Sariwang hangin, tahimik na kapaligiran at halos mga huni lang ng ibon ang aking naririnig sa buong kapaligiran. Andito ako ngayon sa probinsya, sa probinsya kung saan lumaki at nagka-isip ang aking mahal na asawa. Ito ang mga bagay na wala sa syudad kaya napaka saya ko na muling makatapad dito at maranasan ang ganitong pagkakataon.
Paano nga ba ako muling naka balik sa lugar na ito. Muli kong inalala kung paano at hindi ko mapigilang mapa ngiti ng dahil dito.
"Lucas anak, handa na ba ang sasakyan?" bungad sa akin ni tatay Rey. Nakangiti ito at mababakas sa kanyang mukha ang pagka sabik. Ilang taon na rin ang lumipas pero halos hindi pa rin nagbabago ang itsura nito. Bakas pa rin ang pagka mestiso, gwapong mukha at magandang pangangatawan kahit nasa singkentay otso na ang edad nito.
"Opo itay, ilalagay ko na lang ang mga gamit natin para makaalis na rin tayo mayamaya" masayang sagot ko. Kinuha ko ang bitbit nitong bag para ilagay sa loob ng sasakyan. Napansin kong namumula ang mga mata nito pero ipinag sawalang bahala ko na lang. Baka napuyat lang ito kagabi.
"Sige anak, pasok muna ako sa loob ng bahay para matulungan sila Alicia sa dadalhin nating mga pagkain" ang nakangiting sabi nito. Tumango ako dito at muling ibinalik ang paningin sa mga ibon na masasayang umaawit at nagkukumpulan.
Anim na taon na rin ang nakalipas simula ng maganap ang isang pangyayari na sumira sa aming pamilya. Sariwa pa rin sa aking ala-ala ang araw na nagtungo ako sa bahay nila Alina dito sa probinsya para humingi ng pangalawang pagkakataon. Tandang-tanda ko pa ang naging reaksyon niya noong magkita kaming muli. Ang mga luhang kumawala sa kanyang mga mata habang ako ay nakaluhod sa kanyang harapan at humihingi ng tawad. Sobrang sakit para sa akin na makita siyang lumuluha dahil sa aking nagawang kasalanan. Tanda ko pa rin kung paano ako humagulgol ng iyak sa kanyang harapan. Mabuti na lang at noong araw rin na iyon ay nagkapag usap kami ng masinsinan at sa awa ng itaas ay binigyan niya ako ng pagkakataon na magpaliwanag.
"Daddy! Daddy!" napa lingon ako sa aking likuran ng marinig ang maliit na boses na tumatawag sa akin. Nginitian ko ito at sinabing lumapit sa aking pwesto. Mabilis naman itong tumakbo at palundag na pumangko sa aking katawan.
"Daddy, aalis na po ba tayo?" masiglang tanong nito habang nakayakap sa akin ng mahigpit.
"Lucho pawis na pawis ka. Paano ka niyan makakasama sa pupuntahan natin? Amoy zombie ka na" natatawang biro ko dito sabay nagkunwari na inaamoy ang kanyang leeg at biglang nagtakip ng ilong. Agad naman nagbago ang nakangiting mukha nito at biglang napasimangot. Tumingin sa aking mga mata bago inamoy ang kanyang suot na damit.
"Amoy zombie? Hindi naman ako mabaho katulad ng zombie" inulit-ulit nito ang pag amoy sa kanyang suot na damit. Hindi ko na napigilang humagalpak sa tawa. Bigla tuloy nitong kinagat ang balikat ko dahil napagtanto nito na binibiro ko na naman siya. Mabilis ko itong ibinaba at tumakbo papasok sa loob ng bahay para magpahabol dito. Mabilis rin ang naging takbo nito para maabutan ako.
"Lucas, Lucho tumigil na nga kayo sa habulan nyo. Mayamaya lamang ay aalis na tayo" biglang tawag sa amin ni Alina. Nilingon ko ito at tumigil sa pagtakbo sabay kindat sa kanya pero irap lang ang naging reaksyon nito. Nang dahil sa ginawa ko ay nakalimutan kong hinahabol pa pala ako ng anak ko kaya bigla akong napaluhod ng suntukin nito ang harapan ko. Nakita ko pa kung paano nagulat ang mukha ni Alina dahil sa naging reaksyon ko. Akmang lalapitan ako nito ng pigilan ko ito at sinabing okay lang ako. Tiningnan ko ang pwesto ni Lucho at nakita ko itong nakangisi at nagpipigil ng tawa dahil alam nitong nagantihan na niya ako.
