang noo ko matapos mabasa 'yon. Wala nang ibang nakasulat pa. Judging by the penmanship, parang kilala ko na kung sino ang nagsulat no'n. Hindi pantay ang pagkakasulat dahil may mga letrang maliliit at malalaki. Magulo. Napangisi ako at napailing nang mapagtantong si Matt ang naglagay nito sa loob ng kwarto ko. Ano na naman kaya ang trip ng lalake na 'yon?

Kinuha ko ang maliit na itim na kahon at binuksan agad. Bracelet ang laman. Isang flat at normal na bohemian bracelet na nabibili rito sa Palawan. Brown ang kulay no'n. Simple lang ngunit ang nakaagaw ng pansin ko ay ang disenyo nito sa gitna.  May maliit na square steel plate sa gitna ngunit imbes na salita o pangalan ang nakaukit, isang bilog na sa loob ay may nakaukit na trophy at sa loob ng trophy ay nakaukit ang isang numero.

Number 1.

Tinitigan ko 'yon at hinaplos ang nakaukit. Maganda ang pagkakagawa ng bracelet. Hindi binasta at mukhang mahirap gawin. Ngunit bakit naman ako bibigyan ni Matt ng ganito?

Hinanap ko siya nang makalabas ng kwarto dala ang box na may lamang bracelet.

Wala siya sa loob ng villa. Gano'n rin ang mga kaibigan ko. Nasaan sila? Nang tingnan ko naman ang oras, alas onse na pala ng umaga. I overslept. Hindi man lang nila ako ginising?

When I stepped outside, natanaw ko ang taong hinahanap. Nakaupo siya sa kung saan ako palaging tumatambay para magyosi, nakaharap sa dagat at mukhang nag-iisip nang malalim. Nilapitan ko agad si Matt roon.

"Akala ko, mamaya pa ang gising mo, eh." Siya, matapos akong makitang papalapit. Nakangiti sa akin. "Gutom ka na ba? Ipaghahanda kita. Nagluto sina Gus kanina. Hindi ka na ginising dahil tulog-mantika ka." Natatawang sabi niya. Umiling naman ako.

"Nasaan sila?" sabi ko bago tumabi sa driftwood kung saan siya nakaupo. Dinistansya ko ang sarili nang kaunti. "Wala sila sa loob."

"Sina Gus at Krystal, pumunta sa bayan. Si Tamara, ayun, nandoon." Itinuro niya ang kabilang banda ng beach, sa kaliwang bahagi, kung saan makikita ang malawak na dalampasigan. Natanaw ko ang tinutukoy nito. Naglalakad habang naka-bikini. Tinanguan ko si Matt. Nakita nito ang hawak kong box. Ngumisi. "Nabuksan mo na pala 'yan."

Nangunot ang noo ko nang kaunti habang nakatingin sa kanya. "Para saan ba 'to? Talagang pumasok ka pa sa kwarto ko para ibigay sa akin, ha?" nagkunwari akong naiinis kahit ang totoo, maayos naman ang gising ko. Sadyang nagtataka lang ako kung bakit may paganito siya sa akin.

"I've been thinking of giving that to you since the night we left Caleb's resort." Nakangiti niyang sabi habang nakatingin sa hawak ko. "Hindi ako nagkaroon ng chance na gawin 'yon kasi palagi kang badtrip sa akin. Saka, kung ibibigay ko naman nang diretso, baka hindi mo tanggapin. Kaya ayan, nilagay ko na lang sa kwarto mo." Paliwanag niya sa akin. Lalong nangunot ang noo ko habang nakatingin kay Matt. "Bakit? Ayaw mo ba?"

Napatingin ako sa hawak kong box at doon natulala nang ilang segundo.

Tatlong araw na ang nakalipas mula noong gabing inimbitahan kami ni Caleb na magdinner sa resort nila. Tatlong araw pero ang epekto niya sa akin ay hindi pa rin nawawala. Naiinis pa rin ako. Lalo na't walang ibang bukambibig ang mga kaibigan ko kundi Caleb, Caleb...Caleb! May mga pagkakataon pang gusto nilang pumunta roon at magpapansin. Inaasar ako sa tao kahit alam nilang naiinis ako roon. Napahiya sila sa akin noong sinabi ko ang naging pag-uusap namin ni Caleb...noong nilinaw niyang hindi ako ang dahilan ng pag-alis niya ng hotel sa Tagaytay kundi isang kaibigan.

Hate and Maybes [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon