Chapter 5

724 14 0
                                    

CHAPTER FIVE

BAHAGYA pa lang na naiawang ni Avon ang pinto ay agad din niyang isinara iyon nang makita kung sino ang nasa labas ng pinto. "Hey! Ako 'to," malakas na wika ni Arius na maagap na napigilan ang pagsara ng pinto. "Alam ko." Ibinigay niya ang buong lakas niya upang itulak uli pasara ang pinto. "Ouch! Open up, open up! Stop it, Avon. I swear, 'pag itinodo ko ang pagtulak dito, titilapon ka. Ikaw ang mas masasaktan sa ating dalawa." Hindi siya nagpasindak dito. Pero saglit lang ay naramdaman niya na may puwersa na ang pagtulak nito sa pinto. Nagmatigas siya sa pagpigil dito pero nagawa rin nitong maingat na buksan iyon. Nakangiwi ito nang tumambad sa kanya. Dali-dali itong pumasok sa bahay niya. "Ba't ang aga-aga, nambubulahaw ka? At paano mong nalaman kung saan ako nakatira?" "Madali lang naman magtanong. Isa pa, tanghali na para sabihin mong ang aga kong mambulahaw." Napaigtad pa ito nang pabalabag niyang isinara ang pinto. "Gusto mong ang pagkatao mo ang mabulahaw? Bigla ka na lang sumulpot dito para sermunan pa ako?" "Kailangan nating mag-usap. May inililihim ka." "Tungkol naman saan?" Naaalibadbarang ginulo niya ang nakasabog nang buhok niya. Doon na siya nakatulog sa sala kaya dinig agad niya ang malakas na pagkatok sa pinto. Madaling-araw na siyang nakauwi na karaniwan naman na dahil sa mga gig nila. Pero hindi siya nakatulog agad dahil sa pagsulpot nina Arius at Roald na mabuti na lang ay hindi nagbanggaan nang maiwan ang mga ito sa mesa nang tumugtog ang banda niya para sa last set. Mabuti na lang din at mukhang sinubukan ng mga kabanda niya na apulahin ang kung anumang animosity sa pagitan ng dalawa. "Kinokompronta mo ba ako?" Ibinagsak niya ang sarili sa sofa at saka pumikit. "Ikaw nga itong dapat magpaliwanag kung bakit mo idineklarang boyfriend ki—" Her eyes flew violently open when she remembered clearly what he'd done. "Bakit mo ginawa iyon?" nang-uusig na tanong niya. Agad nitong itinaas ang mga kamay. "Ang alin?" "Bakit mo sinabing may relasyon tayo?" "Did I?" painosente pang tanong nito. "Yes, you did!" nakatiim-bagang na sabi niya. "Sa pagkakaalala ko, wala akong direktang sinabi na ako ang boyfriend mo, 'di ba?" "But you implied it! Bakit mo ginawa iyon?" Halos maglabasan na ang mga litid niya dahil sa kakaswalan nito. "I just felt like doing it." "What?" "Huwag mong sabihing hindi mo nagustuhan?" Napahumindig siya. "You're a jerk—" "Ah-ah, don't say bad words. Patapusin mo na muna kasi ako. Nagustuhan mo iyon dahil sa naging reaksyon ni Roald sa kaalamang may boyfriend ka na. Para kang nakahinga nang maluwag sa dahilang naisip ko na gusto kong matiyak kung tama ba. I observed that you wanted to avoid him. Kaya nga hindi ko na rin napigilang sabihin iyon para asarin siya." "What made you think I was trying to avoid him?" nakamaang na tanong niya. Masyado ba siyang transparent o talagang inoobserbahan nito ang kilos niya? "Ako naman kaya ang subukan mong paliwanagan sa mga bagay na nalalabuan pa rin ako? Tinulungan kitang makaalis sa party ng kapatid mo. Pagkatapos sinagip kita sa lalaking obvious naman na ayaw mo." She sneered. "Nanunumbat ka ba?" "No. 