Chapter 10 - Army Motto

408 35 34
                                    

"See, tama ako, 'di ba? Unang date pa lang natin, bayad na kaagad ako sa utang ko sa 'yo," bukas ni El sa usapan nang iwan sila na waitress na kumuha ng order nila: yang chow fried rice, Peking duck, Chinese-style beef steak, dumplings, seafood noodles, and broccoli with oyster sauce.

"Hindi 'to counted. Dinner date ang usapan natin, baby, hindi lunch date."

Inirapan niya ito, na sinagot ng marahang pagtawa ni Ace.

"Kung hindi pa pala 'to official first date, ibig sabihin hindi ko rin kailangang magbayad. KKB tayo. Mas marami kaya 'yong order mo kaysa sa 'kin." Seafood noodles at dumplings lang ang order niya, the rest ay kay Ace na.

"Ako na'ng bahala sa bill natin, baby," nakangiting sagot ni Ace.

Humalukipkip si El. Matiim na tinitigan ang lalaking katapat. "You're deliberately doing things that prevent me from fulfilling our agreement."

Imbes na sumagot ay ngumiti lang si Ace; ngiting sa tuwina ay naghahatid ng ibayong kaba sa dibdib ni El.

Pinaikot na lang ni El ang mga mata. "I suggest na itigil mo na ang ginagawa mo, Ace. Hindi ako nai-impress sa ganitong mga pakulo."

"Pero kagabi'y na-impress ka na sa 'kin. 'Di ba, baby?" confident na sagot nito.

Umangat ang kanang kilay ni El. "Excuse me?"

"Don't try to deny it, baby." Ace grinned. "Ipapaalala ko lang na hindi ako basta-basta PA. Scout Ranger ako, baby. Sanay na sanay akong mag-obserba at bumasa ng sitwasyon. Asindato 'to. Scout Sniper ako."

Sinimangutan niya ito. "Well, mali ang basa at sala ang asinta mo."

Kasabay nang dahan-dahang pagguhit ng ngiti sa mga labi ni Ace ang paghugot ng malalim na hininga si El. Humilig palapit sa kanya ang lalaki. "Alam nating parehas na tama ako, baby."

"In a way, alam kong may tama ka talaga. Malaki ang tama mo sa ulo," ani El, nakahalukipkip pa rin siya nang sumandal sa bangko para kahit paano'y magkaroon siya nang kaunti pang distansiya sa binata.

"Sa dami na ng laban na nasuungan ko, nagpapasalamat akong ako ang tumatama at hindi tinamaan sa ulo," nakangiting sagot ni Ace.

Dahil sa sagot ng binata ay naalala niya ang isa sa mga tanong na naisip niya kagabi. "Ilan na ang body count mo?"

Tumaas ang isang sulok ng labi ni Ace. Nagkaroon ng kakaibang kislap sa mga mata ng lalaki. "Kapag ba itinanong ko ang kaparehas na tanong na 'yan sa 'yo ay sasagutin mo 'ko, baby?"

El rolled her eyes when she caught his innuendo. "I'm asking about your body count as a sniper, Ace, hindi 'yong body count mo sa kama."

Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni Ace. Umiling ito. "Sanay hindi kabawasan sa pogi points ko kung magpa-pass ako sa tanong mo, baby. I don't usually share that info. Hindi lang kasi siya basta random numbers para sa 'kin. Katapat ng bilang na 'yon ang bilang ng buhay na nawala at pamilyang nagluksa. Hindi naman porque't nasa magkabilang panig kami'y hindi ko na sila itinuturing na kapwa Filipino. Iyon nga lang, may sinumpaan din akong tungkulin sa bansa."

Nagkibit-balikat si Ace bago nagpatuloy. "Sa mga sandaling naiisip ko sila'y umuusal na lang ako ng panalangin. Imbes na mag-focus din ako do'n sa bilang ng napatumba ko, ang iniisip ko na lang ay mas mataas ang bilang na naisalba ko. Alam ko kung gaano kaimportante ang trabaho ko. Ilang beses ko nang napatunayan 'yon. May mga nasuungan akong misyon, hindi makaabante ang tropa. Ilan sa mga kabaro ko ang nawala. Hindi nila mailabas ang mga wounded in action kasi ini-snipe sila. Kung hindi namin sila ika-counter at uunahan, mas maraming buhay ng tropa ang mawawala. Hindi lang 'yon, minsan, pati sibilyan mamemeligro dahil sa kanila."

El bit her lip. Isa pang tanong na naisip niya kagabi ang naisipan niyang isatinig. "Neuro-surgeon ang daddy mo, pulmonologist naman ang mommy mo. Kung tama ang pagkakaalala ko sa naikwento sa 'kin ni Mama, endocrinologist naman ang kuya mo. Bakit mo piniling magsundalo?"

Ace smiled. "Hindi ako kasing talino ng mga magulang at kapatid ko, baby."

