072

1 0 0
                                    

kahit anong pag usig sa kalooban na magbanat ng buto sa paglimot, nasa ilalim ka nitong mga balat na 'di maabot kahit ng ilang punla. umaalingaw-ngaw sa bawat sulok ang iyong mga alaala, mas nakikilala ko ang aking puso sa oras ng pangungulila. naririnig ko ang iyong pangalan sa sariling labi na parang dasal ng mga napaglipasang kahilingan.

kung suntok man sa buwan ang patuloy na pagsisindi sa altar ng ating panahon, mapupuno lamang ito ng ilang daang mga kandilang mauuna pa maupos kaysa sa tasang panulat ng aking puso. dadaloy ang lahat ng bugso, mga salita, at hiwaga sa galaw ng pagkukusa— nang walang pagpupumilit, pagpapatahimik, at paglipit sa mga kung anong hindi ganoon kaaya-aya.

kung patuloy man lang akong magmamahal sa ganitong paraan, hihimlay akong hubad at sariwa sa pagdaramdam. ang mga maiiwan kong sulat ang magsasabi sa presyo ng sobrang pag-aalay at pagpapakatotoo, habang mananatili itong lihim sa magulong mundo.

kung hindi ko na muling mararating pa ang oras ng ligaya, habang-buhay ko ang ating sandaling pananatili. kaunti pa, ipapangalan ko na sa iyo ang malalim kong pag-aasam simula pa noong pagkasilang.

hindi lang talaga kailanman magiging susi ang paglimot, ito'y nagiging lason lamang sa mga magagandang sukat ng aking diwa. ang limutin ka ay parang pagbaon nang anim na talampakan sa lupa ng sariling pagkatao.

oh, sa akin nananatili Where stories live. Discover now