'Tingin ko lang, dapat kong malaman kung anuman iyon. Lalo pa't mas naintriga ako dahil hindi mo tinutulan ang maling akala ni Roald at ng mga kaibigan mo na may relasyon tayo." Natigilan siya at nag-iwas ng tingin dito. "And, oh, I was wondering why you live in this kind of place." Nagbababalang nagtaas siya ng tingin dito. "Why? Nagtataka lang naman ako. At ipinagtataka ko rin kung bakit hindi yata naalis 'yang itim na guhit diyan sa mga mata mo." "Wala kang pakialam," naaasar na sabi niya. "Okay. Maganda ka pa rin naman kahit wala kang kaayos-ayos at parang nakipagsabunutan." Noon lang niya naisip na para siyang luka-luka sa hitsura niya. Natatarantang natutop niya ang bibig. Shucks! Hindi pa ako nagmumumog at naghihilamos. Ni muta, hindi ko pa natatanggal! Tumakbo siya sa kusina upang ayusin ang sarili na ikinatawa nang malakas ni Arius. Hindi pa man niya ganap na naaayos ang sarili ay may kumatok na naman sa pinto niya. Ano ba naman 'tong mga istorbong 'to! Nanggigigil na pinunasan niya ang mukha niya at saka mabilis na bumalik sa sala. Pabigla niyang binuksan ang pinto para pabagsak din iyong isara. Gulat siyang napasandal sa pinto. "My gosh!" "Bakit? Ano iyon?" Tinangka ni Arius na buksan iyon pero hindi siya umalis sa pagkakaharang doon. "Huwag! Nasa labas si Roald!" umiiling na sabi niya. "Ano'ng ginagawa niya rito? Binibisita ka ba lagi n'on?" tila naninitang tanong nito. "Hindi, 'no!" "Ano'ng gagawin mo, eh, napagbuksan mo na siya?" "Avon, may problema ba?" tanong ni Roald habang kumakatok. Napangiwi siya. "Mangako ka, makikiayon ka sa kung ano'ng sasabihin ko, ha?" sabi niya kay Arius. Hindi na niya hinintay na sumagot ito. She immediately opened the door and greeted Roald with a smile. "Hi! Sorry, nagulat kasi ako sa iyo kaya napagsarhan kita ng pinto." "It's okay." Nalipat ang tingin nito kay Arius. "Ang aga ng boyfriend mo, ah." "Ikaw rin ang aga mo," sarkastikong ganti ni Arius. "I wanted to talk to Avon. Hindi pa kasi kami nakakapag-usap nang maayos mula noong party. I hope it's okay with you," pormal na sabi ni Roald. Nagkibit-balikat si Arius. "Of course. It's okay with him. Right, honey?" sagot niya. Ipinalibot niya ang braso niya sa baywang nito. "HEY! YOU'RE Avon of Accented Beat, right?" Napahinto si Avon sa paglalakad sa loob ng Runchoz—ang fine-dining restaurant na pag-aari ni Arius—at napalingon sa babaeng ngiting-ngiti sa kanya. Natutuwang lumapit ito sa kanya at saka siya pinasadahan ng tingin. "Ikaw nga. Hinahanap mo ba si Kuya Arius?" Napangiti siya. "Paano mo nalamang kakilala ko si Arius?" Naroon siya upang kausapin si Arius tungkol sa pagpapanggap nito bilang nobyo niya. Naisip niyang panindigan na lang ang pagpapanggap nila upang tigilan na siya ni Roald at mapaniwala niya ang kanyang ama na hindi siya sang-ayon sa plano nito sa kanya. Maybe Arius was something of a savior because he always seemed to be there to help her with her problems. Mukhang interesado talaga itong malaman ang pinoproblema niya kaya maglalakas-loob na siyang hingin ang tulong nito para maiwasan ang pagmamanipulang gustong gawin ng papa niya sa buhay niya. "Naikuwento ka na kasi niya sa akin. 'Sabi ko na nga ba, tama ako. I can sense that you're perfect for him. Ang sweet mo para sadyain pa siya rito." Napangiti siya nang alanganin. "Sweet ba 'yong nagpunta ako rito para maningil ng utang?" pagbibiro na lang niya. "Ay! Utang na pera o pag-ibig? Mabilis pa sa alas-kuwatrong babayaran ka n'on," ganting-biro nito. Natawa siya. "May I know the name of the lovely lady?" Bumungisngis ito. "Ianna, his cousin. Are you sure I look lovely? Walang bawian, ha?" Tila gusto pa nitong makipagkuwentuhan sa kanya pero nagpaalam na rin agad ito dahil may lakad pa raw ito. Inutusan na lang nito ang isang staff upang samahan siya sa opisina ni Arius. Magalang