El shook her head. Ganito rin si Ace kagabi nang kausap ang mommy niya. Matapos sumagot sa isang military-related question ay mabilis na ibabaling sa iba ang topic. Isa pang napansin niya ay hindi ito nangingiming magbitaw ng self-deprecating joke para lang maiba ang atmosphere at maibaling sa mas light na subject ang usapan.

"We both know na hindi totoo 'yan, Ace. Hindi ka makakapasa sa PMA kung hindi ka matalino."

Lalong ngumiti si Ace. "Wow! For the first time, may isang bagay din tayong pinagkasunduan, baby. Proud akong ang pagiging matalino ko pa 'yon. Looking forward akong aminin mong bukod sa natatalinuhan ka'y nagagwapuhan ka rin sa 'kin."

"Gutom lang 'yan, Ace." Pinaikot na lang ni El ang mga mata. "I'm trying to have a meaningful conversation here, pero wala kang ginawa kundi sumagot nang pabiro."

Tumukhim si Ace. Nagseryoso, pero kita pa rin naman sa mga mata ang kaaliwan. "Okay. Go on, baby, fire away."

"Bakit ka nga nagsundalo?"

"Na-inspire ako sa lolo ko—father ng mother ko. Scout Ranger siya. Non-commissioned officer. Kapag bumibisita ako sa kanya, nagkukwento 'yon ng mga engkuwentrong dinaanan niya. Madalas sabihin sa 'kin ni Lolo na sa lahat ng naging posisyong dinaanan niya, lead scout ang isa sa pinaka-challenging. Siya kasi ang magdidikta kung saang ruta dadaan ang tropa. Kailangang alerto at maingat, dahil isang maling desisyon, pwedeng ang kasunod na hakbang, face-to-face na sa kalaban.

Proud na proud 'yon kasi sa mga mission na siya ang nag-lead, walang KIA—killed in action, I mean. May mga WIA—wounded in action, hindi maiiwasan, pero at least walang KIA. Actually, noong na-deploy ako sa Abra, nagamit ko ang ilan sa mga taktikang ibinahagi sa 'kin ni Lolo habang nagle-lead din ako ng tropa. Platoon Leader ako that time kaya sumasama rin ako sa mga missions."

"May say ka ba kung sa'n ka mapapa-assign?"

"Kung sa'ng lugar sa Pilipinas kami mapapa-assign, wala. Kahit hanggang ngayon, kung saan kami kailanganin, doon kami pupunta. Ang choice na ibinigay sa 'min bago kami maka-graduate sa PMA ay kung sa'n namin gustong ma-assign na branch of service: Navy, Air Force, Army. Army talaga ang gusto ko umpisa pa lang."

"Bakit?"

Nagkibit-balikat si Ace. "Tulad ni Lolo, gusto ko ring maranasan sa infantry. Iba ang hatak sa 'kin nung mga kwento ni Lolo sa tuwing nagse-share siya ng mga combat missions nila noon. May tatlong choices kami kung sa'n namin gustong ma-assign. Puro Specialized Units ang pinili ko: Scout Ranger, Special Forces, at Light Reaction. Buti sa Scout Ranger ako napunta. No'ng nado'n na 'ko, nag-take ako ng anim na buwan na ranger training. At dahil mayabang ako, nag-take pa ako ng tatlong buwan na sniper course."

"May ikawalang bagay na tayong pinag-agree-han. 'Yong mayabang ka."

Tumawa si Ace. "Ikatlo 'yon, baby. 'Yong gwapo ako ang ikalawa."

Iningusan ni El ang binata. "Anyway, back to our original topic. I'm sure na natuwa ang lolo mo kasi parehas kayong ranger."

"Oo naman. Proud na proud si Lolo. Natuwa siya na magse-serve ako sa kapareha niyang branch of service na may pinaka-astig na motto."

"Sorry, pero ano bang motto ninyo?"

"Share ko sa 'yo ang motto ng tatlong sangay ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas." Ngumisi si Ace, ngising alam na ni El na kalokohan na naman ang sasabihin nito. "Sa Airforce: dadalhin kita sa langit. Sa Navy: sisisirin kita. Sa Army: ginagapang ka pa lang, pinuputukan ka na." Nagtaas-baba ang kilay ng lalaki. "Astig ang motto sa Hukbong Katihan, 'di ba?"

Natampal ni El ang noo. Mariin niyang ipinikit ang mga mata, kasabay ang pagkagat sa labi. Sunod-sunod ang ginawa niyang paghinga para pigilin ang sarili sa pagtawa. This guy is really something else. Nang kontrolado na niya ang emosyon ay muli siyang nagmulat ng mga mata. Ang nanunudyong mukha ni Ace ang namulatan niya.

"I don't know what to make of you, Ace Ismael. Ang sakit mo sa ulo," umiiling na salita niya.

Ipinagpasalamat ni El na dumating na ang waitress ay ihinayin na ang ilan sa mga order nila—dumpling, yang chow friend rice, broccoli, at noodles.

"Mabuti pang kumain na tayo, kesa kung ano-ano na namang kalokohan ang sabihin mo."

MISSION 4: Pleasing YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon