Nagmamadaling isinampa ni Rob ang mga bagahe sa 4x4 jeep sabay tapik sa driver
"Tara na pre! Double time na at baka hindi tayo umabot sa cut-off."
"Sige boss!"
Sabay arangkada ni Ronald at mabilis na tinahak ang daan papuntang dispatching area. Si Ronald ay ang team Leader ng mga 4x4 jeep driver na bumibiyahe kay Rob. Isa ito sa pinakamahusay at maaasahang driver nya sa team. Isa na naman ito sa mga araw kung saan ay nagmamadali ang lahat. Mangyari ay may itinakdang cut-off ang Philippine Air Force sa lahat ng papasok sa Mount Pinatubo at ang mga hindi aabot ay hindi na makakaakyat.
Ang ilang bahaging dinadaanan ng 4x4 jeep patungong Pinatubo ay nasasakop ng Philippine Air Force (PAF). Dito matatagpuan ang Crow Valley Gunnery Range kung saan ginaganap ang Balikatan Joint Military Exercises at bomb disposal activities. May mga pagkakataong maari pa ring dumaan sa area kung may itinakdang "cold time" o kaya ay "break". May takdang oras lang ang pagdaan sa military check point kung aakyat o kaya ay bababa ng Pinatubo. Tinatawag nila itong "window time" Kapag hindi nagbigay ng cold time ang PAF, isasara ang Pinatubo at walang papayagang makaakyat hanggat hindi natatapos ang nasabing aktibidad.
Si Rob ay isang Tour Organizer at may ari ng isang kilalang Tour Guiding Services sa Norte na nag aayos ng mga trekking activity. Kilala ang grupo ni Rob bilang isang magaling at dekalidad na organisador ng mga overnight camping activity dahil sa magandang serbisyo nitong naipamalas sa maraming turista na umaakyat sa Mount Pinatubo at sa iba pang kilalang bundok sa North Luzon
"Hey guys, we're safe now!"
masayang naibulalas ni Rob sa mga banyagang turista pagkatapos nilang makalagpas sa check-point.
"Thank you Rob! You have a great driver! Sorry for the trouble, if not for that traffic..."
Di na pinatapos ni Rob ang nagpapaliwanag na kano.
"Don't mention it Tim! Just enjoy the ride and you owe me a good shot!"
sabay tawa ng malakas ni Rob at pomorma para magpa kodak sa kano. Sabay-sabay na pumitik ang kamera ng tatlong kano at kinunan ang nakapormang si Rob sabay sabing sa kanyang: "You're the man Rob!!"
Malakas na nagtawanan ang lahat habang tinatahak ang mabato at maalikabok na daan papuntang Mount Pinatubo. Marami pang ilog ang tatawirin bago nila marating ang jump off point patungo sa bulkan.
Ang Mount Pinatubo ay isang sikat na bulkan sa North Luzon. Ito ay nasa boundary ng tatlong probinsya ng Zambales, Pampanga at Tarlac. Nasa gawing Botolan Zambales ang kinaroroonan ng pinaka lawa ng bulkan subalit nasa Capas, Tarlac naman ang tanging daan kung saan maaaring umakyat at marating ang mismong bunganga ng bulkan. Para marating ito, kinakailangang magparehistro sa Local Tourism ng Capas, kumuha ng local tour guide, mag arkila ng 4x4 jeep at magbayad ng entrance fee at environmental na itinakda ng Munisipyo ng Capas Tarlac at Botolan, Zambales.
Sa mga nagtitipid o kaya ay sa mga pangkaraniwang backpackers na may limitadong budget ay maaari naman ang isang DIY o DO IT YOURSELF na pamamaraan ng pag-akyat. Ibig sabihin ay ikaw mismo ang maglalakad ng lahat ng kakailanganing permit at requirement para makapag trek. May mga pagkakataon nga lang na hindi nagiging maganda ang karanasan ng ilang turista at nakakapagsulat sila ng hindi magandang feedback lalo pa at natyempo ka sa mga local guide na walang pakialam at iiwanan ka lang sa daan. Ang mga dayuhan naman ay nahihirapan sa komunikasyon dahil maliit na bilang lamang ng tour guide ang may kaalaman sa wikang Englis. Dahil hindi nga matatas gumamit ng banyagang salita ang karamihan, binibilisan na lang ng mga ito ang lakad upang huwag nang magtanong pa ang turista at yung iba naman ay sadyang iniiwan nila ang turista. Ito ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng hindi magandang impresyon ang ilang banyagang turista. Ang ilan dito ay sumusulat ng negatibong kumento sa mga travel website at social networking sites sa Internet kung saan hindi inirerekomenda ang mga ganitong klase ng pag akyat dahil hindi ka mag eenjoy at sa huli ay masasabi mo na hinding hindi ka na babalik sa lugar na iyon.
BINABASA MO ANG
VOLCANICA (ONGOING SERIES)
FantasyAng kwentong ito ay tungkol sa isang binatang nagustuhan ng isang magandang diwata ng bulkang Pinatubo. Ito ay isang hindi karaniwang kwento na iniluwal ng malalim na imahinasyon ng may-akda dahil na rin sa kaugnayan nito sa kanyang kasalukuyang...