na nagpaalam ang empleyado pagkatapos nitong ituro sa kanya ang pinto ng opisina ni Arius. Pero hindi pa man siya nakakalapit nang husto sa nakaawang na pinto ay may narinig na siyang dalawang boses na nagtatalo mula sa loob. "PAANO akong hindi magagalit, eh, iba na ang inaasikaso mo sa napagkasunduan nating gagawin mo? I thought you were hooking up with her dahil ibang strategy na ang naiisip mo para makalapit kay Axel at magantihan siya tulad ng pangako mo sa akin." "Hindi naman kasama sa misyon ko ang tungkol kay Avon. She has nothing to do with your anger and your desire to take revenge on Axel. Huwag mong sabihing idadamay mo pa siya rito?" Pinilit ni Arius na magpakahinahon habang kausap niya ang galit na si Bradt. Iyon ang unang pagkakataon na lumabas ito ng lungga sa hindi kaaya-ayang hitsura nito sa paningin ng kahit sino. Gusot ang T-shirt nito, magulo ang may-kahabaang buhok, at ilang araw na stubble. Hindi niya inakalang magpapakasira nang ganoon si Bradt dahil sa isang babae. Bradt was a womanizing playboy, he'd already dated and bedded a number of lovelies. Sa kanilang dalawa, ito ang higit na walang pakialam sa pakikipagrelasyon kaya naman nagulat siya sa naging epekto rito ng babaeng hindi pa niya nakikilala. Sa litrato pa lang niya nakikita si Axel pero nang makita na niya ito nang personal ay hindi na siya nagtaka na halos mabaliw ang kaibigan niya rito. Hindi matanggap ng kaibigan niya na iniwan ito ni Axel kaya pinlano nitong gumanti sa pamamagitan niya. Pero nasira ang mga plano niya nang makilala niya si Avon at dito matuon ang pansin niya sa halip na kay Axel. Bago pa makasagot si Bradt ay nagulat silang pareho sa pagbukas ng pinto. His eyes widened when he saw Avon. "A-Avon..." Ramdam niya ang pagkawala ng kulay sa kanyang mukha. Lumipad ang galit na tingin nito kay Bradt na hindi rin nakahuma sa pagdating ni Avon doon. "Bradt?" "M-magkakilala kayo?" "Of course. We've met. Noong sila pa ng kapatid kong si Axel," sarkastikong tugon ni Avon. "Avon, let me explain." Tinangka niya itong lapitan pero agad itong umiwas. "Nalinawan na ako ngayon sa ibig sabihin ng interes mo sa kapatid ko. Pinaplano ninyong saktan siya at mukhang plano ninyong gamitin ako—" "That's not true! Hindi sinasadya ang pagkakakilala natin—" "I wish that never happened. Kaya pala ganoon na lang ang inaakto mo sa harap ko. You're up to something. How could you two be so cruel?" "Mas ako ang nakakaalam ng kahulugan ng salitang iyan, Avon. Ako ang pinaasa at iniwan sa ere ng kapatid mo nang ganoon na lang. She's the one who's cruel," mapait na pahayag ni Bradt. Avon shook her head frantically. "At ito ang naisip mong paraan? Ang paghigantihan siya? Maybe she thinks you're a loser." Nagtagis ang mga bagang ni Bradt pero hindi ito umimik. Bumaling sa kanya si Avon at tila hinanakit ang nakabadha sa mukha nito. "Masuwerte siya, may kaibigan siyang tulad mo na kayang magpanggap para lang masunod sa napakababaw na kasiyahang maihahatid ng pagganti dahil lang nasaktan siya." Iyon lang at mabilis na iniwan sila nito. Hindi na siya nito binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag. Marahas na napagbuntong-hiningang siya nang sunod-sunod at saka sinulyapan nang matalim si Bradt bago sinundan si Avon. He would deal with him later. Mas mahalaga sa kanyang maipaintindi kay Avon na malayo sa masamang hinala nito ang dahilan kung bakit hindi niya mapigilan ang sariling lapitan ito.

Pretensions And Lies - Haze PradoWhere stories live. Discover now