"Daddy, amoy zombie po ba talaga ako?" naka ngiting tanong nito habang unti-unting lumalakad papunta sa aking pwesto. Parang may masamang binabalak kaya mabilis ang naging sagot ko.
"Hindi baby, binibiro lang kita. Ikaw talaga. Ang bango kaya ng baby Lucho ko" sabay tayo sa aking pagkakaluhod at nilapitan ito. Agad naman itong pumangko sa akin at pina amoy ang kanyang kili-kili.
"Talaga po daddy?" tumatawang sabi nito habang pilit inilalapit sa aking ilong ang kanyang sarili.
"Oo baby, hindi ka na amoy zombie" tumatawa rin na sagot ko. Natigil lang ako sa pagtawa ng makita kong masayang nakatitig sa amin si Alina. Tumango lang ito sabay talikod sa aming pwesto at pumunta sa kusina para tulungan sila nanay Alicia na maghanda ng mga pagkain namin na dadalhin mamaya. Hindi ko napigilang makaramdam ng saya dahil alam kong kaunting panahon na lang ay mapapatawad na ako nito ng lubusan. Ibinalik ko ang atensyon sa aming anak na si Lucho at muling nakipag harutan dito.
***
Andito kami ngayon sa batis na palagi naming pinupuntahan tuwing magbabakasyon sa probinsya. Naka ngiti kong pinag mamasdan ang aking mag-ina na masayang nagtatampisaw sa mababaw na parte ng batis. Hindi ko inakala na muli kong masisilayan ang masayang mukha ng aking asawa pagkatapos ng pagsubok na aming pinagdaanan kaya akoy lubos na nagpapa salamat sa maykapal dahil binigyan pa niya ako ng isang pagkakataon na muling makasama si Alina at ang aming anak. Habang nakatingin sa kanila ay bigla akong tinawag ni Lucho.
"Daddy, samahan mo kaming maglaro ng tubig ni mommy" masiglang sigaw nito. Binalingan ko ng tingin si Alina at tumango ito habang nakangiti. Sinuklian ko iyon ng simpleng ngiti at lumakad papunta sa kanila. Pagkalapit sa aking mag-ina ay bilgang hinawakan ni Lucho ang aking kanang kamay at ipinatong sa kaliwang kamay ng aking asawa. Nagulat ako sa kanyang ginawa at handa na sanang magpaliwanag kay Alina pero mas ikinagulat ko ng siya na mismo ang kusang magsaklop ng aming mga kamay.
"Gusto mo bang habulin ka namin ng daddy mo, Lucho?" nakangiti nitong tanong sa aming anak. Nakatulala at hindi makapaniwala dahil ngayon lang ito muling naulit simula ng mangyari ang isang madilim na parte ng aming nakaraan. Nawala lang ang aking pagka tulala ng bigla itong magsalita.
"Malayo na ang anak natin mahal. Tutulala ka na lang ba diyan hanggang mamaya?" tanong nito sa akin. Hindi kababakasan ng galit o pagbibiro. Simple at nakangiting mukha.
"Mahal?" nagtatakang tanong ko. Magsasalita pa sana ako pero iniharang nito ang kanyang daliri sa aking labi.
"Napatawad na kita Lucas. Gusto kong magsimula tayong muli. Magsimula kasama si Lucho at mamuhay ng tahimik" ang mahinahon na sabi nito. Hindi ko napigilan na mapaluha sa aking narinig. Alam kong hindi ito imahinasyon o panaginip dahil nararamdaman ko ang init na nagmumula sa aming mga kamay. Napayuko ako at tuluyang humagulgol. Napaka saya ko. Sobrang saya dahil ito na ang matagal kong hinihiling sa maykapal. Na muling mapatawad ng aking asawa at mamuhay ng tahimik kasama ang aming anak.
"Daddy! Mommy! Habulin nyo na po ako!" rinig namin na sigaw ni Lucho. Pinunasan ko ang aking mga luha at mas hinigpitan ang pagkaka hawak ng aming mga kamay.
"Handa ka na ba mahal?" nakangiti kong tanong kay Alina.
"Handang-handa na mahal" masiglang sabi nito sabay halik sa aking labi. Namiss ko ang malambot nitong labi kaya ako na ang gumawa ng paraan para magtagal pa ito. Kinabig ko ang kanyang mga pisngi palapit sa akin at mas pinag tagal ang aming halikan.
"Daddy! Mommy!" tawag ulit sa amin ni Lucho kaya sabay kaming napatawa at magkahawak kamay na tumakbo papunta sa pwesto nito.
Wakas...
