Kabanata VII

362 97 1
                                    

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, at sa paglingon ko sa aking likuran, ako'y nahagip ng isang aroma-nakakabighani, tila ba'y isang pabangong may adiksyon-na nag-uudyok sa akin na amuyin siya sa bawat paghinga. Subalit, agad akong napa-iling, tinangay ng pag-aalala habang pinagmamasdan ko ang nagbabaga niyang mga palad at ang kanyang mukha na binabalot ng galit.

Sa 'di-kalayuan, isang karwahe ang marangyang nakaparada sa tabi, na tila handa sa isang maharlikang paglalakbay. Doon ko napagtantong ang landas na ito ay diretso palang papunta sa palasyo. Limang kawal, nakapuwesto at nakabantay, mga mata'y seryoso at di maipinta habang ako'y kanilang sinusuri.

"Sino kayo... sino ka at ano ang balak ninyo sa akin?!" Ang tanong ko'y kasabay ng kaba at pagkataranta. Naiiba ang kanilang uniporme, at ang lalaking nasa aking likod ay hindi ko kilala-hindi siya mula sa mga karaniwang taong aking nakakasalamuha.

Lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa akin, at sa sandaling iyon, aking napansin-hindi maikakaila-ang kanyang kagwapuhan at ang hindi pangkaraniwang atraksiyon na kanyang taglay. Ang kanyang kasuotan, na nagpapahiwatig ng yaman at rangya, ay nagpapatunay na siya'y hindi hamak na mamamayan lamang.

Gayunpaman, ang kakatwa ay hindi ko siya madalas makita sa paligid. Ang kaharian ng Pyropolis ay sadyang malawak, at hindi ko matukoy kung saang sulok siya nararapat ilagay.

Ang damdamin ko'y hindi rin maipaliwanag. Parang may kuryenteng dumadaloy sa aking katawan, isang enerhiya na hindi maintindihan. Hindi kaya ito ay dahil sa hindi inaasahang pagtatangi sa kanya? Hindi, imposible. Ano ba itong mga naiisip ko.

"Bakit ba ang kapangyarihan mo'y tila laging nasa iyong mga palad, handang gamitin? Anong layunin mo? Mayroon bang dapat matakot sa iyong mga balak?" ang tanong niya, na may halong galit, habang ang kanyang kilay ay bahagyang umangat sa pagtataka.

"Ang buhay na ito ay akin at wala kang karapatang manghimasok!" ang tugon ko, hindi maikubli ang pagtataka. "At ikaw, sino ka ba upang magtanong?"

"Ikaw ang dapat kong tanungin. Ngayon ka lamang lumitaw sa aking paningin," muling tanong niya, hindi natinag.

"Ang pangalan ko'y Aurelia, anak ni Haring Theo at ng yumaong Reyna Astrid," ang pag-amin ko nang may pagmamalaki. "Ngunit ikaw, sabihin mo, sino ka?"

"Ako si Wyatt, ang Marquess ng Eldermoor, at ako'y bahagi pa rin ng kaharian ng Pyropolis," ang paglalahad niya. "Alam ko ang tungkol kay Lady Aurelia. Huwag mong akalaing madadaya mo ako!"

Napakamot ako sa aking ulo, hindi maipinta ang aking saloobin.

"Kung hindi ka maniniwala, pwes dalhin mo ako sa palasyo. Anak nga nila ako. Sa ganda kong ito, hindi ka maniniwala?" Ipinikit-pikit ko pa ang aking mata. "Pero again, hindi na ako isang prinsesa. Ako'y isang katulong na lamang nila ngayon."

Bigla siyang natigilan, at ang kanyang mga mata'y lumaki sa pagkabigla. Ang init na kanina'y nasa kanyang kamay ay biglang naglaho, at siya'y napaatras, yumuko ang ulo, at sa isang nagpapakumbabang tinig ay wika, "Patawad, Prinsesa Aurelia. Hindi ko napansin na kayo pala 'yan. Malaki na ang inyong ipinagbago," ang pag-amin niya, sabay turo sa karwahe. "Kami ay patungo sa palasyo upang harapin ang mga paratang ng hari na ako'y tiwali. Subalit wala siyang maipakitang kongkretong ebidensya laban sa akin."

Hindi pa man ako nakasagot, dinugtungan na niya ito, "Galit lamang sila at gusto nila akong papalitan sa aking pwesto. Alam na alam ko na ang kanilang galawan."

Isang kawal ang lumapit sa kanya at may paggalang na ipinabatid na ang hari at reyna ay matiyagang naghihintay sa kanilang pagdating, kung kaya't marapat na sila'y magpatuloy na sa kanilang paglalakbay patungo sa palasyo.

The Twilight Heiress (Resurrection Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon