Kapag pumuti na ang uwak.
Iyan ang mga malimit kong marinig na mamutawi sa iyong mga labi tuwing ang aking bibigkasin ay mga pangarap. Pag-asa. Sining.
Kay taas ba ng alapaap? Masiyado bang makinang ang mga tala upang hiling ko'y dinggin?
Realidad.
Dito ay lagi mo akong hinihila pabalik kung ang isip man ay lubha nang naglalayag sa mga gustong maging. Nais ko lang naman sumuntok sa buwan ngunit bakit ang mga kamao ko ay pilit mong binubuklat? Pakpak kong ibinubuka ay binabali kung ang mga paa ay hahakbang na sa lipad ng hangin. Lahat ng ito ay kaya mong masira sa akin.
Lahat . . . liban sa aking imahinasyon na kailanman ay hindi mo magiging hawak. Sa isip, kaya kong maging kung anong aking nais maging. Sa isip, kung saan malaya ang aking mga pakpak lumipad at damhin ang halik ng hangin. Sa isip, kung saan ang mga kamao ay walang pasubaling sumuntok sa buwan. Puspos ng pag-asang kamtin ang mga pangarap sa ngalan ng sining dahil sa sining . . . pa rin ako babalik.
At hindi ko namalayan, hindi na pala ako basta lang sumusuntok sa kawalan. Ang mga kamao'y sa wakas dumampi sa mukha ng buwan . . .
Nakabalik ako sa mundo ng sining na matagal nang gustong kamtan.
BINABASA MO ANG
Suntok sa Buwan
RandomBalang araw ay magiging katotohanan ang mga bagay na inakala nating suntok sa buwan. -- A compilation of prose and poetry from Usad, Manunulat's Weekly Writing Activity. Date Activity Posted: March 10, 2024